buhangin bato gutom
kalamnan tiyan bala
dugo
pawis paltos
ama
ina bata
bangkay sugatan duguan
lansangan bomba pagsabog
mga larawang nakuha ko
sa digmaan ng bayan
sa bayang pinagkaitan
ng lupa at kalayaan
inipon kong lahat
ang retrato ng katotohanan
ngunit nang sumuong akong muli
sa entablado ng pakikipagsapalaran
sa tadhana ng dayaan
sa nakatakda ng kinabukasan
bigla na lamang sumabog
ang kalapit kong hukluban
takbo
bilis
bilis
takbo
paano ko pupunasan
ang kamera ko
na nabahiran ng sigaw at pangamba
ng dugo at mga oda
ng mga ginilitang leeg
patungong paglaya
paano ko pupunasan
ang pulang likido
sa bawat parte ng aking katawan
kung ang aking braso at mga kamay
ay hindi na mahanap
at natabunan ng pagkitil ng
karapatan at kalayaan
ngayon,
wala nang pupunas sa aming kamera
wala nang kukuha ng aming retrato
bagkus lalong patuloy pa itong matatalsikan
ng mga dugong nagpapapahayag
kung paano nagugutom ang mga tao
sa disyerto ng pagguho
dahil lahat kami ay ‘di na makapagsasalita
at hindi na rin makakakuha ng larawan
nang
b u h a y at b u o
nang
masaya at
kumpleto.
bagkus bago pa namin makuha
ang larawan ng mga bata
kami muna ang babagsak
at maliligo sa dugo
bago pa namin mailathala
ang buong katotohanan
lalamunin muna ng disyerto ang
aming kamera at mga katawan
at tanging ang mga piraso na lamang ng buhangin
ang makaaalam
ng aming mga nawawalang pangalan

