Libu-libong alaala ng nakaraan at mga haligi ng kinabukasan ang naabo sa isang gabi lamang noong Abril 1, nang masunog ang Faculty Center sa University of the Philippines Diliman.
Magmula nang mangyari ang trahedya, hindi naging biro ang mga suliraning hinaharap ng komunidad ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) na siyang dating tumutuloy sa nasunog na gusali.
“Parang hindi ko alam kung may kaya pa ba tayong gawin dito sa college natin so that yung mga works nga [ay] magkaroon sila ng sariling spaces,” saad ni Cheza Rivas, mag-aaral mula sa BA Creative Writing at isa sa mga bahagi ng kolehiyo.
Hindi man niya naabutan ang pagliyab ng Faculty Center, naging saksi naman siya sa mga ibinibitaw na pangako ng administrasyon na bibigyan sila ng panibagong tahanan.
Pero lumipas ang apat na taong pamamalagi ni Rivas sa pamantasan nang hindi man lang nakakatapak sa loob nito.
“[P]arang mapapaisip ka rin na bakit kami yung gumagawa ng paraan [na magkaroon ng espasyo].”
Kinilala ang KAL bilang pinakamahusay sa larangan ng Arts and Humanities sa buong Pilipinas at pang-257 naman sa buong mundo sa 2025-2026 Quacquarelli-Symonds World University Rankings.
Ngunit hindi mabubura ng mga pagkilalang ito ang matagal nang namamahay na mga balakid sa paglikha at pagtanghal dala ng limitado nilang espasyo.
“As an artist, paano ka magme-make space within the literary and art scene kung mismo ikaw wala kang space doon sa ginagalawan mo?” daing ni Chezca.
Ngayong ginugunita ang ika-10 anibersaryo ng pag-aabo sa tahanan ng sangkaestudyantehan, nananatili ang tanong ng komunidad ng KAL: Kailan ba matutuldukan ang aming KALbaryo?

Sa likod ng mga naglalakihang puno, sa ibabaw ng madamong lupa, nakatayo ang isang gusaling pilit na pinagkakasya ang mga ideyang nagiging mitsa ng pagbabago.

Samu’t saring usapan ang araw-araw napakikinggan sa ngalan ng paglikha at paglinang.

Sa mga maliliit na silid nagsisiksikan ang iba’t ibang mga pangarap. Hindi alintana ang init. Walang pakialam kung magtama ang mga siko o masagi ang mga hita. Wala namang iba pang lugar na pagpipilian.

Ang mga estudyanteng katulad ni Chezca ay bibiyahe nang maaga, uuwi nang pagod ang katawang lupa.
Sa kaniyang mga bakanteng oras, kainan at pahingahan ang hanap-hanap niya.
Ngunit sa kawalan ng espasyo, pasensya ang naiipon niya.

Maisip mo kayang tuluyan ito ng mga manlilikha’t artista sa payak nitong arkitektura? Walang espasyo upang itanghal ang mga likhang makukulay na nagbibigay-buhay. Nalilimitahan sa limang palapag ang pagpapahayag ng kanilang sining.
Ang inakalang paraisong dadatnan? Purgatoryo sa lupa ang kinahantungan.

Matapos mag-akyat-baba, tsaka naman tatawid, magpapalipat-lipat. Sa hindi pagpirmi ng mga paa, hindi rin napipirmi ang isip.
Paano uukit ng espasyo ang artista kung ang mismong proseso ng paglikha ay tila ba parusang pinagpepenitensyahan?

Naging mito na ang gusali sa labis na katagalan. Ginagamit ang mga estudyante — ang kanilang kagalingan at katatagan — upang tapalan ang mga siwang at butas na iniwan ng kasakiman.

At siyang mga niyurak na pangarap na hirap makaalpas ay naipon na lamang bilang bato’t sukal sa paanan ng gusaling tatawaging ‘bagong tahanan.’

Maski ang siyam na diwata, nasisikipan sa kanilang kinatatayuan. Kami pa ba ay mapapatnubayan kung limitado ang espasyong ipinagkaloob ng kataas-taasan?

Kaunting buwan na lamang at iaalay na ni Chezca ang sarili sa Inang Bayan. Sa kanyang pagtatapos, magpapatuloy ang panawagan. Tuloy-tuloy lang ang pagbigat ng kalbaryo hangga’t hindi natutuldukan ang kapabayaan ng mga namumuno.

Hanggang tingin na lang ang kayang gawin ni Chezca sa hindi matapos-tapos na tuluyan ng mga artista ng bayan.
Papasok, mananatili at lilisan siya sa pamantasan nang hindi man lang nakaapak sa ipinangako sa kanyang tahanan.

