Bihis to Bilib-id

Story by C.B.

Kinakabahan ako ngunit napalitan ito ng ngiti nang malaman ang tema. Robbery. Aha! Gamay ko na ito, kaya sigurado na ang panalo. Hinarap ko ang malaking wardrobe

Rumampa ako hanggang matapat sa skin tone section. Bago galawin ang palette, napaisip ako. Papalitan ko pa ba ang kulay ko? Wala naman kasing diskriminasyon sa krimeng ito—ke maputi, maitim, o kayumanggi ang balat mo, iisa lang ang hilatsa ng mga magnanakaw! Huwag na lang. 

Dali-dali akong tumungo sa clothing section para sa aking pang-itaas na damit. Hindi na bale kung makulay at may kakaibang mga burda, kahit makilala nilang ako ang magnanakaw, hindi ako mahihiya. Pero, ayoko ng mahigpit—na parang hindi na ako makahinga kapag tinanong nila kung anong ninanakaw ko. Sakto lang dapat—para maigalaw ko rin ang aking mga kamay at mas maraming madekwat. 

Next, pants kaya o palda? Pantalon na lang dahil ayaw kong sumabit. Gusto ko yung mabilis akong makatalon at makatakbo, na parang hindi na nila ako mahihila para harapin ang mga ginawa kong pagkakamali. At dapat may bulsa rin para mas maluwag ang espasyong paglalagyan ng mga bagong nakaw ko. 

Siyempre, kailangan ko rin ng sapatos—ano ngayon kung may heels? Tatanggalin ko na lang kapag nagkahulihan na. Ang mahalaga, matulis ang dulo, at madali  kong matapakan ang kanilang pagkatao. Kumpleto na ba? Bumalik ako at nahagip ng mata ko ang “Lina’s Salon.” Mukhang hindi pa. 

Madam Lina, puwede bang stiletto ang style ng mga kuko ko? Para mag-iwan ng mahahapding marka ang mga kalmot ko, na kahit ilang dekada na ang nakalipas ay hindi pa rin mabubura at malilimot. 

Paano ko kaya aayusin ang buhok ko? Ayoko mag-bangs at maglugay. Gusto ko kasing malinaw na makita ang lahat ng kalupitan at kasamaan ko bilang magnanakaw. Tama, ipupusod ko na lang–‘yung mataas na mataas na imposibleng maabot ng dukha’t maralita.

Panghuli, make-up at accessories. Sa pagpili ng kolorete, sisiguraduhin kong maitatago ang madumi kong budhi. Hindi dapat mapagtanto ng aking mga biktima na kasing tingkad ng pula kong lipstick ang dugo nilang dadanak kapag umalsa sila sa aking kagustuhan. Idagdag mo pa rito ang makintab, nagniningning at naglalakihang perlas para sa isusuot kong kuwintas—kabaliktaran sa napupunding pag-asa ng aking mga biktima. Naniwala talaga sila sa imbento kong babangon tayo muli? Maiwan kayo d’yan sa laylayan! 

Oras na. Inirampa ko ang aking final look at ginamitan ito ng Pose 28. Ang shoes? Human rights violation. Ang pants? Pang-fugitive. At ang top? Graft and corruption! Walang-wala ang kanilang mga suot. Halata mong walang pambili para makapasok sa VIP section, kung saan kalidad ang fashion items

Akala ko masusulit ko ang tagumpay na ito. Subalit, naramdaman ko ang pagpitik ng malamig na metal sa mga kamay ko. Unti-unting itong humigpit hanggang sa hindi na ako makagalaw—posas pala. “Nahanap ko na ‘yung snatcher ng cellphone!” Sigaw ng pulis. Sa gulat at takot, hindi ako nakapiglas. Manipis lang ang damit ko, na bagaman itim at hindi makulay ay naging daan pa rin para mabilis akong mahuli at mahigit. Mapurol ang kuko ko, at nangininig ang kamay ko. Wala rin akong tsinelas, paano ako tatakbo? 

Namula ang magkabilang pisngi ko, hindi dahil sa pumuputok na blush on, kung ’di dahil sa sampal ng katotohanan. Kung mayaman lang ako, hindi ako masasadlak sa buhay na ito.  Kung lahat nang ninakaw ko ay sapat para makakuha ng kapangyarihan, hindi mananatiling pang-ordinaryong tao ang realidad ko. Makakatakas at malaya sana ako—palaging magwawagi, hindi lang sa larong Dress to Impress