Sa gitna ng karatulang nakapaskil sa pinto ay isang taong walang mukha. Tila gusto nitong sabihin na marami ang kaniyang wangis—maganda man, pangit, o pwede na, maaaring maging siya. Wala mang ekspresyon ay bakas din ang pagkalito rito. Naka-bestida nga siya, kalbo naman. Sa baba ng imahe, kapansin-pansin naman ang nagsusumigaw na mga letra. WOMEN, pagpapakilala niya.
Pagpasok ko sa pintuan ay bumungad sa akin ang tatlong salaming pilit ipinagkabit-kabit. Laman nito ang repleksyon ng babaeng buo ang imahe sa sarili. Mas malapad ang balikat niya kaysa bewang, nagyayabang ang butong inuupuan ng kilay, at may hibla ng buhok na tumatabing sa mukha upang mas palambutin ang itsura. Trans. Transgender woman. Binabae. Bakla.
Dinig na dinig sa loob ng palikuran ang halakhak ng mga estudyante ng Maskom. Umuugong sa sahig na inuupuan nila ang mga kwento ng kanilang araw. Nakikipagsapawan ito sa mga sariling bulong ng pagdududa, kung tama bang kumanan ako papunta sa banyong pambabae kaysa kumaliwa.
Wala pang isang dipa para sa six-footer na gaya ko ang bawat cubicle. Mababa ang mga harang nito, at sisilip ang ulo ng sinumang magtatangkang umihi nang nakatayo. Paano’y nakaupo naman daw dapat umihi ang mga babae–wala naman silang instrumentong itinututok sa kubeta upang makamtan ang mga tilamsik ng ginhawa.
Ngunit hindi kinikilala ng ganitong pag-iisip ang magkakaibang uri ng pagsirit at paglaya.
Blockbuster ang comfort room (CR) sa tuwing papasok ako rito. Mahina na kung isa lang ang kasama ko sa loob. Sa mga panahong ito, pinipigilan kong magsalita dahil sa boses kong natural na mababa. Baka bumitaw ang matinding pag-iipit sa tinig ng dating bass sa high school choir. Laging nasa hangin ang takot na baka bigla akong palabasin o kaladkarin ng guwardiya sakaling may magsumbong.
Sa karugtong na gusali naman ng Maskom, may isa pang palikuran na nag-aalok ng kakaibang uri ng payapa. Mas tahimik at kalmado pa ito kaysa sa katabing silid-aklatan. Bihira akong may makasabay rito, kaya’t walang banta ng anumang panghuhusga. Ang tanging nag-iingay rito ay ang diwa ng mga papasok, iihi at mag-iiwan ng mga sariling pagkabigo.
Iba’t ibang kulay ng bolpen ang nagpapatingkaran sa pagkukwento at paglalabas ng kanilang sama ng loob.
“Konti na lang iki-kick out na ako.” Naka-graduate na kaya siya? “F*** thesis!” Gets naman. “Never again, never forget.” Alam niya kayang isang Marcos na naman ang pangulo ng Pilipinas? “I lost my virginity here.” Saklaw ito ng mas malaking ideolohiyang nagkakandado sa pag-unawa kung ano at paano maging babae.
Patunay ang mga tintang kumukupas na hindi natatapos ang diskurso sa tuwing umiihi ang mga nakikibaka. Espasyo rin ito upang maglaro at maglakbay sa iba’t ibang ideolohiya ang ating mga isipan.
Kamakailan lang, may isang peministang naglabas ng opinyon tungkol sa pag-apirma ng mga trans sa kanilang mga sarili. Free to Disagree raw, na parang bang debate lang ang mga buhay namin. Wala itong pagkilala at paglingon sa lalim ng aming pag-iral.
Sinubukan kong puntahan ang gusali kung saan siya naging dekano noon, sa College of Social Work and Community Development (CSWCD). Balak kong damhin ang hangin sa palikuran ng kolehiyo, dahil baka sa mga sulok nito biglaang pumipitik ang kaniyang mga ideya.
Sa paglalakad ko papunta rito, nadaanan ko ang Center for Women and Gender Studies—na Center for Women Studies lang pala noon—ayon sa karatulang nagmamalaki sa lahat ng naglalakad.
Napaisip tuloy ako kung saan ako rito: sa women kaya o sa gender?
Kaunting hakbang pa ng size 11 kong mga paa, narating ko na ang CSWCD. Kung ikukumpara sa Maskom, higit na malaki at maaliwalas ang palikuran ng kolehiyo. Hindi rin pinuputol ng bagong punas na salamin ang ulo ko. Walang pagyukong kailangang gawin upang makita ang mukhang tatlumpung minuto kong inayusan.
Dito kaya niya naisip?
Na hindi kami dapat isama sa mga “babaeng” biktima ng abuso dahil nababalisa sila sa aming mga ari—na para bang magpapaikot-ikot kami nang hubo at ipagmamalaki sa mundo ang pangunahing dahilan ng aming opresyon?;
Na delikado ang ideolohiyang bumabalot sa aming mga identidad, kahit na lubusan kami nitong sinagip mula sa mga hinagpis na dulot ng patriyarka?
Tila sa Europa o sa Amerika niya yata pinawi ang tawag ng kaniyang pantog. Sa mga bansang ito kasi nagmumula ang mga ganitong naratibo. Katunayan, ginagamit itong plataporma upang pulisin at pulitikahin ang sarili naming katotohanan. Dayuhan sa kultura natin ang ganitong klase ng pagpopoot.
Sa aking munting paglalakbay, napagtanto kong inosente ang banyo ng CSWCD. Wala itong kasalanan. Malinis ang halimuyak nito at walang ni katiting na sangsang ng konserbatismo.
Ganito naman talaga ang lahat ng mga palikuran. Wala itong pakialam sa kasarian ng mga pumapasok dito. Sa bawat pagpihit sa seradura ay ang madulas nitong pag-ikot; hindi ito tumututol, tanda ng respeto sa pagkatao ninuman. May langitngit man ang pinto ay hindi ito tunog ng pagkamuhi, bagkus palakpak ito para sa tapang at lakas ng loob. Tapang na palayain ang sarili mula sa mga opresibong pamantayan ng lipunan.
Marahil pinahahalagahan din ng plakang nakadikit sa pinto ng palikuran ang diwa ng pagkakaiba-iba. Ipinagbibigay-alam ng kawalan nito ng mukha at ari na hindi limitado sa iilan ang pagkababae.
Baka rin kaya women, imbis na woman, ang pananda sa paskil. Hindi lang babae, kundi maraming babae. Kinikilala nito ang kulminasyon ng lahat ng anyo, karanasan at pakikibaka ng mga kababaihan. Hindi lang ng isa, ngunit ng lahat.
Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa klaseng Feature Writing (J111) ni Adelle Chua.