Tiempo muerto. Dead time. Panahon ng tigil-ani.
Ngunit para sa mga sakadang lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa, mayroong umusbong na panibagong kahulugan ang salitang ito: time of death.
Sa kanilang dulang Tiempo Muerto: Paghulat Sang Dugwak noong Hulyo 18 hanggang 19, sinundan ng Sining na Naglilingkod sa Bayan (SINAGBAYAN) ang madugong kasaysayan ng Negros bilang Sugarlandia.
Nagsimula ang istorya sa pamamagitan ng isang gallery. Sa bawat itinatampok na exhibit ng tour guide na si Roger, unti-unting mababakas ang mapait na danas ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Negros — isang reyalidad na malayong-malayo sa tamis ng inaani nilang tubo.
Agad na binasag ng dula ang masaganang imahe ng isla sa panimula gamit ang orihinal na kantang Ang Walang Hanggang Paghihintay/Welcome to the Massacre Capital. Taliwas sa tempo nito, walang kahali-halina sa liriko ng kanta. Babalutin ka nito ng takot. Kilabot, imbes na tuwa.
Sino nga namang maanyaya kapag narinig ang salitang “masaker”?
Sa pagtatapos ng kanta, ipinakilala ni Roger ang curator ng nasabing exhibit na si Ma. Rosa. Baon niya ang sauladong mga numero at datos tungkol sa kahirapan, kagutuman at kawalan ng kabuhayan sa Negros mula pa noong rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Tila aklat pangkasaysayan kung sambitin niya isa-isa ang mga ito sa mga manonood. Hindi imposibleng umani ito ng hikab mula sa marami.
Ngunit, diin ni Ma. Rosa, “Numbers make us remember.”
Escalante 20. Sagay 9. Siaton 4. Guilhulngan 4. Negros 14. Fausto 4. Toboso 19.
Mahirap sundan ang dami ng numerong idinikit sa pangalan ng mga munisipyo at siyudad sa isla na naging tanda ng mga buhay na kinitil. Pero higit na mahirap ang makalimot.
Dahil ang paglimot ay pagbaón din ng hustisyang dekada nang naging mailap para sa mga biktima ng masaker.
Ito ang naging misyon ng Tiempo Muerto: Paghulat Sang Dugwak: ang dalhin ang kaniyang manonood sa lugar ng krimen upang isiwalat ang sangsang ng dugong pilit itinatago ng estado.
Maunlad ang Negros, sabi ni Roger. Ngunit walang pasubali namang kinontra ito ni Agripina nang awitin niya ang Panaghoy ng Sakada, kung saan nagsumamo ang mga sakada sa madaling pagdating ng saganang tag-araw.
Binigyan naman ng lalim ni Ka Butch ang sitwasyon ng mga sakada tuwing panahon ng tiempo muerto. Aniya, dahil walang trabaho sa tubuhan, napipilitan silang humanap ng ibang hanapbuhay upang kumita at makapaglagay ng pagkain sa hapag.
Kumita man, hindi pa rin ito sumasapat sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya dahil kakarampot lamang ang pasahod sa mga manggagawang bukid.
Sa ganitong sitwasyon, umuusbong ang diwa ng paglaban. Ang pagkalam ng tiyan at paghihigpit ng sinturon ay nagluluwal ng mga tanong na bakit.
Bakit hindi namin malayang mapagtamnan ang lupang kaputol na ng buhay namin?
Bakit hinahayaan ang mga panginoong maylupa na gamitin ito para lamang sa sariling ganansya?
Bakit kaming lumilikha ng pagkain ang nagugutom?
Dahil dito, tumutungo sa kanayunan ang mga lingkod-masa tulad nina Alyssa Alano, Maureen Santuyo, Errol Wendel at RJ Ledesma.
Ngunit imbes na pagkain at tunay na repormang agraryo ang makuha, bala ng estado ang natanggap ng mga sakada.
Nag-umpisang dumanak ang dugo sa hanay nina Ka Agosto. Ang kanilang payapang welga ay nauwi sa pagkasawi ng mga kasama nang magpaputok ang militar. Walang tigil. Walang pagdadalawang-isip. Patay-sindi ang pulang ilaw ng entablado habang naghihingalo sa bawat putok ang mga sakadang naghangad lamang ng maginhawang buhay.
Pinatay sila, iyak ni Ka Agosto. Ang kanilang sala? Tumindig kasama ang kapuwa sakada.
Sa paglalatag ng kuwento ng mga nawalang buhay sa kamay ng pasistang estado, tahimik na tatagos ang isang tanong sa mga manonood: sa oras na maging saksi ka, kaya mo pa bang manahimik?
