Sa lupa ng alaala, sisibol ang kalayaan

Sa paghimlay ng labi ni Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani, aagnas ang lupang nawalan ng hininga sa pagbuhat ng kanyang mga sala. Mismong krus sa kanyang ibabaw ay matutumba — sapagkat isang kalapastangan ang itabi ang banal sa diktadurang walang habas na pinaslang ang kalayaan. 

Gabi-gabi, marahil hinuhukay ni Marcos Jr. ang bangkay ng kanyang ama. Aalisin niya ang mga bulateng namumugad dito at pupunuin ng patabang binayaran ng bilyon-bilyong buwis ang lupang ayaw tubuan ng ani o bulaklak. 

Pagsapit ng araw, ipapalamon niya sa sambayanan ang bunga ng “Lupang Marcos” upang masuka nila ang aral ng kasaysayang hindi nila masikmura. Gagawin nila ang lahat para lamang makumbinsi ang sambayanan na masagana ang ibinubunga ng apelyidong Marcos. 

Ngunit ang mga pagbaluktot na ito ay guguho sa isang maragundong hiyaw ng “Never again. Never forget.”

Umaalingawngaw ang panawagang ito sa Bantayog ng mga Bayani. Dito, nabibigyang-dangal ang kinabukasang inukit ng mga pangalan sa Wall of Remembrance at ang sambayanang tulad ni Inang Bayan na walang kapagurang nagkakalinga sa masa upang abutin ang kalayaan.

“Buhay ang Bantayog”

Itinatag ng Bantayog ng mga Bayani Memorial Foundation ang Bantayog ng mga Bayani matapos ang 1986 People Power Revolution. Pinasinayaan ang Liwasang Inang Bayan at Wall of Remembrance noong Nobyembre 30, 1992, at binuksan ang Jovito R. Salonga Building, o ang museo, noong 2007.

Pinangangalagaan ng Wall of Remembrance ang alaala ng mga martir at bayani noong rehimeng Marcos, habang ang Liwasang Inang Bayan ay sumasagisag sa sambayanang nag-aasam ng kalayaan.

Sa pagsasatao ng kasaysayang tinatangkang baluktutin ng estado, naipapadama ng Bantayog ang pakikibakang likas na nananalaytay sa dugong Pilipino.

Ang yugtong akses

Upang mulatin pa ang mga Pilipino at patibayin ang demokrasya, kasalukuyang sumasailalim ang Bantayog sa tatlong yugto ng rehabilitasyon sa tulong ng Quezon City Government.

Ayon kay May Rodriguez, executive director ng Bantayog ng mga Bayani Foundation, nakatuon ang unang yugto sa accessibility ng Bantayog habang ang ikalawa at ikatlong yugto naman ay nakasentro sa edukasyon. 

Kabilang sa unang yugto ang alpabetikong pagsasaayos at pagpapalawak ng Wall of Remembrance upang magkasya ang higit sa 500 na pangalan.

Ang pinalawak at inorganisang Wall of Remembrance. Larawan ni Summer Palanca

Kasama rin sa renobasyon ang pagpapaganda ng museo, pagbaba ng pader na naghihiwalay sa Liwasang Inang Bayan at Wall of Remembrance at pagpapalit ng mga bakod sa paligid ng Bantayog. 

Mga panibagong bakod sa paligid ng Bantayog. Larawan ni Summer Palanca

Kasabay nito ang mga praktikal at ingklusibong hakbang, tulad ng pagpapatag sa dating bako-bakong sahig at pagdaragdag ng mga ramp para sa persons with disabilities (PWD).

Rampa para sa mga PWD. Larawan ni Summer Palanca

Ang yugtong edukasyon

Tinatayang 1,500 hanggang 1,800 ang bumibisita sa Bantayog kada taon. Ayon kay Rodriguez, madalas dumarami ang mga bisita tuwing mga buwan ng mga makasaysayang pangyayari, tulad ng Pebrero at Setyembre.

Kaya naman nakatuon ang nalalabing yugto ng rehabilitasyon sa pagtataguyod ng mas kaakit-akit at interaktibong Bantayog para sa mga bisita, partikular na sa kabataan.

“Ang reality ng mga kabataan ay grabe ang humihila sa kanila sa ibang interests,” saad ni Rodriguez. “‘Yong mga eskwela, hindi rin naman sila nagiging interesting pagdating sa history, hindi [rin] tinuturo ‘yong tungkol sa dictatorship.”

