Nakapila ang mga kahel na traysikel sa bungad ng isang subdivision sa Barangay Sta. Monica, Quezon City. Pare-pareho ang anyo ng mga ito, maliban sa isang motor na nagsusumigaw ang kulay ng upuan–pinaghalong rosas at itim na may malaking mukha ni Hello Kitty.
Ang namumukod-tanging motor na ito ay pagmamay-ari ni Ate Kaye–ang nag-iisang babaeng tricycle driver sa toda.
Kada araw, bumabangon si Ate Kaye, 38, ng alas-kwatro ng umaga para ihanda at ihatid ang mga anak sa paaralan. Pagkatapos nito ay magsisimula na ang kanyang biyahe sa kalsada bilang service driver ng mga estudyante. Sa hapon naman, magtatrabaho siya bilang tricycle driver hanggang maubos ang mga pasahero. Siya rin ang itinuturing na ‘nanay’ ng mga ka-toda—kasama sa pagluluto, paglilinis, at minsan pa nga ay suma-sideline si Ate Kaye bilang manghihilot.
Matagal nang kabisado ni Ate Kaye ang pasikot-sikot sa daan, maski ang timpla ng gulong at manibela. Ang pamamasada kasi ang naging paraan niya para buhayin ang anim na anak.
Noong kasagsagan ng COVID-19, bisikleta ang gamit niya at ng kanyang asawa sa pag-iikot upang makabenta ng gulay. Subalit humina ang kanilang kita nang lumuwag ang lockdown at nakakalabas na muli ang kanilang mga suki. Dahil dito, kailangan niyang maghanap ng panibagong paraan upang kumita.
“Sa tingin ko kasi [ang pagmamaneho] pa lang ‘yung kaya ko [na matutuhan]. Parang naeenganyo akong kumita […] wala naman kasi akong pinipiling trabaho,” ani Ate Kaye.
Matapos kumbinsihin ang asawa na turuan siyang magmaneho, natutuhan agad ni Ate Kaye kung paano magpaandar ng motorsiklo sa loob lamang ng dalawang araw at ng traysikel naman sa loob ng isang linggo. Bilang isang service driver, bitbit niya sa kanyang tricycle ang mga estudyante papuntang paaralan, patungo sa pagtupad ng kanilang mga pangarap. Nang maglaon, naging saksi siya sa bawat kuwento at lakbay ng mga pasahero sa kaniyang komunidad bilang tricycle driver.
“‘Pag gusto mo rin kasi, mabilis ka rin matututo eh. Determinado [akong] matuto para kumita ng akin lang din,” saad niya.
Sa kabila ng sipag at determinasyon ni Ate Kaye sa arawang biyahe, wala pa ring kasiguraduhan kung may mauuwi siyang sapat na salapi para sa kanyng pamilya. Kapag mailap ang mga pasahero ay umaabot lamang sa P500 ang naiuuwi niya. Sakto na raw ito para sa gas, boundary, at kaunting hapunan.
Sa bihirang pagkakataon naman na sakay niya ang swerte, dama niya ang mabigat na sling bag na puno ng kumakalansing na mga barya. Kung pagsasamahin, aabot ang kanyang arawang kinikita sa isang libo. Malaking bahagi nito ay inilalaan sa baon ng kanyang mga anak, at kung may matira ay itinatabi para makabili ng gamit sa kanyang traysikel tulad ng Hello Kitty na seat cover.
Ngunit bukod sa hindi tiyak na kita, marami pang balakid ang sumasalubong kay Ate Kaye sa kanyang pagbaybay sa lansangan.
Isa na rito ang kanyang katawan na nanghihina at kumikirot dahil sa bigat ng motor at timbang ng pagod. Gayunman, kahit anong sakit, bumibiyahe pa rin siya upang may maiuwi sa mga anak.
“January nang magkasakit ako… [P]inilit ko talaga magbiyahe kasi sabi ko nauubos na rin [‘yung savings ko]… Kahit hilo-hilo na ako, ginawa ko pa rin ‘yung responsibilidad ko sa mga service ko, sa mga anak ko,” saad niya.
Minsan na rin niyang naging problema ang mga kapwa-drayber. Kuwento ni Ate Kaye, isang lalaking drayber ang humamon sa kanya ng suntukan habang siya ay nagse-service. Inakusahan kasi siya na nangunguha ng pasahero sa rutang nakatalaga sa ibang toda.
“Nagkasagutan kami,” ani Ate Kaye, “Sabi ko, ‘Dapat hindi mo ako ginaganyan. Porket babae ako, akala mo […] hindi kita papatulan? Masyado mo akong minamaliit.’”
Hindi na bago kay Ate Kaye ang sumubok, sumadlak, at umabante. Sa pagkuha pa lang ng lisensya, dalawang beses siya bumagsak bago tuluyang makapasa. Iginapang din niya ang pagtatapos ng kanyang edukasyon sa Alternative Learning System (ALS) kahit tutol dito ang kanyang asawa.
“‘Di ko man lang naisip na ‘Ayoko na, nakakapagod pala ‘tong ganito,’” ani Ate Kaye.
Sa kanyang pagpupursigi, hindi na nakapagtatakang respetado siya ng kanyang mga ka-toda at pasahero. Animo’y hindi nauubos ang gasolina sa kanyang pagbiyahe kahit na dalawang destinasyon lang naman ang nais niyang marating.
Una, isang tahanan kung saan sigurado at suportado ang kinabukasan ng mga anak. Ayaw na raw niyang balikan ang panahong inaabot pa sila ng madaling araw na walang laman ang mesa kahihintay sa kaniyang asawang mag-uwi ng ulam. Ngayon namang nagtatrabaho na siya, hindi nga kumakalam ang sikmura ngunit wala naman siyang oras para suportahan ang mga proyekto at dumalo sa school meetings ng kaniyang mga anak.
Sila ang bukod-tanging rason ni Ate Kaye sa bawat pagsampa sa motor. “Kung iniisip ko lang yung sarili ko, bakit pa ako maggaganyan? Nag-iba na ‘yung itsura ko, nag-iba na ‘yung kutis ko, ‘di ko na naaasikaso ‘yung sarili ko,” dagdag niya.
Kaya bukod dito, may pangalawang destinasyon pa siyang nais marating—isang lipunang may sapat na espasyo para sa kababaihan.
Sa bawat pagpihit ng manibela, tila unti-unti na siyang umaarangkada patungo rito. Sa pagbalandra pa lang ng kulay rosas, isang disenyong naiiba sa propesyon na dominante ng kalalakihan, naisasawalat na ng tambutso ang tatak-babae nito sa bawat lansangan.
Sa kanyang pagsalaysay, idiniin din niya na hinding-hindi dapat “magpa-under” ang mga babae. Dito pa lang, nakalikha na siya ng sariling espasyo, isang makinang yari sa sariling abilidad, diskarte, at pagpupunyagi upang maka-overtake sa mga kalsadang matagal nang may harang para sa mga kababaihang tulad niya.
Tinutunton lamang niya ang kumpiyansa at ang hudyat sa ilaw-trapiko sa bawat biyahe upang muling umandar–hindi lang papunta sa kaginhawaan ng pamilya, kun’di pabalik sa kanyang sarili at sa kasarinlan ng kababaihan.