NAGPAPALIGSAHAN SA INGAY ang hinagpis ng langit at busina ng mga na-estatwang sasakyan. Naggigitgitan ang mga payong na lupaypay na sa maghapong pagseserbisyo. Kanya-kanyang tono ng pagharurot naman ang mga traysikel na nang-aakit ng pasahero.
Sa gitna ng abalang kalsada, may isang boses na pamilyar na sa karamihan. Bagaman hindi kalakasan at minsa’y gumagaralgal, ang naturang tinig ay umuukit ng daan na agad sinusundan ng nagmamadaling mga tao.
“Oh, kasya pa sa kanan! Makikiurong na lang, waluhan po ‘yan,” sigaw nito sabay ang paulit-ulit na pagkatok sa dyip bilang senyales na maaari na itong pumasada.
Labing-pitong taon nang nagbabarker o ‘nagtatawag’ ang 63 taong gulang na si Eulogio Clavecillas na mas kilala bilang si Tatay Odet. Kasalukuyan siyang nakapwesto sa paanan ng footbridge patungong UP Town Center, ilang hakbang lamang ang layo mula sa bisinidad ng pamantasan. Ngunit bago siya mapunta rito, labing-apat na taon ding umalingawngaw ang boses ni Tatay Odet sa tapat ng Vinzons Hall—ang dating terminal ng mga dyip na byaheng Katipunan.
Lagpas alas-tres na ng hapon nang nadatnan ko siya sa kanyang pwesto. Sa unang tingin, aakalain mong mahina na si Tatay Odet dahil sa pakurbang postura at payat na pangangatawan. Subalit sa mga oras na iyon, animo’y tuwa lamang ang binibigyang-espasyo niya sa kanyang mukha—nag-uumpisa na kasing bumigat ang mga kumakalansing na barya sa loob ng kanyang sling bag.
“Hindi pare-pareho bigayan ng dyip eh. May nagbibigay [ng] limampiso, may kinse,” pagpapaliwanag niya.
Mula 12:30 ng tanghali hanggang 6:30 ng gabi ay walang sawa ang pagsigaw at pagkaway ni Tatay Odet sa mga pasahero. Kung suswertehin, kumikita siya ng P500 sa loob ng anim na oras. Ngunit ngayong araw ng Lunes, nasa P250 hanggang P300 lamang ang inaasahan niya dahil kakaunti ang estudyante.
Bukod pa sa karaniwang pwesto sa footbridge, nagtatawag din si Tatay Odet sa bandang GT-Toyota tuwing 5:30 hanggang 7:30 ng umaga. Sa dalawang oras na ito, hindi lalagpas sa isandaang piso ang kinikita niya.
Malaking bahagi ng kanyang arawang kita ang napupunta sa mga gamot ng asawang si Lotlot. Aniya, ilang dekada na itong nagme-maintenance dulot ng highblood at sakit sa puso.
“Noong nag-pandemic, syempre, wala akong makuhanan ng pera. Isang araw, hindi siya nakainom [ng gamot]. Sabi niya, ‘Pa, nahilo na ko’,” pagkukwento ni Tatay Odet.
Kaya naman kahit nanghihina na ang tuhod, hindi sumasagi sa isip niya na tumigil sa pagtatrabaho—dahil ang araw-araw niyang pagtatawag ay nangangahulugang panibagong pagkakataon upang mapanatiling malusog ang kanyang asawa.
Kung hindi pa ito sapat na patunay ng kanilang wagas na pagmamahalan, masayang ibinida ni Tatay Odet na mayroon silang sampung anak at dalawang beses pa silang ikinasal ni Lotlot.
“Una sa simbahan, d’yan sa UP Parish. Tapos nung may kandidato naman, kinasal ulit kami sa kasalang-bayan. Sabi ng misis ko, ‘Pakasal ulit tayo,’ ‘Oh sige’, sabi ko.”