Bilang tugon, nag-iimbita ang Bantayog ng mga saksi sa diktadura. Naniniwala si Rodriguez na ang pagsalubong ng magkaibang henerasyon ay nagbibigay-daan upang maisiwalat ang pagkakapareho ng mga administrasyon nina Marcos Sr. at Marcos Jr.

“Ine-explain namin na ‘yong image-building ni [President Marcos Jr.], gayang-gaya sa kanyang ama. [N]oong panahon ni Marcos, mayroon silang kanta, [b]agong logo ng lipunan [at] libro,” aniya. 

KAUGNAY: [EDITORIAL] Logos won’t cover up failed leadership, Marcos Jr.

Layunin ding makumpleto ang mga monumento sa pook, tulad ng natitirang 14 sa 18 na modelo ng mga desaparecidos, bilang biswal na gabay sa mga bisita. Ang mga hakbang na ito ay nakatuon sa pagiging ganap na museo ng Bantayog. 

“Even just ‘yong Wall of Remembrance, [‘pag] nakikita mo, puwede mo nang ipaliwanag [kung] sino ba ‘yong mga ‘yan [at] bakit ang mga pangalan nila andiyan. ‘Yong iba kilala, ‘yong iba hindi kilala [at] bakit may pangalan na hindi kilala,” sabi ni Rodriguez.

Apat sa labing-walong monumento ng desparecido. Larawan ni Summer Palanca

Bukod dito, isinasaayos din ang daanan mula sa pasukan para ang Liwasang Inang Bayan ang unang makita pagpasok sa Bantayog. 

Ang daanan mula sa tarangkahan tungo sa Liwasang Inang Bayan. Larawan ni Summer Palanca.

Kasabay rin ng pisikal na rehabilitasyon ang patuloy na paglinang ng kanilang website na naglalaman ng mga saliksik at kuwento ng mga nakatala sa Wall of Remembrance upang lalong ilapit ang mga tao sa kasaysayan.

Salat ng “golden age”

Subalit sa kabila ng mga plano, balakid pa rin sa rehabilitasyon ng Bantayog ang kakulangan sa pondo. Ayon kay Rodriguez, wala pang nasisimulan sa ikalawa at ikatlong yugto nito sapagkat nasa proseso pa sila ng aplikasyon para sa pondo mula sa Quezon City Government.

Maaprubahan man, nakalaan lamang ang pondo para sa mga planong pag-unlad. Hindi nito kayang tugunan ang mga gastusin sa operasyon at pagpapanatili.

Bigo ring makalikom ang Bantayog ng target na P50 milyon noong 2024. Sa ngayon, kumakapit ang Bantayog sa mga donasyon at sa kita mula sa kanilang merchandise at cafe.

Merchandise stall sa loob ng museo. Larawan ni Summer Palanca

“Ito [museo] is supposed to be earning something for us. We are spending more time and more [activities] na nag-ge-generate ng donations, nag-e-engage kami ng projects,” ani Rodriguez

Bukod sa pagkaantala sa rehabilitasyon, napapansin din ang kakulangan sa pondo tuwing malakas ang ulan.

“Nabibiktima kami dahil itong [Jovito R. Salonga] Building ay luma na. Marami kaming disruption sa aming operasyon kasi lahat ng documents namin dapat naka-plastic [at] tinatabi namin kasi baka mamaya mabasa na naman,” ani Rodriguez.

Sirang bubong na pinagtutuluan ng tubig sa Jovito R. Salonga Building. Larawan ni Summer Palanca

Tira-tirang galamay ng diktadura

Disenyo ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ildefonso Santos Jr. ang Bantayog, kaya  itinuturing itong “Presumed Important Cultural Property” ayon sa Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009. Bagama’t protektado ng batas ang awditoryum at ampiteatro, malabo ang saklaw nito sa iba pang lupain sa lugar. 

Ayon kay Rodriguez, nakasandig lamang ang Bantayog sa 50-taong pangungupahan sa lupaing pagmamay-ari ng Landbank. Sa kasalukuyan, 12 taon na lamang ang natitira bago ito muling dumaan sa proseso ng renewal. Gayunpaman, binigyang-diin niya na kulang pa rin ang mga batas na ito.

Sa harap ng lumalalang disimpormasyon, hindi na rin nakaliligtas ang Bantayog sa red-tagging at trolling. Salaysay ni Rodriguez, nitong anibersaryo ng People Power Revolution, may nag-iwan ng tatlong kabaong na may markang “Ibagsak ang Bayan” sa harap ng Bantayog.

Aniya, manipestasyon ang mga ito ng lasong kumalat noong rehimeng Marcos Sr., pinalawig ng administrasyong Duterte at nananatili hanggang sa pamahalaang Marcos Jr.

