Kasabay ng pagtilaok ng manok ang pagkalangkang ng kalderong gumigising sa katamihikan ng bukid. Isang malambot na palad ang sumasalok sa bigas–marahang sinasalat ang bawat butil at sinusukat ang tamang dami ng tubig.
Sa pagsalang ng kaldero sa apoy, nagsisimulang kumalat ang halimuyak ng bigas. Kalakip nito ang simoy ng hanging-palay-palay, tiyaga ng nag-ani, at lambing ng nagluluto. Pagkatapos ng ilang minuto, handa na ang sinaing kaya’t maingat niyang inilalapag sa mesa ang mga kubyertos.
Ang banayad na kamay na abalang naghahain sa hapag-kainan ay ang parehong kamay na bumubungkal ng lupa at nag-aani ng saka. Kasabay pa nito ang pagtaas ng kaniyang kamao, dala ang mga plakard ng pakikibaka para sa kaniyang identidad, kalupaan at karapatan.
Iyan ang buhay ni Amirah Lidasan, “Ate Mek” kung tawagin ng mga taong malapit sa kaniyang puso—isang babaeng Moro, lider at pesante.
Ugat ng Pakikibaka
Bilang katutubong Moro, hindi tagu-taguan, langit-lupa o tumbang preso ang bumuo sa kabataan ni Ate Mek. Bagkus, ang umukit sa kaniyang mga alaala ay ang madalas nilang paglipat ng tahanan dahil sa paulit-ulit na pagpapaalis o pagbobomba sa kanilang lupang ninuno.
“Kalakhan talaga ng mga kababayan namin ay mga magsasaka, at ‘yung iba pa nga ay victims ng pagpapalayas sa lupa,” aniya.
Dulot nito, malaking hamon ang hinarap niya sa paghubog at pagpapahayag ng kaniyang kultura na unti-unting nabubura kasabay ng pagkawala ng kanilang lupain. Paano nga ba nila payayabungin ang kanilang kultura kung maging ang lupang dapat sanang maging lunsaran nito ay patuloy na ipinagkakait?
Malinaw na bakas ng pagkabura ng kanilang identidad ay ang pagkawala ng kanilang matigas na himig ng katutubong wikang Danao, na napapalitan ng mas malumanay na bigkas ng Tagalog.
Ngunit sa sariling pamamaraan, sinisikap ni Ate Mek na palitawin ang kaniyang pagkakakilanlan. Maingat niyang ibinabalot sa kaniyang mukha ang dilaw na hijab na lumilitaw sa ibabaw ng luntiang blusa na tumatalukbong sa kaniyang katawan. Kasama nito, ang kaniyang malong na isinusuot bilang pambaba ay pinalamutian ng iba’t ibang burda na sumisimbolo sa mayaman nilang kultura.

Sa gitna ng paulit-ulit na pagsalakay at pagyurak sa kanila, bitbit ng mga Moro ang takot na sila’y tuluyang mabura—hindi lamang sa sariling lupain, kun’di maging sa pambansang kamalayan.
Subalit hindi sila nagpadaig sa takot. Dahil ang mismong pangambang ito ang naging ugat ng pakikibaka ni Ate Mek at ng kaniyang mga Morong kababayan.
Sa Kabilang Dako ng Sakahan
Magtanim ay ‘di biro.
Isa ito sa mga kilalang awiting bayan tungkol sa karanasan ng mga Pilipinong magsasaka. Sa ilalim ng tirik na araw, sama-sama silang nagtatrabaho upang magkaroon ng maihahain sa hapag-kainan.
Ibinahagi ni Ate Mek ang karanasan niya at ng iba pang mga kababaihan sa pagsasaka. Bagaman madalas na pinamumunuan ng mga kalalakihan ang gawaing ito, may malaking tungkulin pa rin ang kababaihan sa food production at sektor ng agrikultura.
“[Ang mga babae at lalaki], pareho lang silang magsasaka, pareho silang may kaalaman,” sabi niya.
