AI, Ganu’n?: Kaunlarang Pasanin sa Silid-Aralan

Bumibigat ang mga yabag ng mga haligi ng edukasyon sa bawat pasaning bitbit nila tuwing papasok sa silid-aralan. Magdamag nilang sisikaping pukawin ang interes ng mga estudyanteng inaantok, nagugutom o nabuburyo. At paglabas ng silid, mananatiling nakabuntot sa kanilang mga hakbang ang pabago-bagong hamong dala ng kanilang tungkulin.

Subalit maski ang mga haligi ay naghahangad din ng masasandalan. Sa tangkang ibsan ang kanilang pasanin, tila ginhawa ang pagpasok ng isang makabagong nilalang sa bilis ng kanyang tugon — isang grasyang bihirang ipagkaloob sa mga haliging puyat, pagod at nangangapa. 

Nitong Enero, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Accelerating Governance and Adapted Pedagogy through Artificial Intelligence (AGAP.AI), isang pambansang training program para sa “AI skills” ng mga Pilipino na layuning pormal na maihabi ang artificial intelligence (AI) sa edukasyon. Dinidiin nito ang karunungan ng mga mag-aaral, guro at mga magulang sa “responsable” at “malikhaing” paggamit ng AI sa paaralan. 

Sa pagpapatuloy ng  pagpapatibay ng suporta sa edukasyon, kaakibat nito ang lumalalang kakapusan ng pasilidad sa mga pampublikong paaralan at sa kompensasyon ng mga guro. Hindi rin pantay ang akses pagdating sa kasalukuyang estado ng imprastrukturang digital, habang ang kasalukuyang polisiya’y nananatiling arbitraryo. 

Sa hangaring gamitin ang AI sa pagpapaunlad ng edukasyon, tila hindi isinasaalang-alang ang mas mabigat na tungkuling itinatalaga nito sa mga makikinabang umano rito.

Sang-ayon dito si Alwin Aguirre, isang propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon. “The faculty or the educator is left to decide how to deal with these things [AI], especially when they become more difficult and more complex.” 

Nangingibabaw pa rin ang mga kahirapan sa pagbabalanse ng mga probisyon sa paggamit ng AI sa pagtuturo at pagkatuto ng mga estudyante. Kalakip nito ang samu’t saring konsiderasyon sa epekto ng AI sa mga estratehiya sa pag-engganyo sa mga estudyante, at sa pagpapanatili ng talas ng kanilang kaisipan. 

“It demonstrates how we are still so unsure about discussing how to handle the entry of AI in the educational context. And as educators, it adds to the work,” saad ni Aguirre. 

Ang sumisilip sa silid

Sa yapos ng kanilang ikalawang magulang pumupunta ang mga estudyanteng may agam-agam sa mundong kanilang ginagalawan. 

Habang sila’y niyayakap ng mga braso nitong pumapawi sa pagod na dulot ng walang tigil na pag-uusisa, nakasilip mula sa awang ang isang makinaryang dala ang gabundok na tugon sa kanilang mga tinatanong at itatanong pa. 

Isa ang Pilipinas sa mga bansang maagang tumanggap sa AI. Noong 2021, itinatag ang National AI Roadmap bilang batayan sa pagsusulong ng AI sa iba’t ibang larangan. Sa sangkap ng edukasyon, nilalayon nitong paunlarin ang kakayahan ng AI sa pagsasalin ng mga lokal na wika sa pagtuturo gamit ang mga AI language-learning models. 

Gayunpaman, talamak na ang paggamit ng GenAI sa mga estudyante at maski sa mga guro. Madalas itong pumapasok sa pagsusuri ng sulatin ng mga mag-aaral.

Dama ito ni Eunice Miña, isang guro ng Effective Communication sa Senior High School. “Nasa style siya ng writing. Makikita mo talaga na nawawala ‘yong personal touch. Nagkakaroon kami ng AI check, ‘yong TurnItIn, pero kasi ang struggle dun is hindi siya totally reliable.”

Giit ni Miña ang epekto nito sa mga estudyante, kung saan tila nawawaglit ang pagsisikap nila sa bawat dudang nanggagaling sa AI. “Ipapasok ng students [ang mga papel nila] dun [sa AI checker], tapos siyempre pinaghirapan [nila] yung mga gawa nila, [kaya] magrereklamo sila.”

“Ako as a teacher, siyempre [alam kong] process yung writing and nakikita ko yung writing style ng student. [Kaya] medyo nagda-doubt din ako kay AI kasi alam ko[ng] magaling yung student magsulat,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, naapektuhan din ng pagpasok ng AI ang mga mekanismo sa pagtuturo at paglilinang sa kakayahan ng mga estudyante. 

