Sisa.
Sa tuwing naririnig natin ang pangalang ito, agad na pumapasok sa isip natin ang hiyaw ng isang inang nawalan ng dalawang anak.
Siya ay naging larawan ng Pilipinong dinurog ng sistemang dapat ay pumoprotekta sa kaniya. Sa halip na maging mapayapa ay nagdulot lamang ito ng mas malalalim na sugat.
Sa pelikulang Sisa (2025) ni Jun Robles Lana, muling binigyan ng higit na pagpapalalim ang kaniyang karakter. Ang kaniyang kabaliwan sa simula ay maskara lamang para sa mga lihim na plano para sa isang rebolusyon.
Dalawang babae ang nagngangalang Sisa. Magkaiba man ang kanilang kuwento, pareho pa rin silang biktima ng mapanupil na sistema.
Hindi man ito tuwirang adaptasyon ng “Noli me Tangere,” malinaw pa rin ang paggamit ng kaniyang diwa bilang simbolo ng kababaihan at ng Inang Bayan.
Unang ipinalabas ang pelikula sa 29th Tallinn Black Nights Festival sa Estonia noong Nobyembre 20, 2025 bago ito umuwi sa mga sinehan ng Pilipinas noong Marso 2026.
Sa panulat at direksyon ni Lana, nagsilbing comeback film ng beteranong aktres na si Hilda Koronel ang Sisa. Kasama niya rin dito sina Eugene Domingo bilang Delia at Jennica Garcia bilang Leonor. Ang tatlong pangunahing tauhan ang nagsilbing tinig ng sugatang kasaysayan ng bansa na muling binuhay ng pelikula.
Patuloy na Pananakop
Isang madilim na yugto ng ating nakaraan ang Philippine-American War. Matapos isuko ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos noong 1899, napilitang makipagdigma ang mga Pilipinong rebolusyonaryo sa panibagong mananakop.
Nag-udyok ito ng mga polisiyang nagwasak ng mga pananim, hayop, gusali at imprastraktura upang mawalan ng kakayahang lumaban ang mga rebolusyonaryo. Bunga rin nito ang malawakang pagpatay at sapilitang paglipat at pagkulong ng mga sibilyan sa mga concentration camps.
Kinakapitan ng takot, kinakain ng gutom at sinasakop ng pangamba. Ito ang tagpuang hinubog ng digmaan na nagbigay-konteksto sa mga manonood hinggil sa tunay na anyo ng buhay sa ilalim ng mga Kano.
Bilang repleksyon ng realidad ng digmaan, lalong naging kapansin-pansin ang mga eksena ukol sa mga paghahanda para sa isang engrandeng baile.
Sa tila payak ngunit makabuluhang mga detalye, mababakas ang paglipat ng kapangyarihan mula sa mga Espanyol tungo sa mga Amerikano.
Sa pamamagitan ng baile, ipinakikilala ang pagtatangkang ipalaganap ang “American way of life” na anila’y mas “sibilisadong” paraan ng pamumuhay.
Bagaman may pag-aatubili noong una na makilahok, sinukat pa rin ng mga kababaihan ang mga kasuotang ibinigay ni Miss Warren (Isabel Lamers).
Matapos pagbigyan ang Amerikana, isang papel ang kanilang pinagpasa-pasahan. At nang mapasakamay ito ni Sisa ay unti-unting nagliyab ang papel at nagsilbing liwasan patungo sa kaniyang nakaraan.
Tunay na kapansin-pansin ang transisyon ng eksena patungong nasa zarzuela si Sisa. Ang pagkasunog ng papel ay nagsisilbing pahiwatig ng panibagong yugto ng kolonisasyon.
Mula pa lamang sa paghihimok sa pagsuot ng mga kanluraning damit, binigyang-diin na ng eksenang ito ang pangakong “benevolent assimilation” ng mga Amerikano, na ipinoposisyon ang kanilang sarili bilang mga “kaibigan” ng mga Pilipino.
Hindi na ito bago sa pandinig.
Sa katunayan, malinaw hanggang ngayon na mahigpit pa rin ang hawak ng mga Amerikano sa Pilipinas. Hindi maikakaila na bakas pa rin ang kanilang impluwensya sa politika, ekonomiya at edukasyon. Maging sa puso’t isipan ng bawat isa ay patuloy na naninirahan ang mga kaisipang nakakadena sa mga banyagang kaugalian.
Ang Kabaliwan Bilang Sandata
Sa Sisa, mapatutunayan na hindi kailanman hihigit ang putok ng baril sa kapangyarihan ng taumbayang ang tanging kinapitan ay ang kanilang kabaliwan upang makamit ang tunay na pagbabago.
Pagkalipas ng araw ng baile, unti-unti nang naging mas malinaw ang pinag-ugatan ng “kabaliwan” ng mga karakter.
Ang “sibilisadong” pamumuhay na iginigiit sa mga Pilipino ay lalo lamang nagbukas ng daan sa mga karahasang dinanas nila.
Unti-unti ring nabunyag ang mga bitak sa mga pangako ng mga Amerikano. Ni minsan ay hindi nila pinanagutan ang mga karahasang kanilang ginawa, tila’y walang kasalanang dapat pagbayaran.
Mas luminaw na walang tunay na kakampi ang mga Pilipino kundi ang kanilang mga sarili.
