‘Rosang Taba’: Bakit doble ang bilis ng pagtakbo ng babae sa karera ng buhay?

ni Monique Gavan

Sa paggunita ng Buwan ng Kababaihan, ibinibida ang angking galing, lakas at tapang ng kababaihan sa lipunang patuloy na minamaliit sila.

Mahusay na inilahad ng dulang “Kung Paano Nanalo Sa Karera Si Rosang Taba” ang karanasan ng kababaihan bilang minorya sa isang larangan.

Sa direksyon ni José Estrella kasama sina Issa Manalo Lopez at Mark Daniel Dalacat, isinabuhay ng Dulaang UP ang akda ni Dean Francis Alfar, “How Rosang Taba Won a Race,” na nanalo ng Gawad Palanca noong 2006. 

Sa entablado ng University Theater, binusog ang manonood ng sining, musika, kasayahan at makamundong realisasyon ng mga aktor sa loob ng isang oras at labing-tatlong minuto. Sa malikhain at makabuluhang adaptasyon nina Maynard Manansala and Rody Vera, nabigyan ng sigla at buhay ang maikling kwento sa mundo ng teatro.

Ang dulang ito ay umikot sa katapangan ni Rosa (Kiki Baento) na harapin ang lahat ng pagsubok sa kabila ng mga esterotipong paratang sa kababaihan, lalo na pagdating sa limitasyon ng kanilang mga kakayahan.

Ang kwento ng bida ay isinalaysay ng kanyang mga apo sa tuhod sa kasalukuyang panahon. Mula sa pagbabalik-tanaw noong panahon ni Rosa, nasilayan ng mga manonood kung paano nilapastangan ng mga banyaga ang mga Pilipino at kung paano ipinaglaban ni Rosa ang kanilang mga karapatan.

Nahirapan ang pamilya ni Rosa paniwalaan ang kakayahan niyang harapin ang isang elite. Ngunit sa angking lakas at determinasyong manalo ng bida, walang kahit balakid ang nakapagpaatras sa kanya sa laban.

Sa umaapaw na mga asal na makukuha mo sa dulang ito ay ang umaapaw ring kagandahan ng pagkakasabuhay ng akda ni Alfar. Napapanahon ang mga dinagdag nilang elemento sa dula pagdating sa mga diyalogo, musika at sayaw na nakadagdag sa masiglang interaksyon ng mga artista sa mga manonood nito.

Ang mga ito ay may halong pop culture references kaya naman sa kabila ng pagbabalik-tanaw sa panahon ng mga kolonyalista, ang mga manonood ay nakapulot rin ng mga bagay na alam at naiintindihan nila, iba man ang kanilang henerasyon kay Rosa.

Nabuksan din ang diyalogong patungkol sa diskriminasyon sa pisikal na anyo, partikular sa uri ng katawan. Sa pamagat pa lang ng dula, lantad na ang balintunang pagsasaayos nito. Sa positibong pananaw, nakakapukaw sa interes ng masa dahil mapapatanong sila kung paano nga ba nanalo ang isang babaeng mayroong malaking katawan sa karera.

Samantala, ang reaksyon ng mga tao ukol sa pamagat ay patunay na hanggang ngayon, hindi pa rin pantay ang pagtingin sa iba’t-ibang uri ng katawan, lalo na sa mga kababaihan. 

Kung ang bida ay isang maliksing lalaki na nanalo sa karera, kapukaw-pukaw ba ito sa masa? Marahil hindi, sapagkat ito’y kasing normal na lamang katulad ng pag-inom ng tubig araw-araw. Ngunit dahil ito ay kwento ng tagumpay ni Rosa, isang babaeng mayroong malaking katawan, tila isa itong espektakulo o milagro.  

Maganda rin bigyang pansin ang pangingibabaw ng kalalakihan sa maraming uri ng palakasan, kasama ang pakikipagkarera. Marahil ay naitatag noong unang panahon pa lang na ang tanging papel ng kababaihan ay magsilbi sa kalalakihan at sa kanilang pamilya.

Bagaman nagkaroon na ng progresibong mga hakbang sa pagpapabilang ng kababaihan sa palakasan, hindi pa rin pantay ang pagtingin sa kanila.

RELATED: The Middlegame: The struggles behind a queen’s gambit 

Isa rin itong manipestasyon na hindi lingid sa kaalaman nating lahat na upang makasunod sa karera ng buhay, nararapat sa mga babae na lawakan ang mga hakbang o liksihan ang pagtakbo.

Ang tagumpay na tinatamasa ng kababaihan, tulad ni Rosa, ay bunga ng kanilang pagpupursigi at matapang na pakikipaglaban para sa kanilang karapatan. Ngunit hindi dahil ito ang nakagisnan ay ito na rin ang dapat makagawian. Patuloy dapat ang panawagan sa mga karapatan ng kababaihang dapat nilang natatamasa.