May mga kuwentong nagsisimula sa isang tunog na hindi natin marinig.
Sa Kaliitan ng Kasalukuyan, ito ay ang marahang takatak ng mga daliri sa keyboard. Dito nag-umpisa ang unti-unting paglitaw ng mga titik sa likod ng entablado. Isa-isang nauukit sa puting pader ang mga ito. Walang mukhang nakikita, tanging mga salitang bumubuo ng isang imahe sa harap ng mga manonood.
Ngunit isang matinis na musika ang bumasag ng katahimikang ito. Pumasok bigla ang mga aktor na may dalang mga maleta, tila mga robot na sabay-sabay humahakbang.
Sa isang iglap, nagiging espasyo ng pagdating at pag-alis ang entablado, isang sandaling nakabitin sa pagitan ng pagod at pagpapatuloy.
Sa ganitong matingkad na pagbubukas inilatag ng Dulaang UP ang Kaliitan ng Kasalukuyan sa entablado ng IBG-KAL Theater noong Marso 12 hanggang 29. Sa panulat at direksyon ni Arlo De Guzman, itinampok sa pagtatanghal ang tahimik ngunit walang humpay na pakikipagsapalaran ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kanlurang Asya.
Hindi lamang ito basta kuwento ng paglisan kundi ito ay naratibo ng pagkakaipit sa pagitan ng pangarap at pangangailangan.
Sa gitna ng entablado, nakatayo si Bulan (Sandino Martin), isang artista ng bayan na dalawang dekada nang namamalagi sa Dubai bilang manunulat at direktor.
Bagaman matagumpay na ang kaniyang buhay dahil sa mga ipinundar na bahay, sasakyan at negosyo para sa pamilya, unti-unti niyang napagtanto na hindi niya buong loob na pinili ang mahabang daang kaniyang tinatahak. Ang tagumpay niya sa pagiging alagad ng sining ay tila naging isang malaking kulungan ng mga obligasyong umuubos sa sarili niyang tinig.
Sa muli niyang pagtapak sa Pilipinas para sa kaniyang taunang pag-uwi, pinaligiran siya ng pamilyar na ingay at usok ng mga dyip. Sa gitna ng matagal nang pagkakilala sa mga ito, nakaramdam siya ng pagkalito. May kakaibang distansya sa pagitan niya at ng sariling bayan. Tila hindi umaakma sa kaniyang mga paa ang lupang kinatatayuan niya.
Sa mga salaysay ni Bulan lumilitaw ang karanasang maging estranghero sa magkaibang lugar: hindi lubos na kabilang sa bansang pinagtatrabahuhan at dahan-dahan na ring nagiging dayuhan sa bayang sinilangan.
Nang makita niya ang kaniyang pamilya ay muling nanumbalik sa kaniya ang rason kung bakit siya nangibang bansa.
Hanggang ngayon, kapos pa rin sila.
Sa mukha ng kaniyang mga magulang ay bakas ang mga taong lumipas sa paghihintay at sa katahimikan ng tahanan ay naroon ang pagod na matagal nang hindi napapawi. Maging ang kapatid niyang nasa ibang bansa rin ay tila nakasabit sa parehong siklo ng pag-alis at pagtitiis.
Mabigat ang isang responsibilidad na walang malinaw na hangganan. Kailan nga ba sasapat ang sapat?
Ang pahingang hinihintay ni Bulan ay patuloy na ipinagpapaliban ng hindi matapos-tapos na siklo ng pangangailangan.
Nagpatuloy ang paghahanap ni Bulan sa sarili sa pagbalik niya sa Nueva Vizcaya — isang pag-uwi upang balikan ang pinagmulan ng kaniyang panulat at ang dahilan ng kaniyang patuloy na pag-alis.
Sa probinsya, muling nabuhay ang mga alaala ng lola (Marichu Belarmino) niyang unang nagkintal sa kaniya ng pagmamahal sa kuwento at ng tiyong (Jojo Cayabyab) nagturo sa kaniya ng diwa ng pakikibaka.
