Dula ng unos at dambuhala: Isko’t Iska 2025

Isang tahimik na babala. Sa ganitong paraan sinalubong ng dula ang mga manonood. Sa gitna ng entablado ay nakatindig ang bundok ng Lay-a — payak, tatsulok at tila walang hinihingi sa unang tingin.

Ngunit habang tumatagal ay unti-unting tumatalas ang hugis nito.  Ang anyong iyon ang sumasalamin sa tatsulok na patuloy na yumuyurak sa mga pamayanan: tahimik at paulit-ulit.

Sa gitna ng unos ay pinapaalala ng piyesang Nang Pinatag ang Bundok na yaong gawa ng tao ang pinakamapaminsalang bagyong susuungin ng bayan. 

Muling nabuhay noong Nobyembre 19 hanggang 21 ang D.L. Umali Auditorium sa University of the Philippines Los Baños para sa ika-49 na taon ng Isko’t Iska, isang taunang dula na nagsisilbing unang pagmulat ng mga freshman sa mga suliranin ng lipunan.

Sa loob ng tatlong araw ay naging sandata ang sining para imulat ang mga estudyante sa kanilang papel sa bayan.

Sa edisyong ito ay binigyang-buhay ang Lay-a — isang piksyunal na komunidad na sumasalamin sa mga lugar na pinagsasamantalahan ang likas na yaman.

Sina Isko at Iska ang nagsisilbing kaluluwa ng pagtatanghal. Sa kanilang mga karakter at tinig humihinga ang dula, binibigyang-mukha ang danas ng mga estudyanteng naiipit sa pagitan ng dahas ng estado at ng hamon ng pakikibaka.

Binuhay ng dula ang karanasan ng isang freshman at nagmistulang pista ang entablado dala ng masisiglang awitin at sayaw na sinasabayan ng masayang tugtog ng orkestra. 

Tahimik at mapagmasid si Iska, isang tubong-Lay-a na bagong saltang nakisasabay sa libo-libong mukha sa pamantasan.

Dala niya ang pangarap ng maraming estudyante na makapagtapos para makaahon ang pamilya sa kahirapan. Naniniwala siyang sapat na ang edukasyon upang baguhin ang kapalaran. 

Nang unti-unting bumukas ang mundo ni Iska matapos makatagpo ng mga bagong kaibigan, kasabay ng makulay na buhay sa pamantasan ay ang nagbabadyang unos sa Lay-a.

Kaya’t dala ni Iska ang bigat ng isang suliraning tumatagos sa puso ng maraming iskolar ng bayan: nararapat bang ibuhos ang lahat ng kaniyang atensyon at enerhiya sa pag-aaral o bumalik para ipagtanggol ang kinalakihang bayang humaharap sa militarisasyon, panggigipit at pagpapalayas?

Sa loob ng mga tanong na ito pumasok si Isko. Sa isang payak na tagpo nila ni Iska sa silid-aralan, lumitaw ang kaniyang likas na malasakit — ang pag-alalay sa nahuhuli at ang pakikinig sa hindi napapansin. Matapang na lingkod-bayan si Isko: lider-estudyante ng kanilang pamantasan at isang guro sa komunidad ng Lay-a. Ngunit sa kabila ng kaniyang ambag sa lipunan ay nananatili siyang tinik sa lalamunan ng estadong ganid sa kapangyarihan.

Dahil sa kaduwagan at kawalan ng kompetensiya ng pamahalaan, itinuring siyang terorista. Hanggang isang araw, ang kaniyang mga yapak ay tuluyan nang napalitan ng isang mapait at malamig na katahimikan.

Ang pagkawala ni Isko ay nagdulot ng paglamlam ng entablado. Ang dating masiglang martsa ay napalitan ng mabagal at mapanglaw na himig ng biyulin — isang pag-iyak na hindi humihingi ng luha kundi pagkilos. 

Ang sinapit niya ay hindi lamang trahedya ng isang karakter, ito ay ang sistematikong pagpapatahimik sa mga nangahas na maging boses ng masa.

Ngunit sa halip na tuluyang matakot, nagsilbing mitsa ng paggising ang sinapit ni Isko para kay Iska. Dito nabasag ang kaniyang pag-aalinlangan. Napagtanto niyang ang pananahimik ay katumbas ng pahintulot sa pang-aabuso.

