Nanulasok ang simoy ng karagatan pagsalampak ng pisngi ni Rustene sa buhangin ng dalampasigan. Kasabay ng lagapak ang gadaliring tansong tumalsik sa tabi ng isang kabibe. Makintab din ito gaya ng pinagbahayan ng lamandagat. Ngunit pasilindro ang hugis. Umuusok-usok. At wakwak ang bukana.
Sa takot na paputukang muli, napadapa na lamang si Rustene Leoncio, 17, matapos padaplisan ng bala ng isang armadong ahenteng sumugod sa kanilang lupaing ninuno sa Brgy. Bugsuk, Balabac, Palawan nitong Hunyo 29. Tauhan diumano ito ng Bricktree Properties, isang subsidiyaryo ng San Miguel Corporation (SMC).
Nilusob ng 13 lalaki ang 38-ektaryang isla ng Sitio Marihangin, ang nalalabing tirahan ng mga katutubo limampung taon makalipas ang pangangamkam ni Danding Cojuangco, isang kroni ni Marcos Sr. at dating pangulo ng SMC, sa 10,821 ektarya ng Brgy. Bugsuk.
Giit ng mga katutubong Molbog at Cagayanen, ang nangyaring pagsalakay ay pakana ng korporasyon na ngayo’y pinamumunuan na ni Ramon Ang, upang palawakin ang 5,568-ektaryang “eco-tourism project” na nakatakdang itayo sa inangking barangay.
Mula Hunyo, dumami pa ang bilang ng mga pribadong tauhang pumalibot sa kabahayan ng mga residenteng ngayo’y walang habas na tinitiktikan ng drones, hinaharangan sa sariling barangay hall, at pinipigilang pumalaot. Naging dahilan ito ng paglisan ng 30 sa 158 na mga pamilya sa isla.
BASAHIN: Palawan IPs Face Harassment by Alleged San Miguel Corp Personnel
Ngunit sa patuloy na pamamayagpag ng komersyalisasyon sa bansa, isang kurot lamang ang Marihangin sa mga lupaing nilalamon ng mga proyektong nakakubli sa huwad na kinang ng kaunlarang may kaakibat na panggigipit sa mga katutubo’t magsasaka.
Mahigit 3,500-ektaryang bukirin sa San Jose del Monte (SJDM), Bulacan ang kinakamal ng negosyanteng si Greggy Araneta III, ang bayaw ni Pangulong Marcos Jr. sa kapatid niyang si Irene. Kali-kaliwang pagpatay at pagpapagiba sa kabahayan ng mga pesante ang ipinangsemento ng oligarko sa mga imprastrakturang itinayo nito sa lungsod mula 1999.
Sa presensya ng 80th Infantry Batallion (IB) sa mga sakahan ng SDJM mula Hunyo hanggang Agosto nitong taon, hindi bababa sa 20 ang naitalang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasakang nagtitinda ng kanilang ani sa isang bagsakan market.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pinaligiran ng 80th IB ang mga taniman sa SJDM, pinagbantaan ang mga magsasaka nito na aarestuhin at dudukutin, at puwersahang pinasuko ang ilang kasanib ng mga progresibong kilusang biktima rin ng kaliwa’t kanang redtagging.
Masasabing dumadaluhong ang dahas sa SJDM kasabay ng pagdagsa ng mga proyektong komersyal sa lungsod na binigyang-insentibo ng itinatayong MRT Line 7, ang unang riles na mag-uugnay sa Bulacan at Kalakhang Maynila.
Ayon sa Comprehensive Land Use Plan ng SJDM, 78% na ng kabuuang converted agricultural zones sa siyudad ang nailaan para sa “special development.”
BASAHIN: Peasant groups decry human rights abuses, land-grabbing against Bulacan farmers
Pangil
May pagsasabwatan ang estado at mga kapitalista sa likod ng pangangamkam ng lupa: pinadudulas ng gobyerno ang pagsusulong sa mga proyektong itinitindig ng naglalakihang mga korporasyon.
Halimbawa, dalawang araw bago sinalakay ng mga sugo diumano ng Bricktree Properties ang Marihangin, magkasamang dumalaw ang mga kinatawan ng SMC at Department of Agrarian Reform (DAR) sa isla upang ipaalam sa mga residente nito na aalisin na ang proteksyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa kanilang sitio.
Isinabatas ang CARP noong 1988 upang itaguyod ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno. Layon din nito na protektahan ang mga pesante mula sa laksa-laksang pagmamay-ari ng mga panginoong maylupa sa pampubliko at pribadong lupaing agrikultural.
Ngunit bunsod ng mga probisyong ikinabit ng mga oligarkong nakaupo sa Kamara, kumiling na sa interes ng namamayaning iilan ang CARP na dapat sana’y nakasandig sa kapakanan ng masa.
