Urong-sulong ang yabag ng mga taong labas-pasok sa tarangkahang panay lunok at luwa sa mga pamilyang panandaliang mananatili sa lugar ng mga lumipas. Pansamantalang titigilan ang mga nitso’t puntod na kay tagal nang pinamumugaran ng mga alaalang balot ng tamis at pait.

Matapos ang ilang oras, manunumbalik sa katahimikan ang pook na dinalaw ng kaingayan. Mga huni ng kuliglig ang siyang mananaig sa oras na lumisan ang mga bisitang iniiwasang dumalaw sa kanilang huling hantungan.

Nagbabago’t lumilipas ang estado ng mga sementeryo — maliban sa mga pamilyang pinipiling mamuhay sa lugar ng mga patay.
Sa loob ng dalawang araw, milyon-milyong katao ang nagtitipon sa mga sementeryo, tulad ng Manila North Cemetery, upang mag-alay ng panibagong bulaklak at makabawi sa mga oras na nawalay mula nang maghiwalay ang landas ng mga naulila’t sumakabilang-buhay.
Lingid sa kaalaman ng nakararaming bumibisita na sa milyon-milyong dumadagsa, ilang daan dito ay ang mga tindero, sepulturero at tagapaglinis na katabi ng mga yumao sa pagtulog.

Lingid din sa kanilang kaalaman na ang lugar na minsanan lang nilang puntahan ang tanging tahanan ng halos 1,000 pamilyang nabubuhay kasama ang mga patay.

Malawakang kahirapan at kawalan ng tirahan sa lungsod ang nagtulak sa mga pamilya papasok sa kapanglawan ng Manila North Cemetery. Kabilang dito si Tita Villarosa na nagsimulang mamuhay sa pook ng mga patay noong taong 1985.
“Noong una, natatakot ako. Sabi ko, hindi naman tirahan ng buhay ito, [kundi] tirahan ng [mga] patay, ‘di ba?’”
Subalit, ang mga agam-agam na ito’y agaran ding naglaho sa paglaon ng panahon at pagsanay sa sarili.

Walang inaalalang renta ang mga residenteng tulad ni Nanay Tita. Liban sa tubig, ilaw at kuryente, libre ang pagtira sa loob at tabi ng mga mausoleo, puntod at nitso — basta’t ang kapalit nito’y ang palaging paglilinis ng kanilang hiniram na tahanan mula sa mga yumao.
Nakasanayan na nina Nanay Tita ang paninirahan sa Norte. Hindi na nila alintana ang kakatwang adres ng kanilang tahanan.
“Minsan nagtataka [‘yong mga delivery rider], talaga po bang sa loob?’, ‘Oo, nakita mo ba address ko? Mayroon kaming street number.”

Kaiba kay Nanay Tita na lumipat sa Norte kasama ang kanyang asawa, sa loob ng sementeryo lumaki at nagkamuwang si Ofelia Agpaoa. May bahay man siya sa Krus na Ligas, sa Quezon City, mas pinipili niyang manirahan sa sementeryo.
“Nandito hanapbuhay ko eh. Hindi makakapagtapos sa mga pag-aaral ‘yong mga apo ko [kung umalis ako]. Nagtitinda ako, [tapos] ‘yong iniigib kong tubig, may kitang P800 araw-araw. Malaking bagay na ’yon, ‘di ba?”

Walang kaso kay Nanay Ofelia pumaloob at pumaligid ang mga yumao sa kanilang tahanan. Malaking bagay ang kapayapaan ng mga namayapa sa kanilang pamumuhay sa Norte.
“[Sa] Krus na Ligas, ‘di ba, may bahay kami. Nandoon ‘yong magkakamag-anak kayo, magkakatabi, nandoon ‘yong nakikialam. [D]ito [sa Norte], hindi, eh.”
“Pag-akyat namin du’n sa second floor, bubuksan namin TV, electric fan, [tapos] matutulog kami.”

