Tuwing panahon ng Kuwaresma, nagsisilbing entablado ng parehong makulay at masalimuot na mga ritwal at tradisyon ang lansangan, kabahayan, at mga pook sambahan bilang isang bansang hinabi ng panahon ang paniniwala.
Ngayong taon, sumabay sa alab ng pananalig ng mga Katolikong deboto ang hapdi ng panahon at kastigo ng sikat ng araw. Sa kabila ng nakapapasong init, patuloy pa rin ang paglitaw ng samu’t saring imahen at wangis ng pananampalatayang naiukit sa paggunita ng Mahal na Araw.
Kinikilala ang Katolisismo bilang dominanteng relihiyon sa bansa, kung saan tinatayang mahigit 85 milyon o 78.8% ng mga Pilipino ay nakasanib sa Simbahan, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2023.
Ang taunang Semana Santa ay sumasaklaw sa iba’t ibang tradisyon ng pagsamba tulad ng Linggo ng Palaspas, pabasa o pasyon, senakulo, penitensya, kumpisalang bayan, Pasko ng Muling Pagkabuhay, salubong at iba pa.
Ang sagradong panahon na ito ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa buhay at pagpapakasakit ni Kristo upang tubusin ang sanlibutan, bagkus, sumasalamin din ito sa lalim at tibay ng paniniwala ng kaniyang mga deboto at tagasunod.
“Si Kristo ang ating liwanag. Ito ang liwanag na bumabasag sa dilim ng kamatayan. This is the light of the risen Christ, the triumph of love over sin, [and] of suffering and death,” ani Rev. Fr. Nelson Orqueta sa kaniyang homily kahapon, Abril 19, sa Parish of Holy Sacrifice, UP Diliman.
Ngunit lampas sa apat na sulok ng Simbahan at mga silid sambahan, makikita ang ibang mga mukha ng pananampalataya sa lansangan at gitna ng kalsada.
Katulad ng paghihirap na dinanas ni Hesukristo sa mga huling linggo ng kaniyang buhay, patuloy na humaharap sa krisis ng buhay ang libo-libong Pilipinong pinagkakaitan ng karapatang pantao ng mga nasa kapangyarihan.
Para sa mga biktima ng hindi makatarungang sistema, ang Semana Santa ay isang pagkakataon upang isiwalat ang kalbaryong kanilang dinaranas—isang kalbaryong nakahulma sa kuwento ng Mesiyas.
HESUKRISTO, ANG MESIYAS—Nagmistulang totoo ang pagsasadula nina Agios Angelo Flores, 19, sa Pasyon ni Hesus matapos siyang makaramdam ng panghihina habang nakatali sa krus.
Aniya sa tatlong taon niyang pakikilahok sa dulaan, ito ang unang beses na namanhid ang kaniyang mukha at umurong ang dila habang naglilibot ng istasyon noong Lunes Santo, Abril 14. Nuestra Señora De las Flores Parish, Bulacan.
BAHID NG PAGSISISI—Bitbit ang bigat ng bulyos sa kaniyang balikat, bakas sa katawan ng isang penitente ang mga marka ng pagdurusa pananda ng paglaya mula sa mga pinapasang kasalanan noong Biyernes Santo, Abril 18. Metropolitan Cathedral of San Fernando, Pampanga.
PIETA—Hindi alintana ang malamig na semento, akap ni Maria ang nakahandusay na katawan ng kaniyang yumaong anak habang hinahaplos ang kaniyang mukha noong gabi ng Lunes Santo, Abril 14. Nuestra Señora De las Flores Parish, Bulacan.
LIWANAG SA DILIMAN—Habang hawak ang sinindihang kandila, mataimtim na nagdasal ang isang mananampalataya kahapon, Abril 19, araw ng Sabado de Gloria. Parish of Holy Sacrifice, UP Diliman.
MIYERKULES SANTO NG PAKIKIBAKA—Hinarang ng kapulisan ang grupo ng mga progresibo at taong-simbahang nagmartsa mula España bitbit ang krus at mga panawagang inilapat sa isang pasyong liriko na sumasalamin sa ‘Kalbaryo ng Maralita,” noong Miyerkules Santo, Abril 16. Mendiola, Maynila.
