PhilStar2: Maskom Moments Day 6

Last January, Tinig ng Plaridel released a call for contributions of their stories of love and loss within Plaridel Hall, the home of College of Mass Communication students. Of all submissions, seven entries were chosen for a week-long run as a pre-Valentine’s Day series. 

—–

“PhilStar2”

By Silent L. (Journalism)

Ang pag-ibig, parang ang practice ng Journalism. You have to ask the right questions at the right time dahil ang paraan mo ng pagtatanong ang magbubukas sa iyo sa maraming posibilidad.

Pero ang kwento namin, nagsimula sa simpleng tanong na ito: “Pwede bang mahiram ang notes mo?”

Ang tanong na iyon ang naging daan ng pagsibol ng isang mabuting samahan na nauwi sa aming pag-iibigan.

Salamat sa tanong na iyon dahil nagkausap kami. (Pero ang tunay na dapat pasalamatan ay ang propesor namin na mabilis mag-discuss kaya hindi ko nakumpleto ang notes ko.)

Balik tayo sa kwento.

Nang naging malapit kami sa isa’t isa, nagsimulang manukso ang aming mga kaklase. Dahil wala namang namamagitan sa amin noon, hinayaan lang namin sila. “Magkaibigan lang kami,” ang aming sagot palagi. Ngunit ang hindi alam ng nakararami, nililinaw namin sa isa’t isa palagi na biruan lang ang lahat. Biruan lang naman talaga ang aming mga binitiwang mga salita sa isa’t isa, pero noong umpisa lang iyon. Sa kalaunan, nag-iba ang pagtingin namin sa isa’t isa, at pareho naming ramdam iyon. Hindi lang namin agad na pinatulan. Noong una, ayaw ko pa tanggapin na may nararamdaman na ako para sa kaniya. Sana nga nanatiling biruan lang ang lahat, pero alam ko na ang puso ay hindi marunong magbiro.

January 25, 2011. Kami ulit ang naunang dumating sa classroom. Dala ko ang aking camera. Inilabas ko ito at binalak na kulitin lang siya, na kukunan ko siya ng maraming litrato. Subalit sa sandaling masilip ko ang kaniyang mukha sa punto de bista ng lente ng aking camera, kinilig ako. Napukaw niya ang aking pagtingin, ang aking puso. Nabighani niya ako. At sa sandaling iyon, natiyak ko nang mayroon akong pagtingin para sa kaniya.

Pinag-isipan ko iyon nang mabuti. Ayaw ko kasing magbitiw ng anumang salita na maaaring makasira ng aming samahan. Tatlong linggo ang lumipas bago ako nagtapat sa second floor art gallery ng Vargas Museum. Nang pabalik na kami ng Maskom, sa may daan sa likod ng UP Ampitheater, nagtapat din siya. “I like you too.” Sa oras na iyon, ako na yata ang pinakamasayang lalaki sa buong UP Diliman.

Mas lalo pang gumanda ang aming samahan nang magka-aminan kami. Naging mas madali ang lahat. Tinanggap na namin ang sinasabi sa amin ng aming puso. Pero ang alam ng lahat, nagbibiruan pa rin kami.

At muli, ang pag-ibig ay parang ang practice ng Journalism. You have to establish a good rapport with the people around you. At iyon nga ang ginawa ko. Nagpakilala ako sa kaniyang mga magulang. At nang tanggapin nila ako, nagpaalam ako sa kaniyang nanay: “Pwede ko po ba siyang ligawan?” Nakuha ko ang sagot sa sumunod na linggo. “Ingatan mo ang prinsesa namin, ha?” Labis kaming natuwa.

Anim na araw ang lumipas, sa farewell party ng aming class sa Phil Star 2, kung saan nagsimula ang lahat, tinanong ko siya: “Pwede ba kitang ligawan?” Isang matamis na oo ang aking narinig. Hanggang ngayon ay masaya kami sa piling ng isa’t isa.

—–-

(Entries submitted to Tinig ng Plaridel are subject to technical editing by a member of the Features staff.)

 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.