Ang likhang ito ay kathang-isip lamang.
Paulit-ulit ang pagkatok ng mga batang nanghihingi ng kendi’t tsokolate–ang iba’y nag-ala superhero, ang iba naman ay duguan at punit ang damit. Sa sala, rinig ang minsanang impit na pagtili ng mga mag-pinsang nanonood ng nakakatakot na palabas. Habang sa kusina naman, lumilikha ng kaluskos ang paghahanap ni Inay sa mga nakatambak na kandila.
Ngunit sa lahat ng ingay na ito, nangingibabaw pa rin ang pagkabog ng dibdib ko.
Isang oras na ang nakalipas mula nang matapos akong mag-ayos. Pero hanggang ngayon, nandito pa rin ako sa aking kwarto–nakaharap sa salamin, tinititigan ang hitsura at kinakausap ang sarili. Kaya ko na ba itong harapin?
Sinubukan kong pakalmahin ang sarili–paulit-ulit, malalalim na pagbuntong-hininga. Hanggang sa wakas, natauhan ako at naalalang hindi ko dapat sinasayang ang oras.
Tiningnan ko ang laman ng dadalhin kong bag sa pag-aalalang baka may makalimutan. Kandila, posporo, at papel na bulaklak…may kulang. Hindi ko pa pala nailagay ang litrato ni Laya.
Kinuha ko ang picture frame na matagal nang naka-display sa aming sala. Habang pinupunasan ang iilang alikabok na namahay, pinagmasdan ko ang aking kaibigan. Pula ang t-shirt na suot ni Laya na tinernuhan ng itim na pantalon. Seryoso ang kaniyang mukha at nakataas ang kamao. Alalang-alala ko pa ang eksaktong araw na kinuha ang litratong ito–noong may malawakang rally ang mga manggagawa sa Mendiola. Sunod-sunod na dumagsa sa aking memorya ang mga panahong magkasama kami, lalo na sa mga nagdaang pagkilos.
Naramdaman kong uminit ang aking mga mata. Bago pa man matuluan ng luha ang litrato ng aking kaibigan, ipinasok ko na ito sa bag.
Ilang kilometro lang ang layo ng sementeryo sa bahay namin. Sa katunayan, kayang-kaya itong lakarin sa loob ng 10 minuto. Pero natagalan ako dahil naging mabigat ang aking mga hakbang.
Bago pa man makapasok, bumungad sa akin ang isang malaking tarpaulin. Nakasulat dito ang pulang pahayag na “Ligtas Undas 2024.” Nakasabit ito sa tent na pinaglalagian ng mga naka-unipormeng pulis. Nakaupo lamang sila at kalmado–ibang-iba sa lagi kong nakikita kapag itinataboy nila ang grupo naming mga rallyista.
Taliwas sa lagi kong nasasaksihan kapag bumibisita rito, abala ang paligid ngayon. Imbis na halimuyak ng mga halamang pumapalibot sa sementeryo ang maaamoy, nabalot ang paligid ng usok mula sa itinitindang inihaw na pagkain. Sunod-sunod din ang pagpasok ng mga sasakyang nagbubusinahan para mag-unahan sa paradahan. Kalat-kalat ang mga tao. Pero ang karamihan sa kanila, nakaupo sa tapat ng mga puntod–may nagsisindi ng kandila, nagdadasal, at ang iba’y nakikipagkwentuhan sa mga kasama.
Napako ako sa isang sulok ng sementeryo. Sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-agos ng mga tao sa paligid ko, hindi ko magawang igalaw ang kahit anong parte ng katawan ko.
Beep beep! Nabalik ako sa ulirat nang bumusina ang sasakyang paparada sa kinatatayuan ko. Agad akong naglakad papalayo, handa nang simulan ang paghahanap.
Humigit-kumulang kalahating ektarya ang sementeryo. Pero sa tuwing pumupunta ako rito para hanapin si Laya, hindi ko alintana ang lawak nito. Mas nananaig sa akin ang kagustuhang matagpuan na ang kaibigan.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong pumupunta rito sa loob ng isang taon. At sa tuwing umuuwi ako nang hindi pa rin nahahanap si Laya, hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Dapat ba akong malungkot dahil hindi ko pa siya nahahanap? O mabuhayan ng loob dahil nangangahulugan itong may natitira pang pag-asa na buhay siya?
Kahit na mahirap, sinubukan kong isa-isahing tingnan ang mga puntod. Nagbabakasakali ako na sa pagkakakataong ito, makita ko ang pangalang Laya Dela Cruz. Ngunit aaminin kong mas nananalangin akong wala siya rito.
Marami na ang napapatingin sa akin. Marahil ay napapansin na nilang paikot-ikot lamang ako sa sementeryo, animo’y tinitiktikan ang kung sino. Ngunit ang totoo, wala kasi akong mapupuntahang puntod.
Sa loob ng isang oras kong paghahanap, ilang kandila na ang unti-unting nalusaw at maraming tao na rin ang nag-uwian.
Walang Laya.
Kandila, posporo, papel na bulaklak, at litrato lang naman ang dala ko… pero bakit parang bumigat na ngayon ang bag ko? Kung kanina’y natagalan ako sa paglalakad papuntang sementeryo, mas lalo akong nahirapan humakbang papaalis.
Nang nakarating na ako sa tapat ng aming bahay, saka ko lamang napagtanto na dumaan na naman ang Undas nang hindi ko pa rin nakikita si Laya.
Dumidilim na ang paligid. Pero hindi ako papayag na matapos ang araw na ito nang hindi binibigyang pag-alala ang kaibigan ko.
Habang nasa balkonahe ng aming bahay, inilabas ko ang laman ng dala-dala kong bag. Itinayo ko ang picture frame sa sahig. Sinindihan ang kandila.
At saka nag-usal ng dasal.
Sa susunod na araw, buwan, o kahit sa susunod pang Undas, sana ay mabigyang-linaw na ang tunay na nangyari sa kanya. Sana ay ‘di na mangailangan pang magpaikot-ikot hanggang sa maubos ang mga mitsa. Sana ay mayroon nang Laya.