Last month, Tinig ng Plaridel put out a call for stories from past UPCAT-takers, encouraging them to tell us their motivations for taking the exam, their preparations for it, their results and their reactions. Some stories were triumphant, some hopeful, some bittersweet, but each one told of different experiences and different people. Before the University of the Philippines College Admission Test comes to challenge another round of examiners this Aug. 6 and 7, we take a look at how others faced it in the years before.
Mongol No. 2
Ni Keysie Gomez
Isang buwan bago ang UPCAT, isinumpa ko sa nanay ko na mag-aaral ako. At ipapasa ko ang UPCAT.
Tatlong linggo ang lumipas, isang linggo bago ang pagsusulit, tila ninenok na ng nerbyos at katamaran ang ego ko at poof! Ang pinagplanuhang time management ay nauwi rin pala sa wala.
Ilang araw na lang. Isang araw na lang. “Maligayang pagbati!” sabi pa ng August 1, ang araw na pinakahihintay ng libu-libong kaluluwa ng mga High School senior na isusugal ang kapalaran sa pag-shade ng bilog na magbabago ng takbo ng buhay nila . Isa ako ‘dun.
“Ano ba dapat ? Super dark ba, o light shade lang?” Ni hindi ko man lang naisip maitanong sa katabi ko kung nakakahinga pa ba siya o buhay pa. Sa temperaturang inabot ngairconditioning system sa pinagkukunan namin ng exam, iisipin mong brain freeze ang kahahantungan ng mga kawawang Iskolars wanna-be. Merong late. Pinaupo sa dulo. Kinunan pa ng dalang baon. Kawawa. Maling lapis pa ang dala: Mongol #3, hindi Mongol #2. Kamalasan nga naman.
Kung tutuusin, kumportable ang naging takbo ng limang oras kong pagiging hunchback. Ang sarap lang kurutin ‘nung examiner na atat sa pagbigay ng warning na “O, magdasal na kayo, 10 minutes na lang!” at may kasama pang sarcastic laugh. Ewan ko ba, hindi kasi tanong ang nagpapabobo sa’yo sa UPCAT , kundi ang oras. ‘Yung tipong lahat kayo Cinderella at hinahabol ang minute hand bago mawala ang magic. ‘Ika nga ng isang post na nabasa ko sa Tumblr, ang kahulugan ng UPCAT ay: “U’re Pressured to Choose And Think.” Tama nga naman, ang UPCAT na naranasan ko ay hindi ang UPCAT na ipinamumudmod ng mga reviewerat mga nauna nang nakapasa. Bawat examinee, may kaniya-kaiyang stratehiya kung paano patutumbahin ang oras at tirahin ang tamang sagot sa “What’s an anti-matter?” at “Find the square root of N.”
Nakakatawa pa nga ‘yung ibang halatang-halata na talaga ang bentahan ng cheats. Mga kawawang nilalang. Kung alam lang sana nila na magkaiba ang sequence at tipo ng mga tanong na nakaimprenta sa mga questionnaires. Haler, taga-UP ang gumawa ng test. Good luck na lang sa makaka-decode ng pattern ng sagot. Kung meron man.
Ikukuwento ko rin pala ang Urban Legend ng “The Power of ‘C’.” Narinig mo na ba’to? Ayon sa aking very reliable source (classmate kong avid fan ng astrology ), kung hindi mo daw alam ang isasagot sa isang item ay letter C ang pinakamabisa at epektibong solusyon! O, ha! Bakit hindi ipinagkalat ng DepEd ang earth-shattering discovery na ‘to? O kaya ginawaran ng Nobel Prize ang nag-imbento? Pagtawananan na ako ng mundo pero naniwala ako dito. Hindi ko nga lang alam kung mas maraming mali o tama ang nakuha ko.
Nakakatuwa ang UPCAT sa parehong bagay na nakakaubos din ‘to ng dugo. Hindi ito tiyanak na inaakala ng marami. Ito’y isang kapre. Minsan pa, Godzilla. Ngunit sa huli’y nag-mo-morph into a Tinkerbell pagkalipas ng ilang buwan.
Ano pa nga ba, kundi ang inaasam-asam na UPCAT results. Ooh. Ang panahon kung kailan titigil ang takbo ng oras at magkakantahan ang mga anghel sa langit. Liliwanag ang kalangitan kasabay ng pagkislap ng mahiwaga mong pangalan sa listahan ng mga mapapalad na kaluluwa.
Masayang alalahanin ang UPCAT fever days. Masarap sariwain ang limang oras na nagpabago ng maraming kapalaran.
Sa limang oras kong pananatili sa silid, napuna ko ang iba’t-ibang uri ng mga nangangarap. Karamihan, seryoso. Pero mas marami ang tila hindi kumbinsido. Hindi sa ayaw nilang makapasa, kundi sa pag-iisip na, “Pagkatapos ba nito, makakapag-UP ba talaga ako?” at ‘dun na nagkakaiba-iba ang takbo ng kwento.
Sa limang oras ng pagtitig sa mga pinakamahirap na tanong sa English, Math, Science at mgaout-of-this world na konsepto, nakilalala ko ang Unibersidad ng Pilpinas. Na sa kabila ng samu’t saring pasaring at paninira sa bansa natin, narito’t taas-noo pa ring nakatayo ang UP. At sa pamamagitan ng UPCAT, patuloy siyang naghahanap at nagbabakasakali na makatagpo ng isang karapat-dapat na Iskolar at bayani ng kaniyang lahi.
Salamat sa UPCAT at sa mga alalala nito. Salamat din sa isang bagay na kung wala’y hindi sana ako naririto. Sa pinaka-astig na lapis sa mundo, tagumpay natin ‘to, Mongol No. 2!
_____________
Si Keysie Gomez ay taga-Mindanao at nasa ikalawang taon ng pag-aaral ng Sikolohiya sa UP Visayas. Mahilig siyang magsulat , mag-vandalize, at kung sineswerte’y mag-blog, kung hindi lang napakabagal ng internet sa kanyang dorm. Ang motto niya ay “Life is good, but we need cash.” Mahal niya ang Mongol 2. Rakenrol.