Pintig ng Sining

Pumipintig ang puso ng bawat Pilipino sa kamay ng mga manlilikha. Ang mga kamay na ito ang nagbibigay-kulay sa lansangan, katubigan, at pamayanan.

Gayunpaman, ang binuong sigla ng mga manlilikha ay hindi naibabalik sa kanila. Hanggang ngayon, nahihirapan pa rin silang humanap ng sariling espasyo dahil kulang ang pagpapahalaga ng lipunan sa sining.

Nahahadlangan din ang malayang paglikha ng mga itinayong harang ng industriya. Kung may oportunidad man, umaabot lamang ito sa mga manlilikhang mayroon nang pangalan. Para sa mga nagsisimula pa lamang mangarap, mailap at mapagkait ang industriya. 

Isa sa mga tumutugon dito ay ang Don’t Tell Nanay (DTN). Bilang isang artist collective, itinataguyod nila ang isang kulturang walang takot at hangganan sa paglilikha sa pamamagitan ng kanilang mga events, workshops, at community fairs.

“They really take a chance on newer artists,” ani Sasha, isang manlilikhang saksi sa inisyatibo ng DTN na gawing mas abot-kaya at inklusibo ang paglahok sa sining.

Bilang mga manlilikha, taglay nila ang tapang. Nais nilang umalpas mula sa pagkakagapos. Layon nilang kalabanin ang hindi makataong sistema. 

Kaya patuloy silang sumusubok—patuloy silang lumilikha.

Kuwadro ng Buhay-Manlilikha

Masigla, mayaman, at mataas ang kalidad—ganito inilarawan ni Edge Uyanguren, Secretary-General ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), sa mga manlilikhang Pilipino.

Kita ang mga katangiang ito sa kulturang taglay ng mga karatula ng dyip, balsang gawa sa kawayan, at mga parol. Buhat din ng mga manlilikha ang eleksyon na puno ng mga political jingles at tarpaulin. Ngunit kapag nabasa na ang karatula, nakatawid na sa tubig, dumaan na ang pasko, at natapos na ang halalan, nalilimutan na ng marami ang sentro nitong lahat—ang mga manlilikha.

Binigyang-diin ni Uyanguren na mahina at mababa ang natatanggap na suporta ng industriya ng sining dahil hindi sila tinitignan bilang mga human resource.  

“Kung meron man, very minimal eh. […] [T]initignan sila as ‘Ah kung may fiesta, sila yung visual arts natin,’ pero after that, what’s the program? There’s really no program for artists in the Philippines, it’s always individual […] siya na pagsisikap,” paliwanag niya.

Lumabas din sa isang pag-aaral ni Uyanguren na laging naghahanap ng dagdag na trabaho o second job ang mga manlilikha. Bunga ito ng hindi nakabubuhay na kita sa industriya ng sining. Sa sektor ng musika pa lamang, tinatayang mas mababa pa sa P20,000 ang sahod kada buwan.

Dahil dito, dalawa ang umuusbong na pagpipilian ng mga manlilikha: makipagsapalaran at sumubok kumuha ng oportunidad sa ibang bansa o ‘di kaya’y tuluyan nang talikuran ang industriya. 

Ang ganitong siklo sa buhay ng isang manlilikha ay hindi na kakaiba, lalo na sa Pilipinas, na kinikilala bilang isa sa may pinakamaraming creative exports sa mundo.Ngunit kahit maraming manggagawa ang malikhain, hindi napapayabong ang kanilang mga talento dahil natatali sila sa ibang trabaho, ani Uyarungen.

Bukod dito, kulang ang mga pagsisikap para mapaunlad ang edukasyon sa larangan ng sining. akaunti ang mga libreng paaralan ng sining, lalo na sa mga malayo sa sentro, ayon kay Uyanguren. Kaya naman, lumalapit mismo ang CAP sa mga lugar na ito, tulad ng mga Lumad schools, upang maituro ang sining bilang instrumento ng kritikal na pag-iisip, laban sa mga isyung hinaharap ng kanilang komunidad.

Don’t Tell Nanay

Sa kabila ng mga isyung hinaharap ng mga manlilikha, nakapagtatag ang barkada nina Lou Francia at Wax Roldan ng isang bukas at aksesibleng espasyo para sa sining. Mula sa kanilang pagkakaibigan, nakabuo sila ng isang gig production house na lumago sa anyo ng kolektibong Don’t Tell Nanay (DTN) noong 2022.

We really wanted to make a space where people felt safe enough to try new things without judgment because I feel like that’s what’s lacking in the artistic spaces right now,” saad ni Lou.