Habang umuusad ang kwento, unti-unting humihigpit ang atmospera sa ilaw, himig at galaw. Ang tugtog ng orkestra ay bumabagal at bumabaluktot, pilit na nag-aalis ng ginhawa.

Lumilitaw din ang mga satirikong karakter na may hulma nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Pangalawang Pangulong Sara Duterte at mga kontraktor na masigasig sa paglalako ng kanilang huwad na pag-unlad. 

Bumabaligtad ang musika tungo sa mapanuyang tugtugan sa perya habang ang pulisya at militar ay kumikilos nang mekanikal at sunud-sunuran — lantad na kasangkapan ng kapangyarihan at negosyo.

Sa kanilang mga magarbo ngunit kakatwang kasuotan, buong-yabang nilang isinusulong ang dambuhalang dam sa Lay-a, binabalot sa mga mabulaklak na pangakong interes na siyang handang lumunod sa pamayanan. Tila mga ringmaster sila ng isang trahedya — mga tagapangasiwa ng kapangyarihang ipinaiikot laban sa mga mahihina, itinatago sa anyo ng pag-unlad.

Ganito ang talas ng dula. Idinadaan sa biro ang masalimuot na realidad, ikinakanta at isinasayaw ang hinagpis ng bayan. Dahil sa satirikong pamamaraang ito, mas lalong tumatagos at nagiging malinaw ang sugat na iniiwan ng katotohanan.

Tuluyan nang naghubad ng balat ang tunay na anyo ng “unos.” Sa mga mata ni Iska, wala na itong bahid ng talinghaga matapos itong maging hubad at madugong realidad. 

Para sa kaniya at sa mga taga-Lay-a, ito ang unos ng sistematikong pagkamkam sa lupa, ang lason ng pananamantala sa bawat butil ng pawis at ang mapanirang marka ng red-tagging na tila pilit bumubura sa kanilang pagkatao at karapatan.

Ang delubyong ito ay hindi bugso ng hanging-langit, kundi marahas na hagupit mula sa kaitaasan ng kapangyarihan — isang katotohanang hindi na maikakaila para kay Iska.

Sa gitna ng ligalig, nakita ni Iska ang landas na walang pinipili. Hindi kailangang iwan ang mga libro upang ipaglaban ang prinsipyo.

Sapagkat ang talinong hinahasa ay nagiging ganap lamang kapag itinindig para sa katarungan: husay na may kasamang dangal.

Sa simula, isang marupok na pagsamo sa dambuhalang bathala ang maririnig. Ngunit sa paghulas ng dula, kasabay ng dumadagundong na orkestra ay ang pagnuot ng kilabot sa bawat manonood: ang dambuhala ay hindi isang nilalang na hihintayin nilang dumating.

Ang dambuhala ay ang masa.

Sa pagbaligtad ng metaporang ito, binabaklas ng dula ang kultura ng pag-asa sa “mesiyas” at ibinabalik ang kapangyarihan sa mga kamay ng nagkakaisang mamamayan.

Dito sumisiksik ang pamagat ng dula. Ang pagpapatag ng bundok ay hindi lamang literal na konstruksyon kundi pagdurog sa hindi patas na tatsulok ng lipunan. Hindi paninikil ang pagpatag ng masa sa tatsulok. Bagkus, ito ay paghingi ng pagkakapantay-pantay. 

Higit pa sa isang taunang tradisyon, nagsilbing hamon ang Isko’t Iska 2025 sa tunay na kahulugan ng pagiging “Iskolar ng Bayan.” 

Ipinapaalala nito na ang edukasyon ay hindi dapat manatiling nakakulong sa apat na sulok ng silid-aralan, dahil ang husay at dangal ay dapat at lagi’t laging nagsisilbi para sa masa.

Ang maging Iskolar ng Bayan ay ang pagkilala na ang ating talino ay kolektibong sandata, hindi indibidwal na salbabida. Hinubog tayo hindi para umakyat sa rurok, kundi para patagin ang tatsulok ng lipunan. 

Ika nga ng dula, “Magsuri’t mag-aral, maging kritikal, mga Iskolar ng Bayan.”