Pansin ito ni Denise Sanchez, isang first-year na estudyante mula sa UP Kolehiyo ng Arte at Literatura, “Our teachers made us recite more verbally, [so] it still engages the students’ minds without having to be reliant on AI, because you can’t use [it] while you’re presenting.”

“I understand that the teachers want us to use every tool that we can to our advantage, but at the same time, [still] be able to think for ourselves,” dagdag niya.

Nangunguna pa rin ang layunin ng mga guro na mapukaw ang kaisipan ng mga estudyante, sa halip ng makinaryang tila pumapatag sa bawat hantong ng edukasyon. Sa gayon, patuloy ang pagsisikap ng mga estudyante sa pagkatuto. 

“One way or another, nakikita ko pa rin naman sa students ngayon [na] they still try na magsulat,” saad ni Miña. “Kailangan lang nila ng validation.” 

Samantala, para kay Aguirre, kailangan pa ring masusing suriin ang pagtulong ng AI sa mga mag-aaral. 

“The kind of instrumentality that we use as a perspective in understanding AI [in education] is quite limiting in trying to see how it impacts our lives [and] the way we see ourselves as human beings with a rapidly changing technology,” aniya.

Sa tanaw ng pisara 

Sa halip na pagpapagaan ng AI sa samu’t saring trabahong ipinagkaloob sa klasrum, para sa isang estudyanteng nasa dulo ng silid, palabo nang palabo ang marka ng tugon sa kanyang mga tanong. Sa halip na sulat ng chalk, mga linya na ng code ang nakapaskil dito.

Bilang kauna-unahang pambansang balangkas ng “ethical and responsible use” ng AI sa edukasyon, isinusulong ng AGAP.AI ang mga modyul sa pagsasanay para sa mga guro tulad ni Miña. 

“We were actually given [a] required AI training that would certify us as ‘Gen-AI experts,’” saad ni Miña.

Subalit, giniit din niya ang pagbibigay-priyoridad sa angking pagkatuto ng mga estudyante. Aniya, mas mainam na bigyang-suporta ang mga guro sa paghasa ng kanilang kasanayan sa halip na iasa ang kanilang tungkulin sa AI. 

“Doon din magse-stem ‘yong [request na] sana tinutulungan din kami ng government [and] the institutions para hindi kami [maging] dependent sa AI,” dagdag ng guro.

Sinesegundahan din ito ni Asst. Prof. Tristan Orbeta mula sa UP Kolehiyo ng Edukasyon. Para sa kanya, mahalagang suriin ang mga kakulangan ng AI sa pagtuturo pati na rin ang pagpapanatili ng kritikal na boses ng mga guro.

“Minsan hindi niya [AI] alam kung paano i-rationalize [o] i-justify ‘yong pagkakatahi ng learning progression,” ani Orbeta.

Katuwang nito ang patuloy pa ring lumalawak na puwang sa aksesibilidad ng digital resources para sa mga estudyante at guro sa iba’t ibang rehiyon. 

“If we’d like to implement or to adapt AI as a part of learning in the formal educational system, the entire educational system or the entire structure of education should change,” saad ni Aguirre. 

Para sa kanya, ang unang hakbang sa integrasyon ng AI sa edukasyon ay ang pagtugon sa suliranin ng akses. “Because you are integrating technology in your education, [you should] ensure that everyone will have [e]quitable access to technology. Otherwise, you will fail a large part of the student sector.”

Paskil sa lumalabong koda sa pisara ang maraming salik na nagtatakda sa tunay na paghahabol sa loob ng klasrum. Alay nito ang di-pantay na katayuan ng hinaharap niyang silid.

Ang tinig ng pluma

Sa pagpapatibay ng AI integration sa edukasyon, tila naaapektuhan na rin ang paglinang ng wika at kultura. 

Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika nitong taon, inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino  ang temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Layunin nitong kilalanin ang ugnayan ng AI at wikang Filipino sa pananaliksik. 

May kakayahan mang magsalin ang AI, hindi nito nagagawa ang gampanin ng mga guro bilang tagapaghatid ng mga sosyokultural na pagninilay at pagsusuri. 

Subalit, sa patuloy nitong paglikom ng kaalaman sa wika at kulturang Pilipino, hindi malabong magaya na rin ng AI ang kritikal na pag-iisip na likas sa mga guro. Sa katunayan, ibinahagi ni Prop. Schedar Jocson, tagapangulo ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, na nagsisimula na nga ang pagsulong na ito. 

“Mayroon nang kakayahan ‘yong AI na makalikha ng mga akda at kritikal na essay,” ani Jocson. 