Kaya sa kabila ng sari-saring pananim na inaani ng mga katutubo sa Marihangin, iginiit ng DAR na hindi angkop pangsaka ang lupa sa isla, alinsunod sa limitasyon ng CARP.
Hindi nalalayo rito ang hinagpis ng mga Aeta at mambubukid sa Porac, Pampanga na nabakwit noong 2005 sa kalagitnaan ng konstruksyon ng Subic-Clark-Tarlac Expressway, isang proyektong sinimulan ng Ayala Land Incorporated at pinondohan ng isang dayuhang banko.
Sa parehong taon, hinubad ng DAR ang proteksyon ng CARP sa 754-ektaryang lupaing dalawang siglo nang sinasaka ng mga katutubo sa Porac. Sinundan ito ng mga pagpatay, pagpapalayas, arbitraryong pag-aresto, at iba pang mga pagyurak sa karapatang pantao mula sa kampon ng mga kapitalista at pwersa ng estado.
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga pangangamkam gaya nito ay sinusuhayan ng mga teknokratang dinudulugan ng mga negosyante. Isang halimbawa nito ang pagsuporta ng mga Ayala sa mungkahi ng ekonomistang si Raul V. Fabella na tuluyan nang buwagin ang CARP.
Maliban sa DAR, dawit din ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pagpapairal ng pangungulimbat ng lupa—ang pangunahing ahensyang inaasahan sanang sumanggalang sa karapatan ng mga katutubo.
Noong 2015, sapilitan diumanong kinuha at minanipula ng NCIP ang Free, Informed and Prior Consent (FIPC) ng mga katutubong Tumandok ng Jalaur River, Iloilo para sa konstruksyon ng isang “killer dam” project na nagbabadyang magpalayas ng 17,000 residente.
Ito rin ang sinapit ng mga katutubong Dumagat-Remontado ng Sierra Madre sa kamay ng NCIP upang mabigyang-daan ang kasalukuyang konstruksyon ng Kaliwa Dam, isa sa mga proyekto ng “Build, Build, Build” program ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
At kung tila hindi pa sapat ang pagkukuntsabahan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, may pagbabalikatan din ang mga korporasyon at lokal na pamahalaan bitbit ang komersyal nitong mga interes.
Isa sa mga manipestasyon nito ang pag-endorso ng administrasyon ng Balabac sa panukalang proyekto ng Bricktree Properties sa Brgy. Bugsuk nitong 2023. Saad ng dokumento, walang natanggap maski isang pagtutol ang kumpanya mula sa barangay, kahit daan-daan nang mga katutubo ang nagpahayag ng kanilang mga hinaing.
Noong 2012 naman, sa kabila ng kawalan ng FIPC ng mga residente ay pinaupahan ng dating alkalde ng Balabac ang mga pangisdaan ng mga katutubo sa Jewelmer Corporation, isang luxury pearl producer na itinatag ng kapatid ni Cojuangco na si Manuel Cojuangco.
Pagpiglas
Bagaman patuloy na bumabaon ang mga pangil ng kaunlarang nililok ng kuko ng naghaharing-uri, matutunton sa pakikibaka ng mga magsasaka at katutubo ang pagbalikwas sa bangis ng pagkakasakmal.
Samot-saring mga komunidad ng pesante ang nakikiisa sa mga “bungkalan,” o kolektibong pagsasaka, bilang pagkilos. Sa bungkalan, sapilitang nililinang ng mga magsasaka ang mga lupaing sinasamsam sa kanila ng estado, mga panginoong maylupa at mga korporasyon.
Sila’y kumukumpol din sa mga “bagsakan”—mga palengkeng nagbibigay-espasyo sa mga manggagawang-bukid upang diretsahang makapagbenta ng kanilang ani nang walang patong na bayad mula sa mga tagapamagitan.
Bumubuo naman ng mga koalisyon ang mga katutubong ninanakawan ng lupaing ninuno. Isang halimbawa nito ang SAMBILOG – Balik Bugsuk Movement na kinabibilangan ng mahigit 600 pamilyang mamamalakaya sa Balabac. Itinatag din ang Stop Kaliwa Dam Network na lansakan naman ng iba’t ibang grupong nagpapatinis sa hinakdal ng mga katutubo sa Sierra Madre.
Gayunpaman, hindi nakukulob sa iilang sektor ang pagpupumiglas laban sa panggagahaman ng estado at mga kapitalistang handang sumunggab sa muling pagkati ng palad.
Nagpapatuloy ito sa masa. Dahil hangga’t mailap ang tunay na repormang agraryo, patuloy na dadanak ang dugo sa militarisadong kanayunan at lalong lalabo ang pag-asang mailuluwa ang mga nilamong lupa.

