De-Kaserolang Pakikibaka

Matitingkad na kulay ng kahel at kayumanggi ang karaniwang pinta sa mga Palestinong pagkain. Sa bawat putahe ay mapapatanong ka kung paano nila napaglalaro ang maraming lasa — mukhang iisa ang matitikman ng dila, pero iba-iba ang ihahain sa’yong sarap sa bawat subo.

Dalawang dipa mula sa pinto ang pwesto ng kanilang kusina. Sa loob ng maliit at kulob na silid, hindi maiiwasang magbutil ang pawis habang nagluluto — kusa na lang itong tumutulo pababa ng pisngi lalo kapag nasisiritan ng singaw ng sinaing. At kapag naman masyadong maingay ang palakpak ng kutsilyo’t sangkalan, asahan na ang mga makikisaling maliliit na kamay, sabik na matikman ang espesyalti na pinagkakaabalahan ng nanay. 

Tatlong buwan na ang nagdaan simula noong magbukas ang Little Gaza Kitchen (LGK) sa Quezon City. Binubuo ito ng mga nanay na Palestinong refugees mula sa Gaza. Ayon sa Moro-Palestinian Management ng LGK, nagsimula silang maghain ng lutong-bahay na Palestinian dishes noong Ramadan.

“We supported them hanggang sa nag-crave yung mga tao [ng] Palestinian dish after that pop-up [store during Ramadan]. After that, sunod-sunod na ‘yung mga order,” ani Nords Maguindanao, ang tagapangasiwa ng LGK.

Ang kabsa ang pinakamabenta sa kanilang kusina, at mabibili ito sa halagang P100 lamang. Ito ay buhaghag na kanin na may maninipis na pilas ng karot na nagbibigay-kulay sa putahe. Malambot ang kanin at parang nadudurog sa pulbura kapag nginuya, at kung minsan pa’y may pahiwatig na lasang mani. Sa ibabaw naman ay ang kulay kayumangging manok na buong-buo at nanunuot ang linamnam. 

Hindi makukumpleto ang Kabsa kung wala ang mga binudbod na mani, pasas at kinchay na nagbabalanse sa mayamang lasa ng manok — iwas umay kung tawagin nating mga Pilipino. 

Dahil hilig ng mga Pilipino ang kanin,  hindi na nakagugulat na isang rice dish ang pinipilahan sa LGK. Ngunit bilang personal na paborito, kakaibang tatak sa dila ang iniwan ng basbousa o semolina cake. Tila loob ng kamoteng kahoy ang kulay ng tinapay, siksik at sa labas pa lang ay mamasa-masa na ito. Sa halagang P100, handog nito’y piyesta ng iba’t ibang timpla. 

Makremang asim ang entradang lasa ng basbousa dahil sa pangunahing sangkap nito na yogurt. Sa una, mapapakunot ang noo mo at bahagyang mapapapikit ang mga mata sa ma-citrus nitong pagpapakilala. Pero habang napaparami ang subo, nauunawaan mo na gusto ka nitong magbigay ng paulit-ulit na gulat-linamnam na sensasyon. Hindi nananatiling maasim ang timpla nito sa dila dahil umaambag din ang mantika ng mga dinurog na pistachio at kinayod na niyog sa layuning gawing matamis at ganap na keyk ang basbousa.

Pansamantalang Pagtahan

Tubong Gaza at baguhan sa negosyong pagluluto si Basma Salah Salama, 28. Kasama niya ang Pilipinong asawa at tatlong taong gulang na anak na lumipad sa Pilipinas noong Nobyembre 2023. Kahit baguhan sa pinagkakakitaan, memoryado ni Basma ang sangkap ng kanilang mga putahe. Ang kamahalan at pagiging mailap ng mga ito sa Quezon City ang kanyang naging problema.  

Aniya ang isang litrong olive oil na madalas na ginagamit sa pagkaing Palestino ay nagkakahalaga ng P1,000, kulang na kulang pa para sa sandamakmak na putaheng niluluto nila.

Bukod sa pagiging kusina, ang LGK rin ang naging tahanan ng 16 na pamilyang mapalad na nakaalpas mula sa masalimuot nilang bansa. 

Nobyembre 2023 nang magsimulang maging kanlungan ng mga Pilipino-Palestino ang Pilipinas buhat ng tumitinding genocide sa Gaza. Isa sa mga unang nakalipad paalis ng Palestine ay ang pamilya ni Zenith Abudalal, 59, isang Pilipinong ina na tatlong dekadang tumira sa Gaza. 

“Nasaraduhan ako, na-trap ako sa Gaza kasi sinarado na ng Israel ang daan papuntang border,” patotoo ni Zenith.