“May mga times lang [na] natatago [ang panggigipit] kasi mayroon kang political situation na hindi friendly. Pero once na mayroong isang political leader that allows it, lalabas na naman ‘yong ganoong pagiging abusado,” saad ni Rodriguez.

Sino ang sasagip sa bayan?

Ayon kina Nancy Kimuell-Gabriel at Jonathan Geronimo, mga propesor ng Philippine Studies 21 (PS 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas) sa UP Diliman, namamayagpag pa rin ang atmospera ng Batas Militar dahil sa mga kasalukuyang umiiral na sistema ng opresyon.

Kabilang dito ang kontrobersyal at mapanupil na Republic Act 11479 o Anti-terrorism Act of 2020 at ang mga proyekto tulad ng Pax Silica na naglalayong pagsamantalahan ang kalikasan at yaman ng bansa.

KAUGNAY: Palahaw ng Pesante

Ayon kay Rodriguez, ang mga patagong panggigipit ng pamahalaan ay patuloy na nilalagay ang  Bantayog sa peligro. Sa gayon, nananatiling handa at mapagmasid ang Bantayog sa mga posibleng pag-atake ng administrasyon, lalo na’t dominado ang kasalukuyang kongreso ng mga miyembro at kaalyado ng dinastiyang Marcos-Romualdez at Duterte.

Ang patuloy na pamamayagpag ng mga dinastiya at politikong elitista ay pamana ng Batas Militar, ani Francis Dela Cruz, survivor ng Batas Militar at dating miyembro ng League of Filipino Students (LFS). 

Dagdag ni Dela Cruz, imbes na tuligsain ang kasakiman ng maraming politikong maka-administrasyon, nalulubog ang mga Pilipino sa utang na loob dahil sa pangangailangan. 

“We treat politics as if it’s religion. Katulad ko [na] Catholic, sinasamba natin si God, pero magdadasal ka through the intercession of [a] saint. Pero sa politika, [parang] si Marcos ang sasagip sa akin. Para masagip ako ni Marcos, dadaan ako kay [Cabinet Secretary],” sabi niya.

Bunsod nito, boluntaryong nagsisilbing tagapagsalaysay si Dela Cruz sa Bantayog ng kanyang mga karanasan noong rehimeng Marcos Sr. Aniya, ang pagtataguyod ng Bantayog sa islogan na “Never Again” ay hindi lamang limitado sa isang apelyido kundi sa pangmalawakang sistemang oligarkiya.

“We’re not just here to reminisce or try to commemorate ‘yong ating experience [of Martial Law]. We’re here so that we can draw out the experiences [and] tell the next generation what not to do and what to do,” ani Dela Cruz.

Mga Pilipino, mga kapital ng merkado

Sa kabila ng mga pagsisikap ng Bantayog, pasanin pa rin sa pag-alala sa Batas Militar ang kalagayan ng edukasyon sa bansa na patuloy na binibiktima ng neoliberalismo, ayon kina Kimuell-Gabriel at Geronimo.

Paliwanag ni Geronimo, ito ay isang sistemang may pagkiling sa mga asignaturang makakalinang ng mga puwersa sa paggawa bilang kapital na kalakal. Tinatrato nito ang kasaysayan bilang akademikong kahilingan sa halip na pangunahing kasangkapan sa kritikal na pagsusuri ng lipunan. 

Manipestasyon nito ang limitadong pagtuturo tungkol sa Batas Militar sa primaryang antas ng edukasyon at ang pagiging eksklusibo ng PS 21 sa piling kampus ng UP — sa Diliman, Los Baños at Cebu. Ayon kay Geronimo, nakabubuo lamang sila ng humigit-kumulang tatlong seksyon kada semestre na may 20 hanggang 30 na estudyante bawat klase sa UP Diliman.

Ani Kimuell-Gabriel, senyales din nito ang ipinapanukalang reporma sa General Education  kurikulum, na tangkang pagsamahin ang 36 units sa anim na kurso. 

Kasabay umano nito ang patuloy na kakulangan sa pondo sa humanidades na nagbubunga ng kakaunting guro at kakapusan sa pasilidad at materyales.

Sa ganitong kalagayan, ipinaalala ni Geronimo ang saysay ng pag-aaral ng kasaysayan. Aniya, ito ang sandata upang labanan ang mga estruktural na panlilinlang at pananamantala ng “Bagong Pilipinas.”

“Ang halaga ng pag-aaral sa kasaysayan ay maitatahi sa mga pangkasalukuyang isyu ng mamamayan [at] kontradiksyon ng ating lipunan at patuloy na pag-aambag ng kolektibong paglaban,” saad ni Geronimo.

