Patuloy sa pag-ikot ang bola ng kamatayan. Sa loob nito ay ang hindi mabilang na mga numero–naglulundagan, sumisirko, at nananalanging huwag sanang mabunot. Dahil kapag numero mo ang nahugot, kamatayan na ang sunod.
Sa gitna ng lumalalang pagsira ng kalikasan, sino na ngayon ang taya?
Mabilis na gumulong ang bola sa simula. Sa pinaghalong tunog ng kulog at pagsabog sa kabundukan, maagang pinatunayan ng Mga Anak ng Unos na hindi tahimik ang digmaan. Wala itong pinipiling oras, walang pagkakataong pinalalagpas.
Magkatunggaling interes
Gamit ang unang yugto ng dula na Sa Gitna ng Digmaan ng mga Mahiwagang Nilalang Laban sa Sangkatauhan, itinanim agad ng direktor na si Jose Estrella ang mensaheng hindi lamang naririnig ang kaguluhan sa kalikasan—nakikita ito ng mga mata at nararamdaman hanggang sa kaibuturan ng katawan.
Maayos na nailatag sa dula ang tensyon sa pagitan ng mga mahiwagang nilalang na nais pangalagaan ang kayamanan ng kalikasan at ang sangkatauhan na nais samantalahin ito buhat ng pangangailangan.
Ang pagmimina ang isa sa mga pinag-uugatan ng tunggalian ng dalawang panig. Para sa mga mahiwagang nilalang, ang gawaing ito ay nakasisira ng kalikasan; taliwas sa paniniwala ng mga tao na kinakailangan itong gawin para makonsumo nila ang biyayang likas na yaman.
Malikhaing itinampok ng dula ang reyalidad ng pagmimina sa kuwento ni Tanya, isang nanghihinang kalabaw na naranasan ang pait ng reyalidad ng pagmimina. Ipinakilala rin sa dula ang ibang mga mahiwagang nilalang. May bathalang mayroong sampung ulo at nakagagawa ng malakas na pag-ulan (Dan), isa na nangangalaga ng tirahan ng mga manok (Nale), isang halimaw na sumisipsip ng dugo ng tao (Sig), aswang na dati’y diwata (Nag), anito (Mio), at mga duwende.
Pero gaya ng mga mahiwagang nilalang, hindi rin nakaligtas ang mga tao sa bagsik ng pagmimina. Nawala na lang sa isang iglap ang lupang ninuno ng mga katutubo.
Maaaring magdulot ng kalituhan ang dami ng karakter na bumubuo sa dula. Bukod pa rito, posible ring maligaw ang ilan sa usaping mitolohiya. Ngunit sinubukan pa rin ng dulang maipaabot ang mensahe nito sa mga manonood gamit ang mga Gen-Z slang at pagsingit ng mga biro upang mahimay ang mga isyung tampok sa palabas.
Sa huli, napagtanto ng dalawang panig na posible silang magkatagpo sa iisang solusyon. Wala nang harang sa pagitan ng mga mahiwagang nilalang at sangkatauhan. Payapa na ang kapaligiran. Wala nang digmaan.
Sinasalamin ng dula ang kasalukuyang dilemma ng lipunan sa pagitan ng pangangalaga sa kalikasan at pagkonsumo ng likas na yaman. Isa sa mga tanong ng anak ng unos ay: hanggang saan ba katanggap-tanggap ang paggamit ng mga biyayang likas? Maaaring magkakaiba ang mga sagot, ngunit isang bagay ang malinaw—ang tunay na pag-unlad ay nakaugat sa pagpapahalaga sa ating kalikasan, hindi sa mga proyektong makakasira pa rito.
Climate in Crazies
Pero hindi ibig sabihin na natigil na ang labanan sa pagitan ng mga mahiwagang nilalang at sangkatauhan ay milagrong humilom na ang mga sugat ng kalikasan. Gumulong ang bola ng kamatayan sa ibang mga anak ng unos sa pagtawid ng dula sa ikalawang yugto nito, ang Climate in Crazies.
Halaw mula sa Scenes from the Climate Era ni David Finnigan, ikinonteksto nina Issa Manalo Lopez at Tess Jamias ang dula sa mga danas ng Pilipino sa gitna ng krisis sa klima–at nagtagumpay sila rito.
Sa pagtatahi ng iba’t ibang problema ng mga tao dala ng isyu sa kalikasan, naiparating ng dula kung ano-ano ang mga pinag-ugatan ng mga ito tulad na lang ng patuloy na proyektong imprastraktura na may masamang dulot sa kalikasan, ano ang mga manipestasyon nitong mga programa sa kasalukuyan, at kung ano ang mga posibleng pangunahing dulot nito sa hinaharap.
Paikot-ikot sa pagganap ng iba’t ibang tauhan sila Bong Cabrera, Delphine Buencamino, Ethan King, Herbie Go, at MJ Briones pero hindi ito naging daan para mailayo sa mga manunuod ang mensahe: Lingid sa kaalaman ng sangkatauhan na ang kanilang pagmamalabis sa kalikasan ay magiging sanhi ng kanilang kamasalan.
Ibinabad ng Climate in Crazies ang mga manonood nito sa mga datos ukol sa kalikasan at tala sa kasaysayan pero hindi ito nakakalunod.
Tampok sa dula si Mebuyan, ang diyosa ng kamatayan. Gamit ang gatas na nagmumula sa marami niyang suso, binibigyan niya ng lakas ang lahat ng taong nawalan ng buhay dahil sa kalamidad. Noong una, paunti-unti lamang ang mga namamatay na dumidikit sa kaniya pero kinalaunan, mabilis na itong nadadagdagan. Dumating pa sa puntong maging ang pawikan ay kaniya nang kasama. Pinatutunayan nitong sa bola ng kamatayan dala ng kalamidad, walang takas ang kahit na sino man.
Ang kawalan ng kasiguraduhan sa gitna ng kalamidad ang pinag-ugatan ng ipinakilalang eco-distress ng dula. Nararanasan na ng mga karakter ang matinding epekto ng climate change–masyadong mainit o malamig na panahon, paglubog ng maraming lugar sa baha, at unti-unting pagkaubos ng mga hayop.
Tinuklas din ng dula ang ideya na mainam na lamang umasang mare-resolba mga isyu sa kalikasan kahit wala namang konrektong hakbang na isinasagawa upang mapigilan ang tuluyang pagyurak sa ating mundo. Pero paano kung sa bigat ng problema, hindi na kayang magsalba ng pag-asa?
Gaya ng ipinahiwatig ng dula, hindi sapat ang basta na lamang magtiwala na kusang maaayos ang kalagayan ng mundo. Delikado ang umasa nang walang pagkilos. Sa halip na harapin ang bigat ng suliraning pangkalikasan, inililihis ng bulag na pag-asa ang tao mula sa pag-unawa at paghahanap ng konkretong solusyon.
Naging sentral na tanong sa dula kung kailan matatapos ang krisis sa klima. Pero natapos ang dula nang hindi nakapagbibigay ng sagot.
Mismong ang mga tauhan ay hirap sa paghahanap ng tugon. Madaling intindihin kung bakit hindi naisara ang tanong. Saan mo pa hahanapin ang sagot kung ito’y matagal nang nalusaw sa malalang init ng panahon? Kung nalunod na sa tubig-baha? Kung natupok na ng mapaminsalang apoy sa kabundukan?
Kung hindi pa pag-uusapan ang problema at wala pang gagawing aksyon, lahat tayo’y taya na sa bola ng kamatayan. Dahil sa kalagayan natin ngayon, wala nang siguradong ligtas–lahat ay anak ng unos.