Maliit ang badyet at malaki ang kanilang pagdududa kung magtatagumpay ang kanilang proyekto, pero nanatili silang tapat sa layuning basagin ang mga pamantayang humaharang sa pakikilahok ng mga manlilikha. Mahirap mang gawing abot-kaya ang lahat ng kanilang mga inisyatibo, pinipilit pa rin nila itong makamit upang makalaya sa kultura ng nepotismo at mga art events na mataas ang upa ng puwesto.

Isang alternatibong anyo ng edukasyon ang ibinibibigay ng DTN. Nagaganap sa kanilang mga espasyo ang mga workshop para sa iba’t ibang uri ng sining. Isinusulong nito ang paglikha nang walang takot, pagbuo ng mga ideya, at pagbubuklod ng mga komunidad. Ayon kay Wax, nagiging makabuluhan lamang ang sining kapag may ugnayan ito sa kapwa at kapaligiran.

Once you’re in that space, you can feel […] na ang dami ko pang malilikha, ang dami ko pang puwedeng maging obra. So I think it’s in physical spaces that you could really be inspired by the possibilities,” dagdag naman ni Lou.

Sa ikalawang taon ng DTN, naging kanbas na ng inspirasyon ang kanilang mga proyekto. 

Marami sa mga miyembro ng DTN ang bahagi ng kababaihan, kabataan, at LGBTQ+ community. Sa espasyong inilalaan nila ay nabibigyan ang mga grupong ito ng oportunidad para maging reyalidad ang kanilang imahinasyon.

Isa sa mga proyekto ng DTN ay ang “What’s On Repeat.” Dito itinatampok ng grupo sa kanilang Instagram page ang mga musikang gawa ng mga baguhang artista, cultural workers, at iba pa.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Don’t Tell Nanay! (@donttellnanay)

Nakikiisa rin ang DTN sa mga panawagan ng masa. Isa na rito ang paglaban sa jeepney phaseout. Sa pamamagitan ng kanilang fundraising event na “Please Tell Nanay: #NoToJeepneyPhaseOut!,” ginamit ang sining para pondohan ang kampanya ng mga tsuper at mapalago ang talakayan tungkol dito.

Mayroon ding mga community fair ang DTN na layong gawing mura ang mga binebentang gawa ng mga manlilikha at gawing malaya ang espasyo para sa mga ideya at ugnayan.

Isa sa mga community fair na ito ay ang “It Takes A Village” na ginanap noong Nobyembre. Makulay ang mga ganitong uri ng fair—napupuno ng sining, pintura, libro, at guhit ang ere, mula sa mga mesa hanggang sa mga pader, maging sa suot ng mga tao. May DJ na tumutugtog upang bigyang sigla ang lugar, may workshop na nagaganap sa itaas na palapag, at may mga taong abala sa pagmamasid ng mga obra. Ang tingkad at tugtog na ito ay hindi lang mapapansin sa gawa ng mga manlilikha, kundi sa pakikihalubilo ng mga tao na siyang bumubuhay sa fair na ito.

Isa si Sasha, illustrator, mixed media artist, at graphic designer na kilala sa pangalang 02SHAKU, sa mga nakilahok sa naturang community fair. Bilang manlilikha, naging mahalaga para sa kanya ang mga espasyong ibinibigay ng DTN dahil bukod sa abot-kaya ang paglahok dito, ramdam din niya ang mas mainit na pagtanggap ng komunidad sa kanya.

Pag-amin ni Sasha, hindi mawawala ang pakiramdam na mayroong pader sa pagitan niya at ng industriya. Ngunit sa tulong ng mga kapwa-manlilikha, nakahahanap at nakabubuo ang mga katulad niya ng lugar para makalikha ng sining na sumasalamin sa kanilang tunay na identidad. 

[G]oing to places like this, parang I’ve realized na ‘wow,’ everyone, may capability or may desire or actually is an artist rin kahit ‘di nila isipin na they are,” sambit ni Sasha. 

Sa CAP, ang pangunahing layunin ay ang paggamit ng sining bilang instrumento sa pagkamulat at pagkilos. Sa DTN, ang tunguhin ay ang paglikha nang walang takot para sa iba’t ibang kulay ng pakikibaka.

Pero iisa ang pangarap ng mga artista sa dalawang grupong ito: bigyan ng malayang espasyo ang sining. Hinahabi ng mga kwento nila, sampu ng lahat ng manlilikha sa bansa, ang larawan ng industriya ngayon. Pero umuukit din ito nito ng isang imahe–isang mundong hindi mawawalan ng kulay, kultura, at kabuluhan. 

“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga artista kasi ang pagpapalaya nila sa sarili nila ay pagpapalaya rin sa bayan,” ani Uyanguren.

Sa pamamagitan ng sining, magiging malaya ang pintig ng puso ng mga Pilipino.