Ngunit dagdag niya ay kapansin-pansin pa rin ang kawalan ng pagkamalikhain sa mga tugon ng AI. “‘Yong unang implikasyon niyan [paggamit ng AI sa pagsusulat] ay nililimit[ahan] mo ‘yong creativity [ng] tao.”

Sa MATATAG Curriculum na inilunsad noong ika-30 ng Enero 2023, ipinagpalit ang mga asignaturang inang wika sa isang pangkalahatang kurso sa “Language.” 

Makikita rin na mas binibigyang-pansin ng kurikulum ang pagpapatibay ng karunungan sa agham at matematika. Dahil dito, naiiba rin ang antas at pokus ng AI integration sa iba’t ibang asignatura, bagay na sinasang-ayunan ni Miña. 

“Iba-iba rin naman kasi ‘yong mga learning objectives,” aniya. “Pero kasi, ang parating pinaglalaban ng English subject area is writing ‘yong skill na ine-enhance namin, so if we allow AI, ano na lang ‘yong [ma]ituturo namin sa students?”

Bitbit din ng AI ang mga pagbabago sa kompetensiyang pinupukaw ng mga guro, kung saan binabago nito ang katayuan ng pagsusulat bilang sukat ng pagkatuto. 

“More of thinking na kami, less of the writing — to really evaluate how they can think without the help of AI,” dagdag ni Miña.

Diin naman ni Orbeta na kalakip ng pagsusulat ang paghimok din ng pag-iisip. “Maganda sana kung ang role [ng AI ay] supportive. Pero kapag ‘yan ay papalitan na ‘yong mga necessary thinking skills nung mga estudyante, sobrang ekis ako.” 

Sa kasalukuyan, limitado ang kapasidad ng AI sa pagpapayaman ng pagkatuto sa wika at kultura, lalo na sa paglinang ng kaisipang lumalampas sa akademikong pamantayan. Sa pangangalaga ng talas ng kaisipan, nanlilisik ang lubhang kapalit nito.

“Ayun ‘yong pinaka-trade-off niya eh: convenience, tapos masasalin talaga ‘yong critical thinking mo,” dagdag ni Orbeta. 

Sa gayon, tila pumupurol ang talas ng kaisipang binubuo sa loob ng silid, dala ng pagpapagaan ng AI sa bigat ng mga prosesong teknikal at matagal hasain. 

Sa haligi ng klasrum

Nakakatukso ang ginhawang iniaalay ng isang makinaryang nagpapabilis sa bawat aspeto ng pagtuturo. Tiyak na maraming haligi ng pagkatuto ang sasandig sa katibayang inaalok nito sa tulad nilang magdamag na nakatayo, nagtuturo at nag-iisip.

Subalit, tuluyan na nga ba itong mamamahay sa pisara at sa pag-iisip sa loob ng silid-aralan? 

Sa binubuong polisiya ng DepEd para sa integrasyon ng AI sa edukasyon, nagbabago ang papel ng guro. Ngayon, bitbit nila ang gampaning mangasiwa sa AI bilang instrumento sa pagkatuto.  

Sa pagsisilbi ng mga guro bilang “facilitators,” kailangang linawin kung saan nagtatapos ang suporta ng polisiya at ng AI. 

“Ang pinaka-importante is paano i-integrate ‘yong teacher, kasi it’s still a question of how. [I]ba [rin] ‘yong pag-integrate ko ng AI sa pag-integrate ng [AI ng] ibang teacher,” saad ni Orbeta. 

Bukod sa mga bag na puno ng kagamitang nagbibigay ng kaalaman, pasan din ng guro ang bigat ng pakikibagay sa nagbabagong kurikulum ng edukasyon. Sa tuluyang pakikihalubilo ng AI sa kanilang tungkulin, lalo lamang bumibigat at bumabagal ang kanilang yabag papasok sa silid-aralan.

“Ang hirap lumugar if pabago-bago ‘yong curriculum, and then [biglang] we want to insert AI [habang] hindi mo pa naso-solidify ‘yong most essential ones,” ani Miña.

Sa pagbubuo ng landas patungong kaunlaran, ang mga pangakong sinusulat sa pisara ay inaangkop sa kanyang pinagsisilbihan. Sapagkat ang teknolohiya ay isang kasangkapan, sa halip na isang pasan sa bawat sektor. 

“The real thinking is going to be up to us,” saad ni Sanchez. “If we want a bright future, we need to start with the students.” 

Pumasok na ang nilalang na papatag sa mga kalbaryong danas sa loob ng silid-aralan, ngunit tumatagos sa pasya nito ang kalabuan sa hangganan ng kanyang tugon. Sa gayon, patuloy ang paghahanap ng mga guro ng sandigang masasandalan, bunsod ng paghahanda sa kinabukasang maaaring agawin ng isang malabong koda.