Pag-alab ng pakikibaka

Para kay Kimuell-Gabriel, nagsisilbing panangga sa propagandang Marcos ang mga institusyon tulad ng Bantayog dahil sa mga primaryang batis na hatid nito. Dagdag naman ni Geronimo, dapat pakinabangan ang mga batis na ito upang mag-alab ang kolektibong pagkilos, sa halip na makuntento lamang sa tradisyonal na pananaliksik sa kasaysayan.

“‘Yong ibang staff [ng Bantayog] ay kalahok sa First Quarter Storm [o] sa declaration ng Martial Law. So ‘yong mga kuwentong buhay nila ay mga primary source [sa] kung paano nabuhay at nakibaka noon,” sabi ni Kimuell-Gabriel.

Tangke ng militar na pinangharang sa mga hanay noong People Power Revolution. Ang mga alay na rosaryo at imahen ng Inang Maria ay nagpasuko sa mga sundalong bumabarikada sa mamamayan. Larawan ni Summer Palanca
Ang loob ng selda ng mga detenidong politikal noong Batas Militar. Larawan ni Summer Palanca.

Sang-ayon dito si Charo Cabardo, isa ring survivor ng Batas Militar. Aniya, epektibo ang Bantayog upang maunawaan ng kabataan at ng ibang survivor ang mga kaganapang hindi nila naranasan. 

“Noong panahon [Batas Militar] na ‘yon, wala namang diyaryo [at] iilan lang ‘yong may radio station. So ‘yong communication doon, ‘yong nalalaman ng tao tungkol sa mga pangyayari ay by word of mouth lang,” ani Cabardo.

Pag-ukit ng ganda mo sa daigdig

Mungkahi ni Cabardo na magkaroon ng mga sangay ang Bantayog sa labas ng Quezon City upang mas maipakilala ang mga nagbuwis ng buhay sa ilalim ng Batas Militar.

Samantala, binigyang-diin ni Dela Cruz ang pagpapalawak sa paraan ng pag-aalala, lalo’t marami pang biktima ng diktadurya ang hindi nakatala sa website ng Bantayog. Saad din niya, ang tunay na pag-aalala ay ang pagbibigay-dangal sa mga prinsipyong isinabuhay ng mga bayani at martir. 

Sa pamamagitan daw nito, maitatanong ng taumbayan sa kanilang sarili kung sapat ba ang kanilang ginagawa para sa demokrasyang ikinamatay ng libo-libong Pilipino.

Mula rito, maging si Dela Cruz ay napapatanong: “Tama ba ang ginawa nating patalsikin si Marcos, samantalang pareho rin ang nararanasan natin ngayon, if not worse?”

“Ang inyong aktibistang supling”

Mula sa layunin ng edukasyon nina Rodriguez, Kimuell-Gabriel at Geronimo, hanggang sa pagkukuwento nina Dela Cruz at Cabardo, nangingibabaw ang iisang mensahe: inutil na gising ang sambayanang nakaaalala ngunit hindi umaaksyon. 

“Kailangan nating iparinig na ‘di natin tinatanggap [at] tinatakwil natin ang mga masamang pamamahala — marahas [at] mapanlinlang na pamamahala. At kung magsasama tayo, magiging malakas na puwersa ang mga Pilipino para magkaroon talaga ng tunay na pagbabago dito sa ating bansa,” diin ni Kimuell-Gabriel.

Mananatili nating kahanay ang libo-libong pangalang nakaukit sa Wall of Remembrance. Kabilang dito si Danilo “Danjun” Valcos Jr., isang kapwa miyembro ng LFS ni Dela Cruz, na binaril sa isang kilos-protesta noong Oktubre 21, 1985. 

Sa kanyang liham, na may lagdang “ang inyong aktibistang supling,” nakatala ang kanyang prinsipyong nagbubuklod sa kanilang panawagan: “Ang paglilingkod at paghahandog, kung walang nakaugat na pag-ibig, ay walang kabuluhan at, dakong huli, ito ay kasakiman!” 

Kapag patuloy na nagsikap ang taumbayan na palaguin ang demokrasya, balang araw, maaagnas din ang “Lupang Marcos.” Sisibol din ang bulaklak ng demokrasya. 

Kailangang ihasik ng sambayanan ang binhi ng mga taong nakikibaka at hindi natatakot. Sapagkat ito lamang ang tanging magpapatatag sa lakas ng masang paulit-ulit man nabibigo ay hinding-hindi susuko, alang-alang sa dakilang pagmamahal kay Inang Bayan.