Ang patong-patong na problema ng kababaihan sa collegiate esports

Sa kabila ng kampanyang ‘Esports para sa lahat,’ umiiral pa rin ang diskriminasyon sa mga babaeng manlalaro ng gaming community, ayon mismo sa mga koponang bibida sa darating na kauna-unahang University of the Athletic Association of the Philippines (UAAP) Esports Tournament.

Dagdag pa rito, ibinahagi rin nila na karaniwan silang makaranas ng gender-based harassment tuwing naglalaro na nagdudulot ng mas higit pang pangamba.

‘Ay, Babae!’

Hindi naging madali para sa Oblation Esports (OBE), ang opisyal na koponan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) sa UAAP, ang pagbuo ng isang women’s team. 

Ayon kay Glean “Geelato” Roque ng Maroon Esports Aurora, dalawa na lamang silang natira sa kanilang grupo, na dapat binubuo ng anim o higit pang manlalaro, dulot ng iba’t ibang rason. 

“Una ‘yung commitment issues dahil kailangan na student ka ng UP, tapos iniiisip na sayang lang kasi mahina raw kapag babae, mas malakas daw ‘yung teams na mga lalaki,” ani Roque.

Dagdag pa niya, nahihirapan din silang makahanap ng mga koponang makakalaban upang mag-ensayo dahil sa kanilang kasarian: “Kasi ‘yung ibang teams … tinatanong pa kung femme team tapos kapag femme team, ayaw nila.”

Sa ibang pamantasan naman tulad ng Ateneo De Manila University (ADMU), wala pang nabubuong women’s esports team dahil karamihan sa mga grupo ay binubuo lamang ng mga lalaking manlalaro, samantalang ang iilang babae naman ay kasapi ng mga mixed teams.

Bukod dito, wala rin umanong natatanggap na suporta ang mga nasabing atleta dahil hindi sila kinikilala bilang opisyal na mga organisasyon ng mga unibersidad.

“Nakakainggit isipin in a way kung paano natatanggap ng ibang organization ‘yung support from their schools,” pahayag ni Bridgitte “Brigida” Ramos, isa sa mga kasapi ng ADMU esports team na Loyola Gaming (LG).

Sa ngayon, hindi opisyal na kinikilala ng UP at ADMU ang kanilang mga esports organization: ang OBE na nakipagsanib kamakailan sa UP Gaming Guild at ang LG na bahagi ng League of Independent Organizations (LIONS), kalipunan ng mga pormasyon sa ADMU.

Patong-patong na problema

Bukod sa kahirapang bumuo ng mga women’s team, ibinahagi rin ni Roque na umaalis ang mga babaeng manlalaro dahil sa ‘di umano’y “harassment” na dinadanas nila mula sa paglalaro o sa kanilang mga manager at staff.

“Dahil nga alam nilang babae, may mga flirty messages ‘yung ibang mga manager. I don’t know kung tama ba ‘yun pero hindi ko na lang pinapansin [at] inilalagay na lang namin sa blacklist,” paglalahad ni Roque.

Sa labas ng mga propesyonal na liga, mas nagiging normal ‘di umano ang kaso ng pangungutya sa mga kaswal na laro.

Ayon kay Maura “Diwa” Yap, dating tagapamahala ng OBE, minsan na siyang naging biktima ng harassment online matapos niyang mag-on-mic sa shooting game na Valorant, isa sa mga larong tampok din sa darating na UAAP tournament. 

“It’s not uncommon to face harassment … It’s been so normalized. Sexual harassment [is] such a big, bold word, but it really [happens]. You are uncomfortable by it, you are being sexualized just by playing a video game,” pahayag ni Yap.

Esports para sa lahat

Bagaman dumarami na ang mga babaeng manlalaro sa buong mundo, lumalabas sa mga ulat na kakaunti lamang sa kanila ang nakakapasok sa eksena ng propesyonal na esports.

“I did feel the need to prove myself kasi nga babae ako. Na-experience ko ‘yung pressure or ‘yung never-ending cycle of women having to face unwanted remarks,” pahayag ni Ramos tungkol sa kaniyang karanasan nang una siyang naging sportscaster sa isang propesyonal na liga.

Aniya, maganda ang tunguhin ng mga ligang nagtatampok ng mga babae at LGBTQIA+ na manlalaro at casters gaya ng Mobile Legends: Bang Bang. 

“Bit by bit, nakikita natin kung paano nagiging productive or impactful ‘yung mga steps na ginagawa ng mga big names sa esports industry,” pahayag ni Ramos.

Sa kabila ng lahat ng diskriminasyon, ibinahagi naman ni Yap na kababaihan pa rin ang namumuno sa mga esports organization sa UPD, partikular na sa OBE at UPGG. 

Binubuksan nila ang kanilang mga espasyo sa lahat ng kasarian at sinisikap na mas maging inklusibo sa mga kaligiran ng video games, sa propesyonal na liga man o sa kaswal na paglalaro lamang.

Sa pinakaesensya ng pampalakasan, walang kasarian ang paglalaro at para ito sa lahat. 

Sina Yap, Roque at Ramos ay ilan lamang sa kababaihang nagsisikap na makamit ang isang gaming environment na hindi sila huhusgahan dahil lamang sa kanilang kasarian.

Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa Special Projects in Journalism class (J197) ni Asst. Prof. Adelle Chua.