Bukod sa mismong bagsakan ng gulay, ang salitang “bagsak” ay maaaring tungkol din sa kawalan ng puwesto, kita at lupa.
Nahaharap sa banta ng pangangamkam ng lupa, malayo ang kinakailangang lakbayin ng mga magsasaka ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan para mailako ang ani sa mga bagsakan — mga pamilihang nagbibigay-plataporma sa mga pesante upang direktang makapagbenta sa mga mamimili.
Wala kasing siguradong merkado sa sariling komunidad ang ilan sa kanilang mga produktong gulay at prutas, ani Nanay Monica, residente ng Baryo Bisaya sa Brgy. Tungkong Mangga. Maliban sa kawalan ng espasyong pamilihan, ito aniya ang dahilan ng pagdayo ng mga pesante sa mga bagsakan sa Kamaynilaan.
“Siyempre, Iluluwas namin [ito] ng palengke para mabili ‘yong kalakal [produktong gulay at prutas] namin,” saad ni Nanay Monica, auditor ng Sandigan ng Samahang Magsasaka (SASAMAG), isang samahan ng mga pesante sa Brgy. Tungkong Mangga.
Bangketa aniya sa labas ng mga palengke ang naging bagsakan ng kaniyang mga paninda sa buong panahon niyang nagsasaka, dagdag ni Nanay Monica bago idaing ang kawalan ng suporta mula sa lokal na pamahalaan.
Nananatiling nakabinbin sa Kongreso ang National Market Code of the Philippines, isang panukalang magmamandato sa lokal na pamahalaan na ipatupad ang istandardisasyon ng mga pampublikong pamilihan.
Kasalukuyang nalulugi ang mga magsasaka dahil pumapatak ng P1,200 hanggang P2,000 kada araw ang isang puwesto sa palengke depende sa laki, ani Nanay Monica. “Magtinda ka at saka hindi, bayad mo ‘yun,” dagdag ni Tatay Meling, asawa ni Nanay Monica.
Kaya kakarampot na lamang ang natitira sa karaniwang kita nina Nanay Monica na P3,000 matapos bawasan ng renta at pambili ng pataba at pesticides.
“Mag-bagsakan ang magsasaka kasi bagsak na talaga ang magsasaka dito,” ani Nanay Monica.
“Wala na. Halos hindi na magtatanim ‘yung iba [kasi] umaasa na lang sa construction,” dagdag nito.
Sa mahabang kasaysayan ng panghihimasok ng komersiyalisasyon sa SJDM, madadaanan papuntang Baryo Bisaya ang samot-saring construction sites.
Halos 80% na ng kabuuang converted agricultural zones sa SJDM ang nailaan para sa “special development,” batay sa Comprehensive Land Use Plan ng lungsod.
Ngunit hindi rito natitigil ang banta ng komersiyalisasyon sa SJDM. Nagpapadala rin diumano ng mga pribadong guwardya ang naglalakihang korporasyon upang sapilitang angkinin ang mga sakahan sa lungsod.
KAUGNAY: Peasant groups decry human rights abuses, land-grabbing against Bulacan farmers
“Nandiyan na ‘yong sa mga guwardya [noong] mga bago-bago pa lang [ang] samahan hanggang sa dumating na nga [sa] militarisasyon,” saad ni Tatay Rolan.
Nire-redtag pa diumano ng militar ang mga pinuno ng mga samahang pesante sa SJDM upang tumigil sa pakikibaka ang mga magsasaka, ani Tatay Rolan.
“[Noong] may livelihood program daw sila [mga sundalo], pinapapunta ‘yong mga magsasaka natin doon sa may barangay. [Ngunit] pinalabas pala nila na [sila ay] mga surrenderees,” kuwento ni Tatay Rolan.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pananakot ng militar, natatanging ang SASAMAG lamang ang tumindig upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan, dagdag ni Tatay Rolan, kasapi ng grupo.
“Mahigit nang 30 taon [ang] pakikipaglaban ng isang namumukod-tanging samahan na tumagal sa pakikibaka,” diin ni Tatay Rolan habang nakatanaw sa sakahan.
Laban sa panunupil ng mga pwersa ng estado at dambuhalang mga korporasyon, karit lamang ang hawak ng mga magsasaka upang protektahan ang kanilang mga sakahan.
Ipit sa salawahan ng yaman at kapangyarihan, nananatiling pinagbagsakan ng langit at lupa ang buong kabukiran.

Makalipas ang 30 taong pakikibaka para sa kanilang sakahan, nananatiling pesteng kumakain sa isipan ng mga magsasaka tulad ni Tatay Rolan ang nagbabadyang komersyalisasyon sa Baryo Bisaya sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan.
“Sa loob ng mahabang panahon [ng paglaban], samot-sari ‘yong mga karanasan sa pangha-harass. Nandiyan na ‘yong sa mga guwardya [noong] bago-bago pa lang [ang] samahan hanggang sa [humantong] na nga sa militarisasyon,” ani Tatay Rolan.