PANANAMPALATAYANG NAG-AALAB—Sa kabila ng matinding init ng araw noong Biyernes Santo, hindi natinag si Ruben Enaje sa kaniyang ika-36 na taong pagganap bilang ‘Kristo’ kung saan matatag niyang nilakbay ang ilang kilometrong pasakit, kagaya ng pagdurusang minsang tinahak ng Panginoon. San Pedro, Cutud, Pampanga.
APOY NG BUHAY—Nagningas sa gitna ng dilim ang “bagong apoy ng pagkabuhay” sa labas ng isang simbahan upang simulan ang liturhiya sa gabi ng Sabado de Gloria kahapon, Abril 19. Parish of Holy Sacrifice, UP Diliman.
Sumasagisag sa muling pagkabuhay ni Hesus, at paglupig ng ilaw at liwanag sa kadiliman ang pagsisindi ng apoy.
YUKOD NG PAGTUBOS—Bilang pagsamo ng kapatawaran sa kaniyang mga kasalanan, dahan-dahang yumuko ang isang penitente sa harap ng simbahan, suot ang itim na kapang tumatakip sa kaniyang ulo—isang sagisag ng lubos na pagpapakumbaba, na tanging ang panatang iniaalay sa langit ang humuhugis ng kaniyang katauhan. Metropolitan Cathedral of San Fernando, Pampanga.
HIMNO NG KALBARYO—Umaawit ng Pasyon si Nanay Estreliata “Inday” Bagasbas, 69, bilang pagtuligsa sa krisis sa buhay na patuloy na dinaranas ng mga maralita noong Miyerkules Santo, Abril 16. España, Maynila.
Simula noong nahalal siya sa Kadamay National taong 2010, isa’t kalahating dekada na ring dumadalo si Nanay Inday sa “Kalbaryo ng Maralita” bitbit ang hinaing dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gastusin.
Panayam ni Glecelyn Simba
PUSONG MAPAGPATAWAD—Matapos ang mahabang paglalakbay, nagmistulang hugis puso ang natamong sugat sa likod ng isang lalaki mula sa pagpepenitensya noong tanghali ng Biyernes Santo, Abril 18. Cutud, San Fernando, Pampanga.
PASYONG HINUBOG NG TRADISYON—Nagtipon ang grupo ng mga nakatatanda sa simbahan upang isagawa ang taunang tradisyon ng pasyon noong Lunes Santo, Abril 14. Nuestra Señora De las Flores Parish, Bulacan.
Ginaganap ang Pasyon o Pabasa tuwing Semana Santa bilang pag-alala sa salaysay ng pagkamatay at muling pagkabuhay ng Poong Hesukristo.
HAMBALOS NG PAGTUTUBOS—Sa kabila ng nakasusunog na liwanag ng araw, patuloy ang mga namamanata sa paghampak ng kanilang sugat bilang pakikiisa sa pagdurusa ni Kristo noong Biyernes Santo, Abril 18. San Pedro, Cutud, Pampanga.
ANG MASA ANG MESIYAS—Taas kamaong ipinaglaban ng iba’t ibang progresibong grupo ang kanilang tinig para sa hustisya sa “Kalbaryo ng Maralita,” isang Pasyon na hinulma sa krus ng pagpapahirap sa mga marhinalisadong sektor noong Miyerkules Santo, Abril 16. Mendiola, Maynila.
PASYON NG MUSMOS—Hawak ni Jackylyn Figueroa, 18, ang aklat na nagsasalaysay ng buhay ni Hesus bilang pagninilay sa Pabasa noong Miyerkules Santo, Abril 16. Guadalupe Nuevo, Makati City.
AKTO NG PAGTANGGAP—Nakaluhod na nagdarasal ang isang lalaki sa harap ng altar bilang parte ng Penitential Rite o ang pagkilala at pagtanggap sa mga kasalanan sa pagsisimula ng banal na misa sa araw ng Miyerkules Santo, Abril 16. National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Guadalupe, Makati City.
BITBIT NA PASAKIT—Habang pasan ang bigat ng krus, patuloy na binubuhat ng lalaki ang mga pasakit ng buhay tanda ng mga kalbaryong kinahaharap ng maralita noong Miyerkules Santo, Abril 16.
Sa bawat hakbang, isinasakatawan niya pati ang masalimuot na pinagdaanan ni Hesukristo para sa sangkatauhan. Recto Ave., Maynila.
AKLAT NG PAG-ALALA—Binabasa ng isang nakatatandang deboto ang liriko ng Pasyon sa isang librong ipinamahagi sa kanila ng Lunes Santo, Abril 14. Nuestra Señora De las Flores Parish, Bulacan.
