Ang Akin ay Akin na

Hindi sa kanila ang katawang ipinapakita ng salamin. 

Para sa ilang mga Pilipinong transgender, ang tunay nilang katawan ay ‘yong totoong nagpapakita ng itsurang kanilang yinayakap.

  1. “Sobrang hirap na hirap akong tingnan ‘yong sarili ko sa salamin. Kasi parang hindi ako ito. For me, mukha pa akong lalaki. ‘Yong bigote ko, medyo prominent siya. And ‘yong veins din sa katawan ko. Medyo hindi siya maganda sa [pakiramdam] kasi parang lantad na lantad siya.”  Abi (Trans woman)
  2. “I guess na because I had an absent father, even though he’s alive, I felt like I needed to step up for my mom because I always see her not okay. And I wonder what it’s like to be the man of the family instead, and just be the one to take care of my mom.” Alex (Trans man).

Ang tamang itsura ayon sa lipunan ay tila dibuhong itim at puti lamang. 

Ngunit unti-unti itong nakukulayan ng pula, kahel at dilaw sa tuwing naglalakas-loob ang mga Pilipinong transgender na magsuot ng nais nilang damit. Nasisilayan pa ito ng berde, asul at ube sa bawat ayos at gupit ng buhok na umaayon sa kanilang kagustuhan. 

Bahaghari ang kinalalabasan sa tuwing pinatutunayan nilang higit sila sa tradisyonal na binary na kasarian.

  1. “I expressed it [gender identity] by cutting off my hair and dressing the way that I want to.” Alex 
  2. “Nagsimula akong mag-dress up nang pambabae [at] mag-social transition noong nag-pageant ako nung Grade 9. First time kong sumali noon sa pageant. Tapos after that, nagkaroon ako ng confidence to dress up in a way na gusto ko.”  Abi 
  3. “A lot of it [transitioning] has also been trying to understand what it means to be feminine and what it means to be a woman. It’s also been trying to navigate how to be a woman. And not just like restricted to makeup and dresses.” Gab (Transwoman)

Ang mga Pilipinong transgender na tila ninakawan ng sarili nilang katawan ay kadalasang minamasama sa pagbawi nito. Mas masahol pa, ang selda nila ay ang sarili nilang tahanan.

  1. “They [family] told me, sayang naman ‘yong long hair ko and such, ganda-ganda mo pa naman. So, after those comments, sabi ko, okay, sige, magko-cropped [top] ako, magsho-shorts ako [at] mag-i-sleeveless ako. As in girl clothes [like] I’m still trying to be the woman that they want to see. So, I tried pleasing them for like a year or so.” Alex 
  2. “Pinagalitan pa ako ni Mama kasi na-discover niyang mayroon akong tinatagong pills. Edi pinatigil niya ako sa pag-transition. Kung ano-ano rin ‘yong sinabi niya sa aking pangalan noon.” Abi 

Gayunpaman, may siwang din ang rehas. Sapat ang lapad nito para makalusot ang kakaunting liwanag sa buhay nila.

Mayroon silang mga pamilya, kaibigan at kasintahang handang tumanggap at sumuporta sa kung anong gusto nilang maging.

  1. “Dumating na lang sa point na kahit hindi ko na itago ‘yong pills. Kahit nakalagay lang ‘yan kahit saan, si Mama pa ‘yong maglalagay sa tamang lalagyan. And wala na siyang sinasabi about it. Family ko din ‘yong nag-push para sumali ako [sa] pageant. Although noong una, medyo hesitant si Mama na makita akong nag[su]suot ng pambabae, dumating [din] ‘yong point na siya na ‘yong bumibili ng panty ko [at] mga damit pambabae ko.” Abi

Kaso mahal ang magmahal, lalo na kung para sa sarili. 

Hindi aksesible ang mga gender-affirming services para sa mga Pilipinong transgender. Maiuugat ito sa malawakang transphobia sa lipunan na nagpapalala ng sistema ng marginalisasyon.

Buhat ng mga problemang nabanggit, maraming nalulunod sa gender dysphoria. Ang iilan ay napipilitan ding kumapit sa mga mapanganib na alternatibong serbisyo na ang kapalit ay kaligtasan at hindi pag-abot ng mga pangunahing pangangailangan. 