“Kapag may patay, may búhay,” ani Nanay Tita.
Sa Norte, ikinabubuhay ng marami ang pag-aalaga sa mga pumanaw. May mga residenteng naglilinis at nag-aasikaso ng hanggang 60 puntod, habang ang iba’y nagtatayo ng nitso, o nagbubuhat at naglilibing ng mga kabaong.
Walang kaiba sa lungsod ang hanapbuhay ng mga taga-Norte. Kabi-kabila ang mga nagtitinda sa sari-sari store, o nagbebenta ng tubig at kuryente mula sa sarili nilang igiban at submeter.

Sa paglipas ng panahon at pagdami ng mga residente, unti-unting umusbong ang diwa ng komunidad sa Norte.
Sa pangunguna ni Nanay Tita, naorganisa ang higit sa isang libong pamilya sa “Samahang Manggagawa at Tagapag-alaga ng Norte.”

“Dati hindi ito [Norte] ganito. Parang gubat ito,” ani Nanay Ofelia. Ngunit ngayon, ang Norte ay mayroon nang maliliit na mga paaralan, simbahan, tindahan, tahanan at higit sa lahat, magkakaagapay na kapitbahayan.
Tuwing Undas o kapag may dumadalaw sa mga yumao, kusang hinahanap ng mga residente ang kapwa taga-Norte na nangangalaga sa puntod nito.

“From place to place, tatakbo [sila] kasi ’yon lang ‘yong time para [humingi ng] bayad,” ani Nanay Tita.
Araw-gabi rin silang nagsasalitan sa pagbabantay sa mga tahanan laban sa sapilitang pagpapaalis ng mga pulis.

Kaakibat ng pamumuhay sa Manila North Cemetery ang pagsunod sa tagapangasiwa ng lugar.

May mga pagkakataon tuwing malapit na ang Undas kung saan rumoronda ang kapulisan sa mga kabahayan bilang bahagi ng taunang Oplan Galugad.
Ang paggalugad ay minsan nahahaluan ng pang-aalipusta. Tila naghahanap ng ebidensya ng umano’y krimen at halos galugarin pati ang buto’t abo ng yumao.

“Ginising [ng pulis] ‘yong mister ko, [sabi] ‘Hoy, labas, bawal matulog.’ Sabi ko, senior na kami. Pero nanghihingi pa sila ng approval o ng pagpapaliwanag,” ani Nanay Tita.

Hango sa kaisipang ‘kriminal ang mga taga-Norte’ ang pag-aasta ng maraming pulis bilang diyos na nagdidikta ng kabuhayan at kasalanan.
Iilan sa mga taga-Norte mismo ay inaresto batay sa mga akusasyon at maling akala. Naging duguang daanan ng mga pinosas at pinaslang ng kapulisan ang Manila North Cemetery noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Lalagyan [sila] ng pulis ng drugs. Mayroong nagbulong sa kanila, although hindi naman [totoo],” ani Nanay Tita. “May mga illegal ditong tao na hindi talagang taga-dito [kaya] nadadamay lang sila doon sa pagdayo-dayo ng mga tao [na] dito nagkakanlong.”

Sa mga liblib na lugar ng sementeryo naganap ang mga karumal-dumal na pagkamal ng karapatang pantao ng mga inakusahan at hindi pa nasintensyahan.
”Ginawang killing field [ang Norte] na kunwari itatakbo sa Chinese General [Hospital] ‘yong tao kasi nga nabaril, pero ‘yon namang tricycle na pagsasakyan [ay] parang planado na slowly [mamamatay],” ani Nanay Tita.
Sa kapatagan ng mga namayapa, libo-libo ang nanakawan ng hininga, at libo-libo ang patuloy na nasasakal ng ereng iniwan ng administrasyong Duterte.

Bagaman wala nang “lisensiyang pumatay” ang mga kapulisan, tila naroroon pa rin ang “lisensiyang mapanupil.”
Hanggang ngayon, nakasandig sa mga mahigpit na batas at administrasyon ang mga taga-Norte. Damang-dama ito tuwing papalapit ang Undas, kung saan regular ang mga Oplan Galugad at ang paghuli sa mga residenteng lumalabag sa kanilang ordinansa.

