Sa likod ng pista, nag-aabang ang trahedya

Ilang beses ba kailangang mamatay ang isang bayan bago matuto ang mga taong naninirahan dito na kumawala sa pang-aapi?

Sa dami ng beses na pinag-aralan ng mga Pilipino ang Noli Me Tangere, halos kabisado na natin ang kuwento bago pa man ito simulang itanghal. 

Kilala natin ang binatang babalik mula Europa upang kitain ang dalagang minamahal niya, harapin ang mga paring mapang-abuso at pagalingin ang bayang unti-unting nilalamon ng sarili nitong kabulukan. 

Ngunit sa Fiestas y Muertos, muling binubuksan ng Dulaang UP ang kuwentong matagal nang nagpapaalala na patuloy pa rin ang trahedya.

Sa direksyon ni José Estrella at halaw ni Andrew Estacio, itinanghal ang Fiestas y Muertos mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 15, 2026, sa IBG-KAL Theatre, UP Diliman. Isinasadula ng produksyon ang nobela ni Jose Rizal sa pamamagitan ng dalawang magkasalungat na mukha ng San Diego: ang magarbong pagdiriwang ng mga pista, at ang tahimik na pagkabulok ng bayang pinamumugaran ng korapsiyon, pang-aabuso at pagkukunwari.

Kapansin-pansin na ang entablado sa pagpasok pa lamang sa mundo ng dula. Nakatayo sa likuran ang malaking larawan ng simbahan, nakamasid sa bawat kilos ng mga tauhan. Sa harap nito nagaganap ang mga pagdiriwang at paghihirap ng mga mamamayan. Higit sa pagiging tagpuan, nagsisilbi rin itong paalala sa kapangyarihan ng simbahan sa lipunang kinatatayuan nito. 

Binubuhay ng mga ilaw, musika at indak ang bayan ng San Diego sa Fiestas y Muertos — maingay at makulay sa isang banda, ngunit bumibigat at mangingilabot sa susunod. 

Sa likod ng suliraning bumabalot sa San Diego, ipinalalalim din ng adaptasyong ito ang pagkatao ng mga karakter na matagal na nating nakilala sa mga pahina ng aklat.

Pinakamalinaw itong masisilayan kina Crisostomo Ibarra at Maria Clara. Ang Ibarra sa dula (Jerom Canlas) ay hindi lamang seryoso at idealistang binata. May mga sandaling nakatutuwa ang kaniyang pagiging inosente at kawalan ng kamalayan sa kalupitang naghihintay sa kaniyang pagbabalik. Sa halip na isang perpektong bayani, nakikita ng mga manonood ang isang taong may hangaring baguhin ang lipunang hindi pa niya lubos na nauunawaan.

Samantala, malayo sa imahen ng isang dalagang ‘di makabasag-pinggan — masigla, mapaglaro at may angking dignidad ang Maria Clara sa dula (Justine Peña). Hindi nawawala ang kaniyang paninindigan at kakayahang magpahayag ng saloobin, na nagpapakitang hindi kailangang isantabi ang pagiging masiyahin upang seryosohin ng lipunan.

Sa bawat pagtatagpo ng magkasintahan, mas madali nang makita hindi lamang kung paano sila nagmamahalan, kundi kung bakit mas masakit ang kanilang sinapit sa pagtatapos ng dula.

Maging si Pilosopo Tasyo ay nagkaroon ng ibang anyo, na isinalin ng dula sa katauhan ni Inay Dorang (Peewee O’Hara). Sa kabuuan ng dula, nagsisilbi si Inay Dorang bilang tagapagtala ng kasaysayan ng San Diego upang mabasa at maunawaan ito ng mga susunod na henerasyon. 

Bagama’t nabigyan ng panibagong mukha, hindi nawala ang pagiging mapanuri at kritikal ni Pilosopo Tasyo. Nagsisilbi si Inay Dorang bilang sisidlan ng mga alaala ng bayan, katulad ng mga historyador na nagtatala’t sumusuri sa kasaysayan upang hindi ito malimutan ng bayang malaki ang utang na loob sa nakaraan. 

Mismong ang Noli Me Tangere ay manipestasyon ng pagtatangkang ito ni Rizal. Sinasalamin ng mga pahina ng kanyang nobela ang lipunang kaniyang kinagisnan upang maunawaan at mapagnilayan ito ng mga susunod na salinlahi. 

Kapansin-pansin ang haba ng mga monologo ni Inay Dorang, lalo na tuwing lumalapit sa kaniya ang mga tauhang tulad nina Ibarra at Salome upang humingi ng payo. Sa mga tagpong ito, higit na lumilitaw ang kaniyang papel bilang tagapuna ng lipunan. Ngunit sa labas ng mga tagpong ito, bahagyang nalilimitahan na ang kaniyang presensiya.

Gayunman, unti-unting nababakbak ng mga pahayag ni Inay Dorang ang mapagdiwang na balat ng San Diego upang ilantad ang mga sakit na nakatago sa ilalim nito. Paulit-ulit na ipinakikita ng dula kung paano ginagamit ng makapangyarihan ang relihiyon, kayamanan at posisyon upang pagsamantalahan ang mga mamamayan. 

Hindi sapat sa mga mananakop ang hayagang pang-aapi sa mga Pilipino;  pinaghihiwalay rin sila ng mga ito upang mas madali nilang mapanatili ang kapangyarihan. Sa halip na magkaisa laban sa maniniil, lumalala lang ang hidwaan sa kanilang hanay.

Nakakapangilabot ang pagiging pamilyar ng mga tema sa dula. Paulit-ulit na ipinapaalala ng produksyon ang mga sakit ng lipunang hindi natin tuluyang nagagamot at tanging mga mukha at pangalan lamang ng mga nasa kapangyarihan ang nagbabago. 

Sa kabila ng matalas na paglalahad ng mga isyung ito, may iilang tagpong nagpapaalala na hindi rin perpekto ang dula. May mga eksenang masyadong mahaba at mga diyalogong paulit-ulit sa pagpapaliwanag ng mga puntong naipakita na sa mga naunang tagpo. Bagama’t tila sinasadya itong idikdik upang siguradong tumatak sa manonood ang mensahe ng kawalang-pagbabago, hindi maiwasang mabawasan ang bigat at tensyon ng ilang eksena dahil sa labis na pagpapaliwanag.

Hindi man lubusang perpekto ang daloy, sa mga sandaling nagsasama-sama ang mga elemento ng entablado, naipapakita pa rin ng produksyon ang simbolismo ng materyal ni Rizal makalipas ang higit sa isang siglo.

Kinakatawan ng mismong pamagat na Fiestas y Muertos ang siklo ng buhay na inilalarawan ng dula. Sa likod ng makukulay na kuwentong nagbibigay-buhay sa fiestas, nakakubli ang muertos — ang mga buhay na winasak, mga pangarap na ipinagkait at mga taong hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong piliin ang sarili nilang wakas.

Sa bawat pagtatanghal, tila tinatanong muli ni Rizal, hanggang saan na nga ba ang narating ng lipunang kaniyang sinulatan? 

Sa Fiestas y Muertos, nagiging salamin ng kasalukuyan ang kaniyang nobela, habang ang mismong adaptasyon ay nagiging paraan upang muling suriin ang mga pagbabagong hinahanap natin bilang isang lipunan.

Marahil iyon mismo ang dahilan kung bakit paulit-ulit pa rin itong kinukuwento: dahil ang trahedya ni Rizal ay hindi lamang trahedya ng nakaraan. 

Nagdaan na ang 139 na taon; hindi pa rin natin kayang isara ang aklat at sabihing tapos na ang lahat.