Umulan man o umaraw, patuloy lang sa pag-aani si Nanay Conching, 55, ng kaniyang mga itinanim na saluyot sa San Jose Del Monte, Bulacan, noong Oktubre 17.
Sa ikot ng pananim ng mga magsasaka nakabatay ang sistema ng bagsakan.
Walang nakatokang gulay o prutas si Nanay Conching sa gaganaping bagsakan sa UP Diliman ngunit isasama pa rin aniya ang kaniyang nahinog na mga pananim upang maibenta at hindi masayang.

Matapos ang isang buong araw ng pamumukid, idlip lang ang tanging pahinga ni Tatay Rolan, 51, dahil madaling araw pa lamang ng Oktubre 18 sa San Jose Del Monte, Bulacan, ay kailangan na niyang ihanda ang mga produktong iluluwas sa UP Diliman.

Pumapagitna sa mga nakalatag na pananim ang isang panawagang ipagtanggol ang karapatan ng mga magsasaka noong Oktubre 18 sa bagsakan sa Bulwagang Vinzons sa UP Diliman.
Ang bawat gulay at prutas na kanilang dala mula Bulacan ay may kaakibat na “mga sakripisyo ng komunidad upang makalikha ng produkto sa kabila ng pangha-harass ng mga sistema ng gobyerno ngayon,” saad ni Tatay Rolan.

Pagpapatigil sa pandarahas ng mga kapitalista ang panawagan ng mga magsasakang nagtungo sa lansangan ng Mendiola sa Maynila noong Araw ng mga Pesante, Oktubre 21.
“Dati, inaagaw ‘yong mga itak [at] binubunot ‘yong pananim [ng mga rumorondang guwardiya]. Edi gutom talaga ang magsasaka. Hindi lang ang magsasaka ang magugutom [ngunit] buong bayan, buong bansa,” saad ni Nanay Monica.

Matatagpuan ang lupaing sinasaka ng mag-asawang Rolan at Conching sa puso ng kabundukan sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Kuwento ni Tatay Rolan, nagmula pa ang lupaing ito sa mga magulang ni Nanay Conching na hanggang ngayon ay nagsasaka pa rin kasama ang kanilang buong pamilya.

Samot-saring talbos at gulay ang pinipitas ni Nanay Conching noong Oktubre 17 sa kanilang sakahan sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ilan sa kanilang mga pananim ay mais, pechay, sili, kamatis, kalabasa, saluyot, talong, sitaw, saging, takway at marami pang iba.

Bukod sa mga talbos na kanilang pinalago sa kawayan, binubungkal din ni Ate Daday, kapatid ni Nanay Conching, ang mga pananim na kamoteng kahoy sa labas ng kubong kanilang tinutuluyan sa San Jose Del Monte, Bulacan, noong Oktubre 17.

Tinaguriang pambansang hayop ng Pilipinas ang kalabaw, ngunit biro ni Tatay Rolan: Pinalitan na ito ng mga buwaya dala ng sunod-sunod na korapsyong sumisiwalat sa gobyerno.
Bagaman malayo sa Baryo Bisaya ang mga ghost project, naitala ng Opisina ng Pangulo na pang-anim ang Bulacan sa may pinakamaraming flood control projects sa buong Pilipinas.

Bago ibagsak ang kanilang mga inaning gulay at prutas sa “sementadong daan,” minabuting daanan muna nina Tatay Rolan ang kapitbahay nilang si Nanay Telma upang tumulong magkumpol ng mga talbos noong Oktubre 17 sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Palatandaan ng mga residente ang “sementadong daan” bilang bahagi ng Baryo Bisaya na hindi naaabot ng mga pagpapaayos sa daan.
Pagkain at pag-inom ng kape ang pinaghuhugutan ng enerhiya nina Tatay Rolan sa maghapong pagtatrabaho sa bukiran at puyatang pag-aangkat ng mga paninda noong Oktubre 17 sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Halos gawing tubig na nina Tatay Rolan ang kape sa dalas ng pag-inom nito tuwing kumakain.

Dahil hindi pa nakabibili ng panibagong bota si Tatay Rolan, tinitiis niya ang madulas na putik habang binabaybay ang kabukiran sa San Jose Del Monte, Bulacan, noong Oktubre 17.
Madalas siyang madulas sa putikan dahil hindi akma aniya ang tsinelas sa pag-akyat-baba ng bukid.

Bitbit ang mga inaning gulay, dahan-dahang inaakyat ni Tatay Rolan ang maputik na daan sa kabukiran ng San Jose Del Monte, Bulacan, noong Oktubre 17.
Aniya, isang malaking kabalintunaan ang mga proyektong “farm-to-market road” ng gobyerno gayong matarik na putikan pa rin ang kailangan nilang baybayin makarating lamang ng pamilihan. Mapanganib din aniya ito para sa mga magsasaka.

Matapos ang mahabang lakarin, narating din nina Tatay Rolan ang dulo ng sementadong daan patungo sa bahay nina Nanay Monica noong Oktubre 17 sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Bahay nina Nanay Monica ang itinuturing na unang bagsakan ng lahat ng gulay at prutas sa buong komunidad.