Gayunman, ang patuloy na pamumuhay ng mga residente sa Norte ay nagsisilbing tahasang pagsuway sa mga inhustisyang naganap dito.
Ipinagmamalaki ni Nanay Tita na siya ang nanguna sa pagkilala sa karapatan ng mga residente na magkaroon ng maayos na tirahan.

“Nakikita ko ‘yong batas — no demolition without relocation. Hinahanapan ko sila [mga residente] ng relocation. Nag-insist ako, may consent kami ng owner ng mausoleo.”
Dagdag pa, agarang winawaksi nina Nanay Tita at Nanay Ofelia ang maling akala ng mga bisitang nakikiusyoso. Anila, ang mga dayo’t tagalabas ang kadalasang nakakaapekto sa reputasyon ng mga pamilyang payapang namumuhay sa Norte.

Malaki ang epekto ng pagkakait ng pagkilala sa mga residente ng Norte. Madalas kutyain ng mga kaklase’t katrabaho ang mga residente malaman lang nilang naninirahan sila sa sementeryo.
“Ang multo namin [ay] ‘yong mga holdaper. Lahat ‘yan. Kasi nga [nakatatak] sa isip ng mga tao, ‘ah, ‘yong mga taga-Norte na ‘yan, iyan ‘yong mga smuggler.’ Lahat ng masasamang iniisip nila, kami [raw] ‘yon,” ani Nanay Tita.

Matagal nang hangarin ni Nanay Tita na mag-iba ang mababang pagtingin sa mga taong pare-pareho namang nagsusumikap na makaangat sa buhay. Mula rito, nagbunga ang kanyang adbokasiya — ang pagkakaroon ng edukasyon ng kabataang Norte.

“Sasabihin ng mga parents dito noon, lalo na ‘pag lalaki, ‘‘wag ka na lang [mag-aral], tutal nakapag-Grade 3 [o Grade 4] ka naman, puwede ka na lang hindi magtuloy [at] tulungan mo na lang ‘yong papa mo as grave diggers,’ para [raw] double ‘yong compensation,” ani Nanay Tita.

Sa lugar ng mga patay, binuhay ni Nanay Tita ang pangarap ng kabataang Norte na mag-aral. Sa tulong ng mga organisasyon, marami sa kanila ang naging iskolar hanggang sa kolehiyo.
Umabot pa sa United Nations Headquarters sa Amerika ang panawagan ni Nanay Tita para sa pantay na pagtrato sa mga residente ng Norte.

“Ang gusto ko ay ‘yong kung ano ‘yong progress ko, kung ano ‘yong nasa isipan ko [na] nakapag-aral ako, [maibahagi ko]. Narating ko ‘yong hindi ko naman inaakala. Sino bang mag-aakalang ipadala ako sa New York for delegation, ‘di ba?”

Kaparehong ligaya rin naman ang nadarama ng mga residente sa pagdiriwang nila ng kaarawan o Kapaskuhan.
“Kung ano naman ding kinakain [nila], nakakain din naman namin eh” ani Nanay Ofelia. “Kung ano ‘yong pasko ng labas, ‘yong mga nakabagong damit, mga batang [naglalaro], ganoon din dito.”

Inihahain ang mga pagkain sa kabaong-hapag habang isinasabit ng mga paslit ang parol sa tarpulin ng namayapa.
“Nag-birthday nga [rin] ang seven-year-old [dito]. Dito ‘yong pagkain, tapos may nagsasayaw sa lugar; nagvi-videoke kami,” ani Nanay Tita.

Sa gitna ng mapanghusgang mga mata at pabago-bagong panahon, marami pa ring pinipiling manirahan sa Norte.
“Sinasagot ko lang sa kanila, ‘Dito ka rin dadalhin, aabangan kita rito kasi pinupulaan mo kami,’” ani Nanay Ofelia.
Mahirap nga namang iwanan ang tahanang may pakikiramay sa iisang danas ng buhay — ang tahanang katabi ng kaluluwang saksi sa mga karanasang humuhubog sa pagkatao, mula sa unang hininga hanggang sa huling hantungan.

