TW: Ang istoryang ito ay naglalaman ng pagbanggit sa aborsyon at depresyon.
Sa bawat scroll sa social media, iba’t ibang mukha ng kababaihan ang makikita— nanay, estudyante, mananayaw, mamamahayag. Ngunit kahit ang artipisyal na mundong ito ay hindi rin ligtas para sa kanila. Sa kaunting pagkakamali, nariyan ang sandamakmak na pamamahiya. Kaunting pag-alma, kasunod noon ay katakot-takot na pangungutya.
Kasabay ng pangarap nilang pag-angkin ng espasyo ay ang lalo namang pagtalim ng mga salitang iniluwal para yurakan sila.
Babaeng para sa lahat.
Isang katagang malimit mabasa sa comment section—para daw sa lahat ng lalaki. Nangangahulugang pinagpapasa-pasahan. Walang pinipili. Lahat “pinapatulan.”
Isa si Sarah Grace Valdez, 26, sa tumatalima sa katagang ito. Inaangkin niya ito.
Ngunit binibigyan din niya ito ng bagong pagpapakahulugan.
Bilang isang babaeng anakpawis, kabilang siya sa milyon-milyong kababaihang ipinagbubunyi ngayong buwan ng Marso sa kanilang pagsisikap itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, karapatan, at pakikipaglaban sa pang-aabuso’t diskriminasyon.
Hinubog si Sarah ng samu’t sari niyang karanasan sa loob at labas ng pamantasan. Ngunit madalas man siyang natitisod ng mga pagsubok, palagi pa rin siyang nangangahas bumangon. Muli. At sa isa pang muli.
BABAE PARA SA TAHANAN AT LIPUNAN
Maagang naging saksi si Sarah sa mga hamong hinaharap ng kababaihan sa loob mismo ng kanilang tahanan dahil sa pang-aaway, pananakit, at pambababae ng kanyang ama.
Pumanaw ito noong siya’y 10 taong gulang pa lamang. Naghirap ang kanyang pamilya dahil hindi sa kanila napunta ang mga naipundar ng yumaong ama.
“Halos tumira na kami sa kalsada kasi wala kaming pangkain,” sabi ni Sarah.
Sa kabila ng mga ito, natagpuan ni Sarah ang sarili na nakikipagsapalaran sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Makalipas ang isang taong pag-aaral sa Baguio, itinuloy niya ang pag-aaral sa Diliman sa kursong Comparative Literature.
Inilaan niya ang kanyang unang taon sa kolehiyo sa pakikilahok sa mga organisasyon. Kabilang sa mga sinalihan niya ang UP Repertory Company na nagtatanghal ng mga dulang tumatalakay sa mga usaping sosyopolitikal.
Ang bawat pagtatanghal sa entablado ay siyang pagkamulat ni Sarah; ang bawat pakikipag-usap at pakikinig sa iba’t ibang tao ang siya ring pagkagising ng kagustuhan niyang lumaban at makibaka.
Naglaon ay lumahok din siya sa mga Basic Masses Integration (BMI) sa unibersidad, kung saan namulat siya sa mga nakapanlulumong danas ng mga kababaihang Lumad sa kamay ng dahas.
Bunsod nito, buong pusong niyakap ni Sarah ang aktibismo. Nilisan niya ang pamantasan at pumunta sa kanayunan. Doon sa Zambales ginugol ni Sarah ang oras sa pagtuturo at panghihikayat ng mga mamamayan na makiisa sa kanilang adhikain.
Makalipas ang ilang buwang pananatili sa kanayunan, kinailangan ni Sarah humarap sa isang desisyon: manatili sa Zambales o magbalik-siyudad sa hiling ng kanyang kinakasama.
BABAE PARA SA PAMILYA AT ANAK
Pagsapit ng taong 2018, hindi inasahan ni Sarah na siya ay mabubuntis. “Sa ibang lugar na dapat ako magfu-full time [bilang aktibista], pero hindi ako natuloy kasi nalaman kong buntis ako,” aniya.
Simula nito, pinili na ni Sarah na bumukod nang tuluyan mula sa kanyang pamilya. Ito ang nag-udyok sa kanya upang pasukin ang iba’t ibang raket gaya ng pagiging stage manager.
Dala-dala ang kanyang kakarampot na ipon, nagtungo si Sarah sa Quiapo upang makabili ng abortion pills. Noong mga panahong iyon, takot at pangamba ang nagtulak sa kaniyang gawin ito.
