“Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.”
Hindi na bago ang kasabihang ito para sa mga Pilipino. Maraming pelikula, akda at maging balita ang nagpapakita ng marahas at kasindak-sindak na katangian ng mga patalim.
Mula sa mga ito, iisa lamang ang kuwento: ang mga laseta ay palaging kontrabida. Sila ang pangunahing nilalapitan ng mga taong nagtatangkang gumawa ng masama sa kapuwa kapalit ng pansariling kapakinabangan.
Ngunit sa mga palad ni Nanay Liza Villanueva, 62, nag-iiba ang kuwentong ito. Bilang isang tindera ng mga yaring-kamay na balisong, ginawa niyang butihing kakampi ang sandatang madalas ituring bilang pang-kalaban.
Matatagpuan ang kaniyang tindahan sa Brgy. Balisong, Taal, Batangas. Sa bawat pagtiklop at pagbukas ng mga paninda, nabubunyag ang isang matalim na kuwento ng kaniyang pagbangon.
High school pa lamang si Nanay Liza nang siya ay naulila. Mula sa murang edad hanggang sa nagka-pamilya, kinailangan niyang magtrabaho para buhayin ang sarili.
Mula sa hile-hilerang gamot sa botika ng kaniyang tiyahin, pilit niyang hinanap ang lunas sa pag-iisa. Ngunit hindi niya inakalang sa mga balisong niya pala matatagpuan ang kaniyang panibagong pamilya.
Kilala ang Taal bilang “Balisong Capital of the Philippines,” kaya tanyag ito sa paggagawa at pagbebenta ng mga yaring-kamay na balisong. Kakaiba ang kanilang laseta sapagkat ito ay kadalasang nagmumula sa sungay ng kalabaw at buto ng baka o kabayo.
Bagaman isang Taaleña, mapurol ang interes ni Nanay Liza noon sa mga balisong. Aniya, sadyang hindi niya hilig ang pangongolekta nito at nakasanayang tanawin lamang ang mga patalim mula sa malayo.
Ngunit nang makapagtapos ng kolehiyo noong taong 2000, lakas-loob niyang pinasok ang industriyang ito at naisipang itayo ang “Liza’s Balisong” bilang pangunahing hanapbuhay. Mula nang magbenta ay sinimulan niyang pag-aralan ang iba’t ibang uri ng balisong.
“Kahit na wala akong kaalam-alam, pinag-aralan ko ‘to. Lahat naman kasi [ay] mapag-aaralan,” aniya. “Huwag mong sabihin na wala kang alam at hanggang doon ka lang.”
Para sa kaniya, naging makabuluhan ang kaniyang pagkaulila noon dahil dito siya natutong tumayo sa sariling mga paa at hindi umasa sa iba — maging sa kaniyang asawa. Kahit kalauna’y nagretiro na ito, patuloy pa rin si Nanay Liza sa paggaod.
Bago pa man magsimula, aminado siyang isang malaking sugal ang pagtatayo ng balisungan sapagkat hanay-hanay ang kaniyang mga kakumpetensya sa bayan.
Sa halos dalawang dekadang pagtitinda, naging tahimik ang presensya ni Nanay Liza sa industriya. Araw-araw siyang naghihintay ng mamimili ngunit kadalasa’y paisa-isa lamang ang darating kada araw.
“Nag-aabang lang ako [noon] dito,” saad niya. “Kung walang pupunta, wala ding mabebenta.”
Ang kaniyang negosyo ay wari isang nakatuping balisong na naghihintay ng tamang pagkakataong mabuksan. Ngunit hangga’t walang nagbubukas nito, nananatiling nakakubli ang taglay nitong kinang.
Kaya naman ay hindi maiwasan ni Nanay Liza na makaramdam ng pagkabalisa at pagdududa. Minsan niya na ring naisip na tumahak ng ibang landas na mayroong malinaw na kasiguruhan sa pagkita.
Sa kabila nito, hindi nangalawang ang kaniyang determinasyon. Dahil sa kagustuhan niyang ipagpatuloy ang kaniyang nasimulan, naging matibay ang pundasyon ng kaniyang balisungan.
Nagbago ang ihip ng hangin nang dumating ang pandemya. Tila nabuksan na ang nakatuping balisong nang nabigyan siya ng pagkakataong pumasok sa Facebook online selling, na naging daan upang madiskubre ang kaniyang balisungan.