Tuwing may giyerang hinaharap ang komunidad, naiiwan ang mga kababaihan sa sakahan. Dalawa sa kanilang pinakatungkulin ay pag-aalaga ng mga hayop at pagprotekta ng kagamitang pambukid sa gitna ng sunod-sunod na pagsalakay.
“Nagkakaroon ng malaking role ang mga babae dahil sa giyera. And men, kung hindi sila inaaresto [at] pinapatay, ay sumasama sila doon sa group na lumalaban sa atrocities na ito. Naiiwan sa kababaihan ang kalakhan ng trabaho,” kwento ni Ate Mek.
Kasabay ng kanilang mga tungkulin, dama rin ang kanilang paghihirap dulot ng patuloy na pang-aabuso ng estado sa porma ng development aggression sa mga katutubong lupain sa Mindanao. Kabilang dito ang mining operations at infrastructure projects na ipinapakete bilang simbolo ng pag-unlad, subalit ang tunay na kalakip nito ay walang habas na pangangamkam sa likas-yaman ng mga Moro.
Sinimulan noong 1979 ang hydroelectric programs sa Lake Lanao upang matugunan ang mahigit 50% ng kabuuang pangangailangan ng kuryente sa Mindanao. Ngunit ayon kay Ate Mek, kalakhan ng kuryente at resources ay hindi naman napakikinabangan ng mga residente.
Pinakikinabangan ng mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga proyekto ang likas-yaman upang
makakuha ng mas malaking pondo mula sa mga dayuhang kumpanya at mas mapalawak ang kanilang operasyon, ani Ate Mek.
Sa paglipas ng panahon, mas nagiging malinaw na tanging mga politiko at higanteng korporasyon lamang ang binubusog ng mga proyektong ito, habang ang mga ninunong ninakawan ay nananatiling nakatanghod sa katiting na progresong ipinangako.
Paglilinaw ni Ate Mek, hindi naman ipinagdadamot ng mga katutubo ang kanilang mga likas-yaman.
“Hindi [pagdadamot ng natural resources] ang rason kung bakit lumalaban [kami] sa gobyerno. Pinoprotektahan namin ang aming future, kasi inuubos ito ng mga korporasyon na pinapayagan ng gobyerno na mag-extract ng mga gold, mineral ore, at magtayo ng dams for energy [gamit ang] ating mga [natural] resources,” aniya.
Mahirap at paulit-ulit man ang ganitong kalakaran, mababakas sa boses ni Ate Mek ang tapang at lakas ng loob na ipagpatuloy ang kaniyang adhikain bilang babaeng nagsisilbing representasyon ng mga Moro.
Sa patuloy na pagsasawalang-bahala sa mga panagawan ng mga Moro at iba pang katutubo, naging mas matikas si Ate Mek na sumubok makakuha ng espasyo sa senado sa ilalim ng Makabayan Coalition.
Hinahangad ni Ate Mek na matulungan ang kanilang komunidad na aabot din sa pagtulong sa sambayanang Pilipino. Isa sa kaniyang mga inihaing plataporma ang pagtataguyod ng karapatan, kapayapaan, at kultura para sa mga kapwa katutubo.

Malayong paglalakbay na ang natahak ni Ate Mek. Mula sa kaniyang tahanan sa Maguindanao kasama ang pamilya at ang maliit na komunidad, nasaksihan niya ang iba’t ibang klase ng ligaya at paghihirap.
Sa bawat hakbang, dala-dala niya ang kaniyang mga panawagan, dahil hindi matatapos ang laban ng kanilang komunidad hangga’t hindi nakakamtan ang hustisya at pagkilala sa kanilang mga karapatan sa buhay at lupain.
Mula sa pagbubungkal ng lupa, pagsasaka, at paghahain sa hapag, litaw ang kalinga at dalisay sa mga kamay ng kababaihang Moro. Subalit ang mga palad na ito rin ang ikinukuyom at itinataas sa ere, sabay ang pagkalampag sa mga panawagang matagal nang pinapangarap na marinig.