Gayunpaman, ipinakita rin ng pelikula na hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang sitwasyon; minsan, ang kapuwa Pilipino mo pa ang siyang sasaksak sa iyo patalikod.
Bumilis ang daloy ng kuwento na tila nagpapahiwatig ng samu’t saring emosyon habang ipinaparamdam ang patuloy na pagsisikip ng mga espasyo.
Kapansin-pansin ang ilusyong ito sa bandang huli ng pelikula. Ang paikot na galaw ng kamera sa loob ng kusina ay nagpapahiwatig ng taranta ng mga tauhan dahil sa sunod-sunod na mga pangyayari at posibilidad na maudlot ang kanilang mga plano, lalo na’t nasa gitna sila ng paghahanda para sa hapunan ng mga may matataas na posisyon.
Nagsilbing simbolo ang kusina ng pagkakahating dulot ng digmaan sa bansa. Habang tinatamasa ng mga banyaga ang serbisyo ng kanilang nasasakupan, naiiwan ang mga nasa ilalim upang harapin ang kanilang mga sugat nang mag-isa.
Biglaan ang pagkabawas ng mga tauhan sa sunod-sunod na mga pagtataksil. Maliban sa pagsubok ni Sisa na pakalmahin si Leonor ay nanatili siyang nagmamasid lamang. Ang pagtulo ng kaniyang luha mula sa isang mata ang tanging nangungusap sa mga manonood.
Ang katahimikan ni Sisa ay isang balatkayo ng namumuong paghihimagsik sa kaniyang kalooban.
Sa pangyayaring ang kababaihan ang mukha ng rebolusyon, ang katahimikang ito ang humubog sa kaniya bilang mas matapang na rebolusyonaryo.
Sa gitna ng kaguluhan at unti-unting pagkawala sa katinuan ng mga karakter, nagsilbing kumpirmasyon ang linyang inihayag ni Delia kay Sisa: “Nababaliw ka na.”
Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng kabaliwan sa gitna ng digmaan at isang sistemang walang lohika? Sa halip na maging simbolo ng kahinaan, ito ang tugong isinilang ng sirang sistema; ang natatanging paraan upang muling angkinin ang nararapat na sa atin.
Kung sa mata ng mga mananakop ay isang “kabaliwan” ang paglaban, para sa taumbayang marahas na ninakawan ng lahat ng mayroon siya ay kabaliwan mismo ang nagiging huling anyo ng himagsikang bayan. Ang kabaliwan ang nagiging normal at ang tinataguriang baliw ang siyang tunay na matapang; ang handang ialay ang kaniyang buhay para sa bayan.
Ang Ngalan ng Rebolusyon ay Kababaihan
Naging tulay ang pelikula upang ilahad na militante ang diwa ng kababaihan.
Ipinalilitaw ng Sisa na ang kababaihan ay nasa unahan ng pagpapanatili ng kalayaan at pag-alala ng kasaysayan — lalo na sa mga paraang hindi madalas nabibigyang-pansin ng mga opisyal na dokumento.
Sa kabila ng bigat ng mga pinagdaanan, pinili pa rin ng mga kababaihan ang isa’t isa, kaakibat ang kanilang dignidad at ng Inang Bayan.
Isang radikal na pahayag ang kanilang pagtindig. Sa mundong paulit-ulit na nagtangkang busalan ang mga babae, tumanggi silang manahimik.
Si Sisa ay pagsasatao ng bansang Pilipinas: pinagkaitan, pinangakuan, paulit-ulit na nililinlang at ikinukulong sa anino ng kapangyarihang dayuhan.
Pero si Sisa rin ay isang babaeng kumakatawan sa walang hanggang kaluluwa ng paglaban.
Tumatagos mula sa tabing at tumatawid sa panahon ang paalala ni Sisa kay Nena: “‘Wag kang pabulag. Matalino ka, imulat mo ang iyong mga mata.”
Kung babalikan ang mga sadyang “hindi natural” na sandali sa pelikula na lumihis sa mga kumbensyon ng paggawa nito — mula sa galaw ng kamera at nakatitindig-balahibong sound design, hanggang sa hindi pangkaraniwang color grading na nagmistulang pintura ang ilang tanawin — matutunghayan ang artipisyal na estilo ng paghahabi ng pelikula. Maiuugnay ito sa kasaysayan ng bansa, sapagkat lalo lamang nitong ibinubunyag na ang kasaysayan mismo ay isang konstruksyong hinuhubog, pinipili at binubura.
Ginawa ang mga panadyang ito sa Sisa upang bigyang-diin at ilantad ang mga sugatang bahagi ng kasaysayan. Nagsisilbing salaysay ang pelikula ng mga kuwentong maaaring nakalimutan na o binabalewala na lamang.
“Hindi ba’t mas marangal ang mamatay na lumaban kaysa mabuhay sa pagkaalipin?” ani Delia.
Dalawang babaeng nagngangalang Sisa. Magkaiba man ang kanilang kuwento ay pareho silang biktima ng mapanupil na sistema. Ang isa ay kilala natin mula sa nobela, ngunit ang nasa pelikula ang higit na kailangan nating isadiwa.
Bagaman hindi na mababago ang takbo ng nakaraan, maaari pa ring maging mapanuri at manatiling mulat sa kasalukuyan.
At marahil, ito ang totoo: na lahat ng tao ay si Sisa — may lakas ng loob na tumanggi kapag idinidikta ng mundo ang mga nararapat niyang sundin.

