Buhay, Bahay, Binabaha

May karapatan bang magsalita tungkol sa baha ang taong hindi kailanman naranasang malubog ang kanyang mga gamit sa putik? O kaya maglimas ng tubig palabas ng bahay? O kahit man lang lumusong sa tubig-baha sa kabila ng pangambang makakuha ng sakit mula sa mga pesteng namumutakte rito?

Marahil ay wala.

Marahil kukuwestiyonin kung maaari ba akong magsalita tungkol sa baha kung ang danas ko lamang ay maglimas ng tubig-baha at lumusong sa bahang abot hanggang bukong-bukong lang. Ngunit hamak na mas mayroon akong karapatan kaysa sa mga opisyal ng gobyerno na ang kasuotan ay mas mahal pa kaysa sa buwanang kita ng kanilang mga nasasakupang taon-taong binabaha.

Bahagi na ng buhay ko bilang Marikenyo ang pagbaha sapagkat ang lupang aming tinitirhan ay catch basin ng kabundukan ng Rizal — ang San Mateo, Montalban at Antipolo. Pagpatak ng ulan ay dumadagsa na ang mga tao para magbantay sa lagay ng ilog. Tuwing umaabot sa first alarm ang lebel ng tubig, agad na binubuksan ang mga paaralan at sinisimulan na ang pag-evacuate ng mga residente sa paligid ng ilog.

Bahagi ng Marikina River. Kuha ni Iyan Dela Cruz

Balot ng mga galamay ng delubyo ng Bagyong Ondoy, natutuhan naming mga Marikenyo na makinig sa agos ng ilog at sa daing ng lupa. Apat na taong gulang lamang ako noon nang lamunin ng tubig ang aming siyudad. Hanggang ngayon, naririnig ko pa rin ang ugong ng hangin at ang walang patid na buhos ng ulan na pilit pumapasok sa aming bahay.

Mapalad ang aming lugar dahil ligtas ito mula sa pag-apaw ng ilog. Umabot lang ang baha sa eskinita papasok ng bahay namin. Hindi ko pa lubos na nauunawaan noon ang sidhi ng pinsala ng bagyo.

Ngunit noong 2020, mas naintindihan ko ito nang muling umapaw ang ilog at ginulantang ng bagyong Ulysses ang lungsod. Pinalabas ng tubig ang mga tao sa kanilang mga bahay na lubhang mas delikado dahil sa COVID-19. Ang online class naming pag-aaral ay tuluyang sinuspinde nang isang buwan para bigyan ng oras na makabangon kahit papaano ang mga Marikenyo.

Bilang musmos, ang banta ng pagbaha ang naging multong kinatatakutan ko tuwing dumidilim ang langit. Parati kong iniisip kung ano na lamang ang mangyayari kung sa susunod ay hindi na kami makaligtas. Paano kung kuhanin din ng baha ang mga mahal ko sa buhay? Iniisip ko pa noon na kung sa kasamaang-palad ay bahain kami rito sa Marikina, maaari naman kaming umuwi sa Tarlac kung saan ligtas kami sa baha.

Isang malaking pribilehiyo ang magkaroon ng matatakbuhan. Hindi lahat ay may ibang bahay na mapupuntahan kapag nalubog na ang isa. Maraming Pilipino ang nagtatagpi ng pira-pirasong bakal at tirang kahoy upang magkaroon muli ng masisilungan paghupa ng baha.

Ngayon, hindi ko na rin masabing makakanlong pa kami ng Tarlac kung pati ang mga tulay papunta roon ay nilalamon na ng tubig-baha.

Nakaluwas pa ako sa Tarlac isang linggo bago humagupit ang habagat noong huling bahagi ng Agosto. Nang sumilip ang araw, inabutan pa namin ang baha na isang linggo nang hindi humuhupa. Sabi ng aking ina, bahain na talaga roon noon pa man, ngunit dati’y humuhupa agad, ‘di gaya ngayong isang linggo kung mamalagi sa kalsada.

Nang muling humagupit ang habagat, bumigay ang dalawang pangunahing tulay sa lalawigan: ang Aquino Bridge at Agana Bridge. Tumawag ang lola ko nang gabing iyon — isang linggo pa lamang mula nang madaanan namin ang Aquino Bridge. Sa walong dekada niyang namumuhay sa Tarlac, hindi niya sukat akalaing mangyayari ang ganito.

Saanman ako magpunta, tila aninong sumusunod sa akin ang baha. Noong nakaraang taon, isang hapon, biglang bumuhos ang ulan habang ako’y nasa unibersidad. Wala ni isang dyip na dumaraan nang makalabas ako sa Katipunan, at wala ni isa sa mga sasakyan sa kalsada ang umuusad. Naipon ang mga estudyante sa ilalim ng overpass habang ilang taong nakapayong ang naglakad naman sa bangketa mula sa gawing palabas ng Katipunan. Hindi na raw makakatawid ang mga dyip papuntang UP, balita ng isa ay hanggang tuhod na ang tubig bandang Ateneo.

Nangamba akong ma-stranded lalo na’t pagabi na noon. Sa kabutihang-palad, mabilis namang bumaba ang tubig pagtila ng ulan kaya nakatawid din ang mga sasakyan. Nitong Agosto, dulot ng tuloy-tuloy na malakas na ulan at mabagal na suspensyon ng mga klase, bumaha ulit sa Katipunan. Kung kaya’t napalusong sa baha ang maraming estudyante — mga Iskolar na napilitang suungin ang habagat, makapasok lang sa klaseng kakanselahin din kalaunan.

Lalong lumala ang aking danas sa pagbaha makalipas ang isang taon mula nang sumabog ang malawakang flood control corruption scheme. Sa paglubog ng bansa sa lumalalim na baha, mas lalo lamang lumilitaw ang epekto ng korapsyon.

Matagal na ring umaapaw ang mga napakong pangako ng pag-aresto at paglilitis sa mga sangkot sa panloloko sa taumbayan. Mas marami pa sa mga sanga ng mga punong nagbibigay lilim sa unibersidad ang pinsala ng substandard flood control projects sa mga Pilipinong wala nang ginawa kundi magtiis.

Bahagi ng flood control project sa Marikina River. Kuha ni Iyan Dela Cruz

Sa amin sa Marikina, kahit papaano’y umayos na ang flood control. Ngunit walang pakundangan ang bahang binuhay ng katiwalian. Ang tagumpay ng Marikina ay may kaakibat namang pasakit sa mga karatig-bayan nito gaya ng Antipolo at Montalban. Maging sa iba pang bahagi ng Luzon, patuloy na nilulubog ng tubig-baha ang pira-pirasong pangarap.

Hindi malayong mas tumagal pa kaysa sa bahang dinanas ni Noah ang bahang lumulukob sa bansa kung patuloy tayong pagkakaitan ng panangga sa kalabang hindi natin matantiya.

Kaawa-awa naman kaming mga ordinaryong mamamayan lamang na sumasalo sa paniningil ng Inang Kalikasan. Hindi gaya sa Bibliya, walang Noah na gagawa ng arko at walang Moises na maghahati sa tubig na nagbabadyang lamunin ang mga lugar kung saan ako namamalagi.

Marahil ay walang karapatang magsalita tungkol sa baha ang mga katulad kong hindi pa naman nararanasang malubog ang bahay. Ngunit hindi ibig sabihin na kung hindi ako direktang apektado ng mga nangyayari sa aking paligid ay dapat na akong manahimik, magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa hirap at danas ng aking kapwa.