Matapos linisin ang mga kalakal, pinagbubukod-bukod ni Tatay Rolan ang mga gulay at prutas bago ibalot sa plastik noong Oktubre 17 sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Lahat ng mga gulay at prutas ay bagong ani ng iba’t ibang magsasaka sa Baryo Bisaya.

Para mas maging madali ang paghahati-hati ng kita matapos ang bagsakan, itinatala na agad ni Nanay Telma noong Oktubre 17 sa San Jose Del Monte, Bulacan ang ambag na pananim ng bawat magsasaka sa bentahan.
Ani Nanay Monica, bagsak ang kita noong mga naunang pagdaos ng bagsakan dahil sa magulong sistema ng paglilista.

Kakakain lamang ng hapunan, ipinapakita ni Nanay Monica sa kaniyang cellphone ang kuhang video noong naglibot sila sa mga bahay ng iba pang magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan, upang maghakot ng ibebentang produkto para sa gaganaping bagsakan.
Bukod sa nakapagbibigay ng espasyong makapagbenta ng sariling ani, nakatutulong din aniya sa mga pesante ang bagsakan bilang gabay sa ikot ng pananim at pambayad sa mga gastusin ng kanilang samahan kung kakailanganin.
“Kaya maganda nga [ang bagsakan kasi] binigyan kami ng pagkakataon na, kahit paano, nakakatulong kami sa kapwa naming magsasaka,” ani Nanay Monica noong Oktubre 17.

Hindi alintana ni Tatay Rolan ang pagod mula sa tuloy-tuloy na pagbubuhat ng mga gulay sa truck noong Oktubre 18 sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Nagsilbing pangunahing transportasyon ng mga magsasaka ang truck na nirentahan sa halagang P1,800 mula Baryo Bisaya patungong UP Diliman.

Madilim pa ang kalangitan noong gumayak sina Tatay Rolan mula San Jose Del Monte, Bulacan, patungong UP Diliman noong Oktubre 18.

Dalawang libong piso ang pinababaryahan ng mga magsasaka upang magamit bilang panukli sa bagsakan noong Oktubre 18 sa UP Diliman.

Bago tuluyang magtungo sa UP Diliman, inaangkat na rin nina Nanay Monica ang mga paninda nila sa bangketa ng Novaliches, Quezon City, noong Oktubre 18.
“Mabuti pa sa bangketa, [kahit] hinuhuli kami, sigurado na napunta sa amin [ang buong kita],” ani Nanay Monica habang inirereklamo ang mataas na arawang renta ng mga puwesto sa loob ng palengke.
Pagpatak kasi ng 5 n.u., nagsisimula nang kumpiskahin ng kapulisan ang mga nakalatag na pananim bilang bahagi ng “paglilinis” nila sa siyudad.

Dinadala nina Nanay Conching ang kanilang mga paninda sa isang bangketa sa UP Diliman noong Oktubre 18.
Nahati sa dalawang sasakyan ang kanilang grupo na siyang nagbayad ng halos P800 dahil napuno na ng gulay ang truck na kanilang unang sinakyan.

Pagkarating sa UP Diliman ay unti-unting binababa ni Nanay Marquita ang mga panindang gulay mula sa truck noong Oktubre 18.

Matapos ang mahabang biyahe, nagsagawa sina Nanay Monica ng munting salu-salo bilang umagahan bago magsimulang magtinda sa UP Diliman noong Oktubre 18.

Isang buong araw nang walang pahinga at patuloy lang sa pagkilos si Nanay Monica mula San Jose Del Monte, Bulacan, hanggang pagtapak niya sa bagsakan sa UP Diliman noong Oktubre 18.
Bilang isa sa mga punong abala ng samahan, kasama siya sa pag-aani, pangangalakal, paghahanda at pagbebenta sa bangketa at bagsakan.
“Masaya pala rito,” saad ni Nanay Monica habang ibinabahagi ang kaniyang karanasan sa bagsakan. “Pagod ka pero nakikita mo na [pinapakyaw ng] mga tao [‘yong paninda]. Nawawala ‘yong pagod mo.”

Bukod sa bagong ani ang mga tinitinda nilang gulay at prutas, isa rin sa mga rason ng pagdagsa ng mga mamimili sa bagsakan noong Oktubre 18 sa UP Diliman ang bagsak-presyong halaga ng mga produkto.
Kumpara sa merkado kung saan dumadaan pa ang mga produkto sa isang tagapamagitan, mas mura ang bentahan sa bagsakan dahil wala itong karagdagang patong.

Makalipas ang ilang oras, unti-unti nang dumarating ang mga mamimili sa bagsakan noong Oktubre 18 sa Bulwagang Vinzons sa UP Diliman.

Lansangan pa rin ang huling bagsakan ng mga magsasaka noong Araw ng mga Pesante, Oktubre 21.
Mula Bantayog ng mga Bayani patungong Mendiola sa Maynila, nanawagan sila ng tunay na reporma sa lupa at hustisya para sa mga magsasakahang dinarahas ng estado at mga kapitalista.

Habang pinepeste ng pamahalaan at mga ganid na korporasyon ang mga sakahan, patuloy magiging bagsakan ng kolektibong pakikibaka ng uring magsasaka ang lansangan.