Ang mga gender-affirming services sa Pilipinas ay nagbibigay ng ligtas na transisyon at hormone replacement therapy (HRT), suportang sikolohikal, regular na konsultasyon at binubuo ng magpakalingang komunidad ng mga eksperto sa SOGIESC. 

Gayunpaman, hindi ito sumasapat sa demand ng mga transgender na Pilipino.  

Mayroon lamang 14 na hub ang  LoveYourself  sa buong bansa – anim ang matatagpuan sa Maynila, at ang walo ay nasa Pampanga, Tarlac, Cavite, Baguio City, Bacolod, Davao City, Lapu-Lapu City at Cebu City. Ang Pulse Clinic naman ay may dalawang hub sa Makati City at Pampanga, habang ang Hara Clinic ay may isang hub sa Pasig. 

Samantala, ang DIMA Health Technology Inc. ay isa lamang digital na plataporma na nagbibigay ng mga online na konsultasyon. 

  1. “Kasi [noong] pandemic, nasa probinsya ako. ‘Yong libreng nagbibigay ng check-up for transitioning ay nasa Manila, [‘yong] LoveYourself. So, hindi talaga siya accessible for me as a trans woman plus probinsyana plus bata.” Abi
  2. “Naging mahirap po siya sa akin noong first time pong maghanap ng endocrinologist kasi most of the endocrinologists ay hindi LGBT-friendly. So, I had to find ‘yong sa may Pasay pa ‘yong LoveYourself. And I had to travel for at least 1 hour.” Alex

Pasan-pasan ng mga Pilipinong transgender ang hirap ng paghahanap sa mga  gender-affirming services. Napipilitan pa ang iba na kumapit sa mga lihim na alternatibong gamot na inangkop lamang ang anyo bilang do-it-yourself hormone replacement therapy (DIY-HRT). 

Ginagamit ng ilang transgender na babae ang HYLES (Spironolactone), isang diuretic na gamot na pang-hypertension, bilang pampababa ng testosterone. Samantala, ang contraceptive na Diane 35 (Cyproterone acetate + Ethinylestradiol) naman para pataasin ang  estrogen, sa kabila ng banta nito ng pamumuo ng dugo.

Dahil kailangan ng reseta para makabili ng Diane 35, marami ang napipilitang bumili sa impormal na merkado. Madalas itinatago ang gamot na ito sa ibang pangalan upang makalusot sa pagbabawal ng Food and Drug Administration (FDA).

Tila pustang dehado ang DIY-HRT. Pagpalain man sila ng inaasam na gender-euphoria, may sumpa naman itong kapalit. 

  1. “Isa talagang negative effect [ng DIY-HRT] for me ‘yong constant na hilakbot na nafe-feel mo kapag nasa hormonal medication ka. Pinaka-recent ko ay na-anxious ako kasi nung sinearch ko sa Google ‘yong mga sintomas ko, ‘yong lumabas ay parang may chronic kidney disease. So, nagpa-checkup talaga ako sa UP Health Service (UHS). And gumastos pa ako para sa blood test na wala ‘yong service sa UHS. So, sa labas pa siya pinagawa ng doktor. Pero, I just have to live with that [hilakbot] for the rest of my life.”  Abi
  2. “Kasi ako [ay] may mental health issues din [at] part ng side effects ng hormones ay ‘yong mood swings. So, may mga na-trigger na parts sa akin emotionally. So, hindi ko alam kung ano na ‘yong nag-a-act up: ‘yong mental health issues ba or ‘yong hormones, or nag-a-act up sila parehas.” Gab.

Mas pinapalala lamang ng kapitalistang estado ang pagsasakatuparan ng mga mithiin ng Pilipinong transgender. 

Mula sa top surgery o sex-reassignment surgery hanggang sa pag-aalis ng bigote o makikitid na balikat, malaking halaga ng pera ang kinakailangan ng mga transgender.

