Ang likhang ito ay kathang-isip lamang.
“Pundido na ‘to, ‘lo. ‘Wag na ho natin isabit at baka pumutok pa.”
Tinanggal ko ang parol naming nakasabit sa ibabaw ng pintuan at bumaba na mula sa bangko. Pinulupot ko ang kurdon sa hugis bulaklak na parol.
“Dalhin mo na lang kay Gary at ipaayos. Sayang naman kung wala tayong pailaw ngayong taon, apo,” tugon ni Lolo Danny.
“Pero ‘lo, mahal maningil ‘yon si Kuya Gary. Saka na lang natin ipaayos kapag nakaipon ako,” sagot ko.
“Sayang, apo. Ilang taon na ‘yang nasa atin. Hindi ka pa natututo magsalita narito na ‘yan. Pinaghirapan ‘yan ng mama at papa mo. Pumanaw na ang Lola Josie mo pero nandito pa rin ‘yan.”
Bahagya akong sumimangot, “Hindi rin naman na ho nila makikita iyan, ‘lo. Si papa at lola nasa langit na. Si Mama, hindi naman na babalik.”
Hindi ko alam kung paano ang naging dating ng sinabi ko kay lolo, ngunit halata sa kanyang mukha ang magkahalong pagkadismaya at pagkagulat.
Totoo naman.
Totoo namang hindi na siya babalik.
Ang sabi sa amin, nahulihan daw ang Mama ko ng ilang kilong droga paglapag niya sa Hong Kong. Ang huli kong balita, nakakulong siya sa piitan doon para sa mga drug trafficker. Posibleng bilanggo na siya roon dahil hindi naman na nilalaban ng pamilya namin at ng gobyerno ang kaso niya. Wala raw kasing pera.
Hindi kumibo si Lolo Danny at pumasok lamang sa bahay. May kinuha siya sa kanyang pitaka at saka iniabot sa akin. 500 pesos.
“Ipaayos mo pa rin, John Rey…” aniya.
Magsasalita pa lamang ako ngunit inunahan na ako ni lolo.
“Sige na.”
Wala na akong nagawa kun’di kunin ang aking bisikleta na nakaparada sa tapat ng aming bahay. Inilagay ko ang parol sa likod ng bisikleta bago buksan ang gate. Ito na lang din siguro ang regalo ko kay Lolo Danny ngayong pasko—ang pagbigyan siyang mangulila sa mga yumao at naglaho naming kapamilya. Minsan ay napapaisip ako kung paano niya nakakaya iyon. Bakit ako, habang tumatanda, mas nawawalan ng pag-asa?
Limang taong gulang lang ako nang umalis si Mama para mamasukan bilang katulong sa Hong Kong. 18 na ako sa Marso.
Nakakalimutan ko na ang mukha niya. Wala na siya sa aking mga panaginip. Hindi na ako naluluha kapag nangungulila sa kanya.
Paglabas pa lang ng aming bahay, dinig na agad ang karoling ng mga bata sa dulo ng kalye. Umaalingawngaw ang tunog ng tamburin na sumusunod sa ritmo ng Sa May Bahay Ang Aming Bati.
Sa pagpapatuloy ng kanilang pangangaroling, mas lalong nanunumbalik sa akin ang aking pagkabata. Naroon ako, sa aming kalye, umaawit ng mga kantang pampasko, naghahangad mabigyan ng kahit sampung piso para makabili ng polvoron sa tindahan upang ihain sa hapag. Baka kasi gutom si Mama sakaling umuwi siya ng hatinggabi at walang tirang ulam.
Ilang minuto pa akong pumadyak para marating ang bahay nina Kuya Gary, ang matalik na kaibigan ni Papa noon. Sarado na ang kanyang pagawaan ngunit pinagbigyan pa rin niya ako dahil pasko naman daw.
O baka naman dahil matataga na naman niya kami sa singil?
“Pinalitan ko lang yung ilang bumbilya sa loob. Pero sabihin mo sa Lolo Danny mo na sukuan na ‘to, gusgusin na ang hitsura,” abiso sa akin ni Kuya Gary.
Iniabot ko sa kanya ang bayad at saka bumati, “Salamat po, Kuya Gary. Merry Christmas po sa inyo!”
Sayang ang limang daan. Pandagdag sana iyon sa noche buena mamaya. Isang linggo sa isang taon lang naman namin sinisindihan ang parol nina Mama dahil baka tumaas pa ang bill ng kuryente.
Tumigil ako sa pagbibisikleta nang makarating sa plaza sa tapat ng simbahan. Sa gitna ng ingay dala ng mga naghahabulang bata at mga maninindang nag-aalok ng lobo, dinig pa rin ang pag-awit ng koro sa loob.
Hindi ko mawari kung ano ang eksaktong kinakanta nila, subalit sa lamig ng kanilang tinig ay alam kong awiting pampasko iyon. Dumiretso ako paloob.
Mamayang alas-onse pa ang misa subalit unti-unti nang napupuno ang mga bangko. Maraming mag-anak, mga magkasintahan, at may iilang mga taong nais mapag-isa.
Nagtungo ako sa pinakamalapit na luhuran at ipinatong ang parol sa bangko. Pinagmasdan ko ang mga imahen sa altar bago mag-antanda at ipikit ang aking mga mata.
Matagal na naming tradisyon sa pamilya na dumalo sa siyam na araw na pagdaraos ng Simbang Gabi. Nitong mga nakaraang taon, bihira na lamang ako masamahan ni Lolo dala ng kanyang gout.
Sinusubukan ko pa ring tapusin ang bawat misa sa pag-asang matutupad ang aking hiling sa ika-siyam na gabi.
Walang kasiguraduhan ang mga dasal ko, ngunit patuloy pa rin akong nananalig.
Ayun na lang kasi ang magagawa ko—ang umasa at maghintay.
Matapos muling mag-antanda ay tumungo na ako sa gilid kung saan nakasaksak ang isang malaking bentilador. Pasimple kong isinaksak ang parol upang malaman kung muli na itong gumagana.
Bahagya akong napangiti nang makita ang patuloy nitong pagkutitap. Salitan sa pag-ilaw ang mga bumbilyang kulay pula, dilaw, at luntian. Tila isa itong bituing kumikislap at nagkakalat ng liwanag sa paligid.
Tinanggal ko agad ito sa saksak bago pa ito mapansin ng mga taong dumadagsa na paloob. Ibinaling ko ang tingin sa pinakadulong bangko kung saan isang tao lang ang nakaupo—isang babae. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang koro, sinusubukan sumabay sa pag-awit ng mga ito.
Nagkatagpo ang aming mga mata. Maliit ang kanyang mukha, hanggang balikat ang haba ng buhok, may pagkapango ang ilong, at may biloy sa kanang pisngi.
Hindi ko namalayan ang katagalan ng pagtitig ko sa kanya. Para akong sanggol na kinikilala ang taong nasa aking harapan. Sinusubukan ko siyang pagmasdang maigi sa kabila ng patuloy na pagharang ng mga taong dumaraan sa pagitan namin.
Kamukha niya ang isang tao na dati ko lamang nakikita. At dati ko lamang kilala.
Doon ko naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Parang may kung anong namumuo sa aking lalamunan.
Hindi ko alam, pero sigurado ako.
Kaharap ko na si Mama.