Bitbit ang puting bandila — indikasyong hindi sila lalaban — nilakad ng kaniyang pamilya ang walong kilometrong daan papuntang Rafah crossing, papuntang Egypt . Maingat ngunit mabilis ang naging bawat yabag ng kanilang mga paa — takot maabutan ng itinakdang curfew. Dahil pagpatak ng alas-dos ng madaling-araw, hudyat ng kamay ng orasan ay ang pagtutok ng baril ng mga sundalo ng Israel.  

“Children, women, what are their faults to be killed? Why? It’s a big question why,” ani Zenith. 

Pambura ang Bomba

Ayon kay Mahadia Abudalal, 34, anak ni Zenith, bukod sa pagkamkam ng lupa ay hindi rin pinalampas ng Israel ang pag-angkin sa mga pagkaing Palestino. 

Bilang guro sa refugee camps sa loob ng 11 na taon, masinsing nakatahi ang pag-unawa at memorya ni Mahadia sa mga naging danas ng Palestino sa kamay ng US-Israel. Binigyang-diin niya na genocide ang nangyayari sa Gaza dahil hindi kailanman matatawag na giyera ang ‘di-pantay na laban sa pagitan ng lahing binubura at imperyalistang bansa. 

“They stole our homes. It’s not preventing them from stealing our culture. The Zionist entity tried to steal some of the dishes and label it with ‘Israel’ but it didn’t work,” paliwanag ni Mahadia. “Almost [all] Palestinian dishes, [even] if you call it an Israeli dish, it will not become Israeli — it has been and always has been a Palestinian dish.”

Para sa kanya, ang pagkain sa kanilang kultura ay salamin ng kanilang mga buhay — gunita ng kanilang pakikibaka at pagkakakilanlan. Kaya naman ang paghahain nito sa hapag ng mga Pilipino ay isang pagkalabit sa kamalayan at pagkilos laban sa kawalan ng katarungan sa genocide na nangyayari sa kanilang bayan. 

Kaisa sa diwang ito si Kamilah Manala-o, 42, lider ng Moro-Palestinian Management. 

“It’s more than food now. We’re spreading awareness, we’re spreading their culture, we are helping them to get back up on their feet — these are families that lost everything and [are] starting from zero,” saad ni Kamillah.

Sa bawat lutong serbisyo ng komunidad ng Little Gaza, layon nilang hindi manatiling kulob sa mga kaserola ang alingawngaw ng kanilang mga panawagan. 

“I hope that the Filipinos will stand with the innocent side of the story — the women who were slaughtered, the kids who are being murdered every day,” pahayag ni Mahadla. “Probably this will help magnify the voice of ceasefire. We hope that one day it will happen because, as we talk now, bloodshed is still continuing in Gaza.”

Sa Kusina ni Nanay

Sa mga pagkakataon na marami sa kalalakihan ang inaasahang lumisan para makipagdigma para sa kalayaan, may malaki ring papel na nakatalaga para sa kababaihan. Isang hamon para sa mga ina ang huwag mapundi bilang mga ilaw ng tahanan. 

Nilahad ni Mahadia ang mga pagkakataong tig-tatlong lagok lamang ng tubig ang pwede nilang inumin at kakapiranggot na tinapay lamang ang kanilang pinaghahatian.

“You keep your children somehow disconnected from what’s going on around them.The bombings that [are] going on,you can’t hide it from them, but you have a great responsibility to just make them understand and assure them so that psychologically, things will not get worse,” sambit ni Mahadia.

Para naman kay Basma, dapat manatiling matibay ang mga ina kahit sila mismo ay may mga luhang naghihintay mapunasan. Kailangan nilang maging tanglaw sa kadiliman at magpatuloy  sa buhay, gaya ng pakikilahok niya ngayon sa pagluluto sa LGK upang masuportahan ang pangangailangan ng anak at asawa. 

Sa pagkaing likha ng mga ina sa Little Gaza’s Kitchen, hatid nila’y hindi lamang linamnam at laman-tiyan, ngunit pati na rin ang mensahe ng kanilang pagtangis at pag-asa. 

“Their cause, their fight should be said across people who don’t know their predicament, and that’s through food,” pahayag ni Nords. 

Malaki ang pagpapasalamat ng LGK sa mga nakikiisa at dumadalo sa mga bazaar na tampok ang mga pagkaing Palestino. Sambit ni Nords, hindi pagkain at donasyon ang pangunahing kahingian ng mga pamilya sa Little Gaza, bagkus ang presensya ng kapwa taong madadantayan nila sa panahong halos ipinagkait na sa kanila ang lahat. 

“You don’t need to be a Muslim, you don’t need to be a Palestinian, you just need to be a human to understand what’s happening. What is totally happening there is a genocide, not a war.  Like the millions of people that are shouting right now: Free Palestine from the river to the sea,” panawagan ni Nords. 

Dahil ang paghahain nila’y isang porma ng pakikibaka, at ang pagtangkilik natin ay pagtindig. 

Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa klaseng Newsroom (J121) ni Theresa Martelino-Reyes