Sa kanilang tahanan sa Pook Ricarte, binubuhay rin ng pagbabarker ni Tatay Odet ang maliit nilang sari-sari store. Ang makita itong napapalamutian ng nag-uumapaw na paninda ay isa sa mga kaligayahan niya sa buhay. “Pag walang laman ‘yung tindahan ko nga, malungkot ako eh,” sambit niya sabay ang mahinang buntong-hininga.
Walang binatbat ang nagdidilim na langit sa liwanag na gumuguhit sa mukha ni Tatay Odet. Kapag napapasarap sa pagkwento, hindi niya namamalayan ang kusang pagkumpas ng mga kamay sa hangin—isang paraan ng pagsasabing humihiyaw ang kanyang puso sa ligaya. At sa tuwing mapapansin niya ang kanyang mga kamay na nakikisali sa kwentuhan, pinid siyang ngingiti sa akin.
Sa kalagitnaan ng aming pag-uusap, bigla siyang tinapik sa balikat ng isang pasahero. Kasunod nito ang saglit na gulat ni Tatay Odet, ngunit agad din niyang nakilala ang estudyante, hindi lang sa mukha, kun’di maging ang pangalan at kurso nito. Saglit silang nagkumustahan habang naghihintay sa pagdating ng dyip. Nang makasakay na ang estudyante, mabilis na lumingon sa akin si Tatay Odet. Sa saglit na segundong iyon, hindi pa man bumubuka ang kanyang bibig ay nagsasalita na ang kanyang mga mata.
Ipinagmalaki niya sa akin na isa sa paborito niyang bahagi ng kanyang trabaho ang pagkakaroon ng maraming kaibigan. Bilang partikular, mga kaibigang estudyante. Bukod kasi sa matagal siyang naging barker sa loob ng kampus, naging labandera din ng maraming estudyante ang kanyang asawa. Aniya, nasubaybayan nila ang mga ito na makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho.
“Meron pa nga d’yan, nagtatawag ako, namasyal [siya] d’yan sa UP, [tapos] nakita ako. Sabi, ‘Tay, kumusta ka na?’ Yung iba naman, kinukumusta ng misis ko sa [cellphone], nasa ibang bansa eh,” pagkukwento niya, kasunod ang pagbanggit ng iba’t ibang pangalan at kurso na tila nakatago sa kanyang isipan at pilit niyang hinahalughog ngayon.
Ngunit sa dami ng mag-aaral na nakita nilang nagtagumpay, ang pinakahinihintay ng mag-asawa ay ang pagtatapos naman ng kanilang anak. Sa susunod na taon, magkakaroon na ng kauna-unahang pulis si Tatay Odet. At kaunting paghihintay pa, susundan agad ito ng kanilang bunsong anak na parehong landas din ang tinatahak.
Habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng nakapila sa terminal ng dyip, nagbalik-tanaw si Tatay Odet sa kanyang buhay bago maging isang barker. “Fourth year high school lang [ang tinapos ko]. Nung namatay ‘yung tatay ko, hindi na ako nag-aral. Nagtrabaho na ako sa construction,” sambit niya. ‘Di kalaunan, inalok siya ng kanyang tiyuhin na maging barker sa loob ng kampus.
Nang tanungin ko kung ano ang pangarap niya noong nag-aaral pa siya, sagot ni Tatay Odet: “Pulis, pulis din sana.”
“[Kaya] mag-aral nang mabuti para hindi katulad ko na ganito—nasa kalye lang na pasigaw-sigaw,” payo niya habang binibilang sa kanyang palad kung magkano na ang patak-patak na baryang iniabot sa kanya ngayong araw.
Ngunit ang hindi alam ni Tatay Odet, ang kanyang pasigaw-sigaw ay hindi ingay sa tainga ng marami. Sa katunayan, ang boses niya ay kapanatagan ng nag-aalalang estudyante kung may masasakyan pa ba; ginhawa sa mga drayber na hindi na kailangang magbilang para masigurong ang dyip ay puno na; at gabay sa mga aligagang komyuter na naliligaw sa gitna ng magulong kalsada.
Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa klaseng Feature Writing (J111) ni Adelle Chua.