Mula sa paisa-isang kustomer, unti-unti na itong dinagsa ng mga mamimili.
Sa kaniyang diskarte ay naging makapangyarihan ang negosyong kay tagal niyang pinanday. Ngayon, hindi lamang siya dinarayo ng mga kapuwa-Taaleño at lokal na turista kundi pati mga dayuhang napanood siya umano sa mga YouTube vlog. Aniya, wari’y artista na siya kung ituring ng mga ito.
“Malaki ang naiaambag ko [sa industriya] kasi nakilala ang balisong sa maraming lugar. Nadadala ko ‘yung produkto hanggang sa ibang bansa,” pagmamalaki ni Nanay Liza.
Bukod dito, kalugod-lugod din ang kaniyang tulong sa mga manggagawang Taaleño na nagsisilbing supplier ng kaniyang mga balisong.
“[Ipinagpatuloy ko ito] kasi hindi lang ako ‘yung kumikita. Nakakatulong din ako sa mga manggagawa [ng balisong]. Nakakapagbigay ako ng hanapbuhay sa iba,” sambit niya.
Madalas mang ituring na “panlalaking” larangan ang pagbabalisong, hindi ito naging hadlang sa pagtataguyod niya ng sariling kabuhayan. Aniya, hindi siya nakaranas ng diskriminasyon o pangmamaliit sa pagtahak nito. Sa halip, tinitingala pa siya dahil sa kaniyang lakas ng loob at paninindigan.
“Kahit na ako’y babae, kaya kong makipagsabayan. [Tayong] mga babae ang nagdadala ng tahanan. Pero hindi pwedeng hanggang bahay lang. Kailangan [nating] lumago at laging [maging] handa sa buhay,” aniya.
Bilang isang ina, hindi lamang pamilya at negosyo ang kaniyang inaalagaan kun’di pati ang kanilang mayamang kultura sa Batangas.
Isa si Nanay Liza sa mga nagpananatili ng pagkakakilanlan ng mga Batangueño. Ang mga nakapaskil na balisong sa kaniyang tindahan ay hindi lamang basta-basta mga produkto kun’di simbolo ng kasanayan at katapangan ng kanilang komunidad.
“Kapag sinabing taga-Batangas ka, ang nasa isip agad ng mga tao ay balisong, kaya napakahalaga talaga na pangalagaan natin ito,” saad niya.
Mula sa mahabang kasaysayan ng Batangas, nananatiling makinang ang tradisyon ng balisong. Patuloy umano itong pumapatok sa kabila ng batas na nagbabawal sa pagbibitbit ng mga patalim.
Kaakibat ng responsableng pagbili, hindi lamang ito bahagi ng kanilang pagkakakilanlan kun’di isa ring paraan upang makipagkaibigan. Sa pagngongolekta ng mga balisong ay nakabubuo rin anila ng pagkakaibigan ang mga Batangueño.
“Hindi naman porket bumili ng balisong ay may gagawin nang masama,” ani Nanay Liza. “Karugtong na ng Batangas ang balisong. Ito ang identity natin,” dagdag niya.
Sa 26 na taon niyang pagtatrabaho, matagumpay niyang pinanday ang kinabukasan ng kaniyang mga anak, na ngayo’y mga propesyonal nang doktor, abogado, seaman at information technology worker.
Isa itong matalas na patunay na ang patalim ay hindi laging may kalakip na dahas. Kapag natutuhang gamitin sa tamang paraan, nahahasa ang kakayahan nitong humubog ng buhay at pagkakakilanlan.
Mula sa mga gamot patungo sa mga balisong, naging matalim ang paglalakbay ni Nanay Liza. Sa kabila nito, nagsilbing sisidlan ng kaniyang pagbangon at paghilom ang balisong. Ito ang kumupkop sa kaniya noon at kasama niya hanggang ngayon sa rurok ng tagumpay.
Higit sa lahat, hindi lamang karamay ang natagpuan niya sa mga balisong. Nahanap niya rin ang kaniyang sarili.
Sa makikintab nitong bakal na wari’y salamin, natatanaw ni Nanay Liza ang mukha ng kaniyang legasiya — iyong repleksiyon ng isang ulilang natutong bumangon, lumaban at lumikha ng sariling kinabukasan.
Marahil para sa kaniya, ito ang kaisa-isang sandatang hindi niya kailanman bibitiwan.
Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa klaseng Introduction to Journalism (J101) ni Alcuin Brendan Papa.