Dagdag din sa kanyang pasanin ang hiya sa kung ano ang posibleng maging tingin sa kanya ng lipunan na mariing kinukundena ang aborsyon at tinuturing na makasalanan ang sinumang babaeng magtangkang sumailalim dito.
“Hindi talaga ako handa at hindi ko kaya. Wala akong pera at that time, tumigil akong mag-aral,” sabi ni Sarah.
Noong una, inakala niyang nasolusyunan na ang kanyang problema. Ngunit buwan ang nakalipas nang mapansin niyang patuloy pa rin ang paglaki ng kanyang tiyan–hanggang sa napagpasyahan niyang ituloy na lamang ang pagbubuntis.
Subalit ang pagsilang sa sanggol ay hindi nangangahulugang malaya na rin siya sa mga dagok. Animo’y sinusubukan talaga ng tadhana ang kanyang katatagan. Katulad kasi ng maraming ina, nakaranas din si Sarah ng postpartum depression.
Ang magkahalong pagod at puyat, sa pinagtrabahuhang call center ang nakapagpadagdag sa kanyang pasakit ilang buwan lang matapos niyang manganak.
“May isang beses na ‘yung anak ko, nasa kama siya, tapos nagwawalis lang ako. Alam kong papunta siya sa akin, alam kong mahuhulog siya, pero wala akong ginagawa. Para akong nakalabas sa katawan ko, sobrang detached. Wala akong nararamdaman o naiisip,” pagbabahagi ni Sarah.
Aniya, doon lamang siya nakabalik sa ulirat at napagtanto ang nangyari.
Kalaunan, kumonsulta si Sarah sa UPD Psychosocial Services (PsycServ) at natuklasang bukod sa postpartum depression, siya rin ay mayroong Major Depressive Disorder (MDD). Bagama’t mahirap tanggapin, doon niya lang din naintindihan at natanggap ang mga pangyayari sa kanyang isip at katawan. Sa tulong ng therapy, unti-unti siyang nakabangon mula sa depresyon at nakabalik muli sa pag-aaral.
BABAE PARA SA TRABAHO AT PAARALAN
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Sarah sa Diliman Gender Office (DGO) bilang Research and Publication Program Associate. Bagama’t may mga pagkakataong nagiging abala sila sa DGO, hindi pa rin ito nagiging hadlang sa paglalaan niya ng oras sa kanyang anak.
“Kung ipa-prioritize ko, ang first ko talaga roon ay pagiging nanay. ‘Yung second, pagiging empleyado. Graduate ka nga, wala ka namang pera, wala kang pangkain sa anak mo. Huli ‘yung pag-aaral,” ani Sarah.
Inaasahan niyang sa susunod na semestre ay matatapos na niya ang mga kahilingan sa kanyang kurso na Comparative Literature at makapagmartsa na rin bilang gradweyt.
Ngunit, hindi maiwasan ni Sarah na makaramdam ng inggit sa mga kapwa niya estudyanteng mapalad na naibibigay ang kanilang buong atensyon sa pag-aaral.
“Nag-aaral lang sila habang ako kailangan ko pa magluto, maglaba, magpaligo ng bata, may ganoong factor,” aniya.
Kabilang sa adbokasiya ni Sarah bilang empleyado ang pagnanais niyang gawing mas inklusibo ang mga opisina sa unibersidad. Para sa kanya, kayang pagsabayin ang pagiging empleyado at pagiging ina kung lilikha ng mga childminding corners o mga lugar na libre at ligtas mapag-iwanan ng mga bata.
Nagbago man ang mga prayoridad ni Sarah sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala ang kanyang paninindigan kasama ang kanyang kapwa manggagawang kababaihan para sa libre at komprehensibong sex education, at mga isyung kanilang kinakaharap sa trabaho tulad ng kontraktwalisasyon, mabisang pagpapatupad ng maternity leave, at seguridad kontra pang-aabuso.
Ang kuwento ni Sarah ay isang patunay na ang babae ay para nga sa lahat—para sa tahanan, para sa trabaho, para sa lipunan.
Ang kanyang kwento ay patunay na wala sa bilang ng hamon ang batayan upang masuri ang pagkatao ng indibidwal kundi kung paano sila bumangon mula sa mga ito.
Sa kwento ni Sarah makikita na ang pagkababae–isang konseptong kay tagal nang niyuyurakan ng macho-pyudal na lipunan upang lumpuhin sila–ay ang instrumentong kanya ring ginagamit sa pagkalas at pagtatangkang baguhin ang naturang sistema.