Sekyu to the rescue

Alas sais na ng gabi nang maisipan kong umuwi matapos ang maghapong klase sa Maskom. Napalitan na ng katahimikan ang hiyawan at halakhakan na noong umaga lang ay umalingawngaw sa bawat koridor ng kolehiyo. Hindi pa lubos na nagpapaalam ang araw nang makalabas ako sa Plaridel Hall, kaya naman agad kong naaninag ang isang unipormadong babae na nagmamasid-masid sa harap ng kolehiyo.

Nanatiling tuwid ang kanyang postura habang lapat sa aspalto ang bagong kintab nitong sapatos. Walang bahid ng gusot o mantsa ng dumi ang nakatuck-in niyang puting long sleeves na pinupuluputan ng kurbatang itim sa bandang kuwelyo. 

Matapos ang ilang segundo, bigla nitong binaling ang tingin sa akin at agad na nagpakawala ng ngiti—isang ekspresyong pamilyar na sa mga estudyanteng kakilala niya. 

“Uuwi ka na?” tanong niya sa’kin.

Taong 2018 nang maging isang ganap na security guard sa UP College of Media and Communication ang 48 taong gulang na si Geraldin Taraya o mas kilala bilang ‘Ate Ge’ ng Maskom. Bago pa siya magtrabaho sa pamantasan, nakailang raket na rin si Ate Ge bilang sekyu sa iba’t ibang opisina at hotel sa Metro Manila simula pa lang noong 1999. 

Sa loob ng pitong taon sa CMC, samu’t saring mukha at ugali na rin ang nakasalamuha niya. Siya ang sumasalubong sa bawat estudyanteng papasok ng klase na hindi na halos maipinta ang mukha dahil sa puyat. Ang babaeng guwardiya rin ang saksi sa huling araw ng mga estudyanteng matapos ang ilang taong hirap at pagsisikap, masusuot na rin ang pinakainaasam nilang Sablay.

Kuwento pa ni Ate Ge, ilang beses na siyang nabastos at dinuro-duro ng mga tao nang dahil lang sa mga simpleng isyu tulad ng parking. Gayunpaman, hindi siya kailanman nakaramdam ng takot o nagdalawang-isip na magbitiw sa trabaho. 

“Iniisip ko na parte talaga ‘yun ng trabaho namin […] ‘Di porket naka-encounter ka ng ganun ‘e susuko ka na. Hindi mo ako mapi-pin down pagdating sa ganyan,” buong tapang niyang saad, habang suot-suot ang mapang-asar niyang ngisi.

Ngunit sa likod ng matapang at matibay na personalidad ni Ate Ge, minsan na rin siyang muntikang sumuko sa sunod-sunod na pagsubok ng buhay. 

Noong nakaraang taon, magkasunod na namatay ang kanyang bayaw at kapatid sa loob ng dalawang buwan. Bunga nito ang maagang pagkaulila ng apat niyang pamangkin. Bagaman alam niyang bibigat ang kanyang responsibilidad, minabuti pa rin ni Ate Ge na kupkupin silang lahat sa kanyang tahanan. 

Kaya naman ang dating sapat nang P1450 na pinagsamang suweldo nilang mag-asawa ay bitin na sa pagpapalaki ng anim na bata. Bukod pa rito, nanibago rin ang kaniyang dalawang anak dala ng biglaang pagsikip ng espasyo nila sa bahay. Madalas, ito ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng away at sakitan sa pagitan ng mga magpipinsan.

“Mahirap lang kasi siyempre sa budget talagang grabe […] ‘Yung dating luwag namin sa buhay, nawala ‘yun,” ani Ate Ge.

Hindi mapigilan ni Ate Ge ang mapaluha sa mga unang linggo mula nang tumira sa kanilang bahay ang kaniyang mga pamangkin. Ngunit tapat sa trabaho niya bilang security guard, hindi siya nagpatalo sa hagpis—bagkus ay matapang na hinarap ang pagsubok na humaharang sa daan niya.

Ilang linggo lang matapos mailibing ang kanyang kapatid, nakaisip agad si Ate Ge ng panibagong pagkakakitaan–ang pagbebenta ng silog meals na ang presyo’y hindi lalagpas sa P100. Sa isang araw na pagbebenta, kumikita siya ng P500 hanggang P700—kung minsa’y umaabot pa ng libo-libo kapag nakakatanggap siya ng maramihang order mula sa mga estudyante ng pamantasan.

Hindi nagtagal ay nagbunga rin ang sakripisyo at pagsisikap ni Ate Ge.. Nang dahil sa pagbebenta niya ng mga silog meals, natulungan nito ang panganay sa apat niyang pamangkin na makapagtapos ng senior high school noong nakaraang taon.

Para kay Ate Ge, malaki ang naging parte ng mga estudyante ng CMC kung bakit siya nanatiling matatag sa mga panahong iyon. Hindi lamang isang sekyu ang turing ng mga ito sa kaniya, kun’di isang kaibigan na may kuwento at nangangailangan din ng masasandalan. 

“May mga nakukuha rin ako sa kanila na payo para ako’y tumatag; para lumaban ako. Kahit estudyante [pa lang], malaki [na] ang naitulong [nila sa akin],” ani Ate Ge.

Sa ilang oras naming pag-uusap ni Ate Ge, namangha ako sa kanyang kakayahang ngumiti at tumawa pa rin sa kabila ng lahat ng kanyang pinagdaanan. Para sa kanya, ang mga pagsubok sa buhay ay hindi talaga natatapos. Imbis na sayangin ang oras sa pagmumukmok, mas mainam daw na harapin na lang agad ang mga problema at ihanda ang sarili sa mga susunod pa.

Taon-taong ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Manggagawa tuwing ika-walo ng Marso upang kilalanin ang mga nagawa at patuloy pang nagagawa ng mga kababaihan. Nais din nitong pagyamanin at paigtingin pa ang pakikibaka para sa pantay na karapatan at oportunidad anuman ang kasarian. 

Sa higit 25 taon na iginugol niya sa trabahong itinuturing ng lipunan na “panlalaki” lamang, nakaukit na si Ate Ge ng sarili niyang pagkakakilanlan. Lubos nitong napatunayan na walang kinikilalang kasarian ang anumang trabaho. At patuloy siyang maghahangad sa mas ligtas at makataong espasyo sa lipunan, sampu ng marami pang kababaihang manggagawa.

“Huwag mong [ipagmalaking] lalake ka, kasi may kahinaan ka naman din tulad [naming mga babae]. Kapag dumating ka rin doon sa punto na nasapul ka sa kahinaan mo, edi wala rin ‘yung pagkalalake mo, diba?” sambit ni Ate Ge. “Nanghuhusga lang [ang mga tao] pero sila mismo hindi alam kung anong ginagawa mo sa pang araw-araw na pagtatrabaho.”