Ngunit sinalubong siya ng pagbabago. Ang lola at ang tiyong minsang puno ng panawagan ay napagod na rin sa paghihintay ng pagbabago. Sa kanilang katahimikan, napilitan si Bulan na harapin ang tanong: kung may saysay pa ba ang sining at pakikibaka sa harap ng paulit-ulit na pangangailangang mabuhay.?
Dito lalong luminaw ang sentral na tunggalian ng dula. Nahati ang kaniyang pagkatao sa pagitan ng sining na naglilingkod sa banyaga at ng pusong naghahanap ng silbi sa sariling bayan.
Ang kaniyang talento, na dapat sana’y nagiging tinig ng kaniyang karanasan bilang Pilipino, ay nagiging produkto para sa banyagang entablado. Ang paglikha ay nagiging trabaho; ang sining ay isang anyo ng kapitalismo. Sa bawat pagtatanghal, tila lumalayo siya sa bayang siyang pinanggagalingan ng kaniyang mga kuwento.
Ang pakikibaka ni Bulan ay hindi lamang politikal kundi artistiko at personal. Ang kaniyang panulat ang nagiging paraan upang pagdugtungin ang dalawang mundo, isang pagtatangkang ibalik sa bayan ang sining na kinailangang iluwas upang mabuhay.
Kaya ang krisis niya ay hindi simpleng pagpili kung saan siya nabibilang, kundi kung paano mananatiling buo ang sarili kapag ang mismong talento na ang dahilan ng paglaho ng identidad.
Sa lumalalim na himig ng biyulin at sa manikang sumasagisag sa kaniyang panloob na pangamba, ipinakita ng dula ang unti-unting pagkapagod ng isang artista, hinahati ng sistemang sabay siyang ginagawang manggagawa, anak at tagalikha.
May saysay pa ba ang pagsulat? May nakikinig pa ba sa mga hinaing? May halaga pa bang unawain ang mundo kung wala namang nagbabago?
Sa huling tagpo, unti-unting pumapasok ang tubig sa entablado. Dinig ang haplos nito sa sahig at ramdam ang lamig nito sa espasyo.
Sa tubig, nasilayan ni Bulan ang kaniyang nakababatang sarili. Naalala niya ang isang taong minsan siyang naging. Ngunit walang malinaw na resolusyon sa tagpong ito. Hindi nalaman ng mga manonood kung ano ang kaniyang susunod na gagawin at marahil iyon mismo ang punto.
Walang iisang sagot, walang tuwid na direksyon. Sapagkat ang pag-alis, pananatili, paniniwala at pagkapagod ay hindi nakakulong sa isang kahon.
Iniiwan ng dula ang manonood sa isang mas malalim na pag-uusisa: Ano nga ba ang tunay na halaga ng pag-alis sa isang lipunang patuloy na sumasamba sa imahe ng mga OFW bilang mga bagong bayani?
Ang entablado, sa minimalismo at malikhaing simbolismo nito, ay nagiging plataporma ng mundong nambabaluktot sa mga hakbang ng isang OFW – ang maleta bilang tahanan, ang musika bilang damdamin at ang espasyo bilang agwat sa pagitan ng pag-uwi at paglayo.
Sa gitna ng disyerto at dagat — ng pag-alis at pagbabalik — nakatayo si Bulan hindi lamang bilang isang indibidwal na napapagod kundi bilang representasyon ng milyon-milyong OFW.
Sa huli, ipinapakita ng Kaliitan ng Kasalukuyan na ang tahanan ng mga bagong bayani ay hindi laging isang lugar na maibabalik; ito ay nasa alaala, sa obligasyon, at sa pagbabalik-loob sa sarili sa gitna ng pagod at pagkakahiwalay.
Ang bawat OFW tulad ni Bulan ay nananatiling nakatayo sa pagitan ng pag-alis at pagbabalik, ng pangarap at pangangailangan, hinahati ng mundo ngunit hindi tuluyang napapawi.
Sa kanilang paglalakbay, ang tahanan ay nagiging ideya at hindi laging espasyo — isang paalala na ang tunay na bayani ay nagdadala ng bansa kahit saan siya dalhin ng kaniyang mga hakbang.