  1. “Each month, kailangan kong at least magtabi ng P600 mula sa allowance [ko] for my pills. Kasi pag sa 1 to 2 [days] or minsan nga 6 [days] or minsan isang buong buwan [nang] hindi ako nakakainom, [nandoon] ‘yong constant na feeling na hindi ko gustong tumingin sa salamin.”  Abi 
  2. “Nagbabawas ako sa baon ko. So, P4,000 ang aking baon a month, so kalahati na P2,000 goes into HRT” Gab
  3. “My mom doesn’t really have a stable job. So, at times, I don’t really want to bother her with spending so much on my gender affirming things. So, as much as possible, I try not to go to dance classes, which is my passion.” Alex

Hanggang ngayon, wala pa ring batas na kumikilala sa gender identity ng mga transgender sa mga opisyal na dokumento. Kapos din ang pagsasanay ng mga manggagawang pangkalusugan sa sexual orientation, gender identity, gender expression at sex characteristics (SOGIESC). Kaya hanggang ngayon ay mayroon pa ring diskriminasyon laban sa mga Pilipino transgender sa mga medikal na espasyo.

  1. “I hate going to the hospital because I need to explain myself more. They don’t really acknowledge rin kapag magpapa-check ako ng total testosterone ko [kasi] it’s still labeled as female. So when a doctor checks it, palaging sinasabi ‘why is your testosterone so high?’” Alex 
  2. “Even in the most minute ways, you’re being forced into boxes. A lot of it, minsan, are just small things. But when it piles up, hindi siya affirming.” Gab

Gayunpaman, mananatiling buhay sa alaala ni Gab ang unang pagkakataong nagsuot siya ng bestida. Hindi rin mabubura ang ngiti ni Abi nang sa wakas ay mairampa ang katawang dati’y pinapangarap lang. Habang araw-gabi namang ninanamnam ni Alex ang mapagpalayang hininga ng pag-come out, nang maipakilala na sa iba ang diwang siya.

Magmula noon, hindi na matahimik ang mga hiling na sana balang araw, maisisigaw na nila sa daigdig: “Ang akin ay akin na!” 

  1. “‘Yong very first experience ko ng gender euphoria was the first time I wore a dress. And sabi ko parang, wow, I look so pretty. Tapos, I wore it to school one time. Kinikilig nga ako pag naaalala ko.” Gab
  2. “‘Yong pinakamemorable na gender-euphoria moment ko was nung natutunan ko mag-tuck gamit ang pageant tape. So sa swimsuit portion ng pageant, kailangan naming gawin ’yon para mukhang puke ‘yong in-between ng legs. Tapos ayun, nakakatuwa siya kasi parang omg, mayroon akong ano, vajayjay. Lalo na kapag suot mo ‘yong swimsuit tapos makita mo [na] walang bukayo. For me, gender-affirming care rin siya.”  Abi 
  3. My cousin recently said to me, Buti nga nag-come out ka sa family natin. Kung hindi, it [SOGIESC]  will just be a taboo conversation. Like, everything became open, and my titos and titas became open-minded also about the LGBT community. Alex

Bumubuo na rin ang katawang nais nilang makita sa reflection. May kakayahan itong wasakin ang salamin upang maiabot ang mga bisig sa kabilang panig at yakapin ang tunay nilang sarili.

Ngunit hindi lamang salamin ang nakakikita dapat sa kanila. Karapatan nilang mamuhay nang bukas at malaya sa paningin ng taumbayan.

Kasama ang iba pang tagapagtaguyod ng kanilang karapatan, patuloy ang kanilang pagsulong para sa pagsasabatas ng SOGIESC Equality Bill, ang paggigiit ng mas aksesibleng gender-affirming services at ang pagbaklas sa heteronormative na pagtingin sa kasarian ng lipunan.

Sapagkat kung ang pag-ibig ay mapagpalaya, ang ibigin ang sarili ay isa ring anyo ng pakikibaka. At ang pag-ibig na ito ang siyang magpapaliyab sa kanilang pagmamahal sa komunidad ng LGBTQIA+ at sa sambayanang Pilipino.

  1. “Sana magkaroon ng panahong maranasan ng bawat miyembro ng LGBTQIA+ community ‘yong accessible healthcare system na hindi lang magsisilbi sa kapakanan ng mga sektor na marhinalisado, kundi sa lahat ng Filipino. Kasi sobrang intersectional naman ang experiences natin at hindi hiwalay ‘yong danas natin bilang bahagi ng community sa mas malawak na danas ng masang Filipino.” Abi 

*Hindi inilathala sa istoryang ito ang totoong mga pangalan ng mga nakapanayam ng may-akda ayon na rin sa hiling.