Maging saksi
Nagsimula ang ikalawang yugto ng dulang musikal sa makulay na pista ng Masskara na tanyag sa lalawigan ng Bacolod. Sinundan ito ng kantyawan nina Roger at ng dalawang nagbabalat-kayong tour guide — sina Rommer at Rocher — sa mala-game show segment na “Who Knows It Best?”
Sa kanilang pula at luntiang damit na sinabayan pa ng pose na kamao at peace sign, kuha na agad ng manonood kung sino sila. Matapos ang tangkang baluktutin ang malagim na kasaysayan ng Escalante massacre, nagpakilala sila bilang bahagi ng NTF-ELCAC.
Terorista! NPA! Kornbip! sigaw ng mga nagkukunwaring tour guide sa mga manonood. Sa huli, nagwagi si Roger at hinirang na best tour guide dahil sa kaniyang kadalubhasaan sa kasaysayan ng isla.
Itinutulay ng eksena ang mga manonood sa kasalukuyang hamon sa internet. Sa pagdagsa ng trolling sa espasyong ito, naging paalala ang pagwagi ng totoong tour guide na si Roger na hindi madadaig ng anumang makinarya ang katotohanan.
Ngunit tulad ng karahasang itinatago sa maskara ng makukulay na pista at kultura, mapanlinlang ang panimula ng ikalawang yugto. Ang ilang minutong komedya ay panandaliang pampawi lamang pala sa mga susunod na tagpong mapanikip sa dibdib.
Pumasok sa eksena ang magkapatid na Ernie at Mella, anak ng mag-asawang Aldo at Aida. Sa kamusmusan ng dalawa nagmula ang marahil pinakamahalagang tanong sa dula.
Kung masipag na itinuturing ang mga nag-aari ng sariling lupa, bakit silang mga mamumugon hanggang ngayo’y wala?
Bunga ng patay na panahon sa tubuhan, napilitan si Aldo na lisanin ang tahanan upang maghanap ng pansamantalang trabaho. Mainit siyang sinalubong ng kaniyang mga anak ng yakap nang bumalik.
Ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas, tanging bahay na lamang nila ang naiwang nakatayo. Pinagbabaril ang pamilya sa loob ng kanilang tahanan. Kasabay ng kanilang pagpanaw ang kamatayan din ng kanilang pinapangarap na magandang kinabukasan.
Hindi pa man nakakabangon ang mga manonood mula sa bigat ng sinapit ng munting pamilya ni Mella, nagpakilala na agad ang bagong karakter na si Catalina, isang bilanggong pulitikal na tinaniman ng baril.
Dumalaw sa kaniyang selda ang isang mamamahayag para sa isang panayam na malugod niyang pinaunlakan. Subalit, hindi sariling kuwento ni Catalina ang ibinahagi niya.
Isinalaysay niya ang buhay ng kanyang kapatid na si Romeo, anak na si Emilio at asawang si Abel, at kung paano niya pinasan ang bigat ng kanilang pagkawala nang salakayin sila ng mga armadong elemento ng estado.
Ikuwento mo sila, bilin niya sa mamamahayag, kahit ‘wag na ako. At marahil, bilin niya rin ito maging sa lahat ng nakakapanood: na sa paglabas ng tanghalan at pagtungo sa lansangan, ikuwento natin ang paniniil. Ang lagim at dahas. Ang hinagpis.
Hindi lang listahan ng masaker ang dula. Pipilitin ka nitong dumilat — sa gitna ng nakagigimbal na tunog ng putukan, sa kasagsagan ng paghagulgol, sa kabila ng mahapdi sa matang patay-sinding pulang ilaw.
Sa Negros, hindi na lang tuwing Abril hanggang Agosto ang tiempo muerto. Isa na itong siklo — walang hanggan.
Hangga’t nananatiling dahas ang sagot ng estado sa pagsusulong ng mga sakada ng tunay na reporma sa lupa, hindi mapuputol ang siklo.
Ngunit hindi rin nauupos ang apoy ng paglaban.
Sa pagtatapos ng dula, bumalik sa simula ang ensemble. Inawit nila ang Paghulat Sang Dugwak/Ang Walang Hanggang Paghihintay Reprise at binawi ang mga liriko ng nauna nitong bersyon. Anila, hindi na magiging ‘massacre capital’ ang isla — panatang marapat isabuhay ng bawat saksi.
Kaya habang ikinukwento natin ang unos, ikuwento rin natin ang pag-asa.