HELE NG ANGHEL—Sa muling pagkabuhay ni Hesukristo, nagsiawitan ang mga anghel na ginampanan ng kabataan bilang pagdiriwang sa pagbabalik ng Hari ng kalangitan nung Linggo ng Pagkabuhay, Abril 20. National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Guadalupe, Makati City.
TANGLAW—Nagsilbing liwanag sa loob ng isang simbahan ang sinindihang mga kandila sa kumpol ng mga deboto at maninimba sa araw ng Sabado de Gloria, Abril 19. Parish of Holy Sacrifice, UP Diliman.
Ang pagsisindi ng kandila sa kongregasyon ay sumisimbolo sa pagpapalaganap ng liwanag ni Kristo.
DALANGIN NG DAMDAMIN—Habang isinasagawa ang Kumpisalang Bayan, pinagdikit ng mga kabataang tumungo sa simbahan ang kanilang mga kamay para sa panalangin noong Miyerkules Santo, Abril 16. National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Guadalupe, Makati City.
GUTOM SA KATARUNGAN—Mula noong mawalan ng dalawang anak dahil sa tokhang, taunanan nang dumadalo si Llore Pasco, 70, sa “Kalbaryo ng Maralita,” tuwing Semana Santa.
Lumahok si Pasco noong Miyerkules Santo, Abril 16, upang makiisa sa danas ng kahirapan ng mga maralita sa iba’t ibang aspeto ng buhay, lalo na ng mga pinagkaitan ng hustisya. España, Maynila.
“Para sa amin, ito [Semana Santa] ay sakripisyo ng [aming] pamilya dahil kami ay pinaslangan at kami ay humihingi ng hustisya,” Ani Pasco.
Panayam ni Glecelyn Simba
HIMIG NG PAG-ASA—Bilang pagpapatuloy sa tradisyong Pabasa, sabay na umaawit ang kabataan sa himig ng pananampalataya habang naglalakbay sa kasaysayan ng sakripisyo ni Hesukristo noong Miyerkules Santo, Abril 16. Guadalupe Nuevo, Makati City.
ANINO NG NAGKASALA—Upang kapatawaran ay makamtan, nakaluhod na nagdarasal ang isang deboto sa loob ng silid-kumpisalan noong Miyerkules Santo, Abril 16. National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Guadalupe, Makati City.
DULA NG KABATAAN—Pinangunahan ng lupon ng kabataan ang isang senakulong musikal na may titulong “TIMON: Sa Landas ng Nagniningas na Pag-asa,” noong Miyerkules Santo, Abril 16. Basilica Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno, Plaza Miranda, Quiapo.
HULING HANTUNGAN—Makalipas ang ilang oras na pakikipagsapalaran sa ilalim ng tirik na araw, natapos ang paglalakbay ni Ruben Enaje, 64, sa bangin kung saan ipinako siya sa krus noong Biyernes Santo, Abril 18. Cutud, San Fernando, Pampanga.
PAGKADAPA NG DAKILANG HARI—Sa gitna ng kaniyang pagsasadula ng paghihirap ni Hesukristo, tuluyang bumigay sa pasakit si Ruben ‘Ka Ruben’ Enaje noong Biyernes Santo, Abril 18.
Tila ang krus na kaniyang nabitawan ay anino ng sarili niyang landas na puno ng pagsubok at pananalig. Cutud, San Fernando, Pampanga.
PUNO NG KAHABAGAN—Sa kabila ng poot at pangungutyang inabot ni Hesus, buong tapang na humarap ang isang babae upang ipamalas ang kaniyang kabutihan sa pagsasadula ng Pasyon noong Biyernes Santo, Abril 18.
Isang tahimik na paalala na ang taos-pusong pagkilos ay may kakayahang maghatid ng liwanag kahit sa pinakamadilim na sandali. San Pedro, Cutud, Pampanga.
HAKBANG NG PAGBABAGO—Magkakasamang naglalakad ang lupon ng mga namamanata patungong Cutud kung saan gaganapin ang pagpapako kay Hesukristo ng Biyernes Santo, Abril 18. San Pedro, Cutud, Pampanga.
PAGDALAMHATI SA PINAKONG HARI—Bakas ang pighati sa pagmumukha ng mga aktor habang nangungulila sa nakapakong Hesukristo noong Lunes Santo, Abril 14. Nuestra Señora De las Flores Parish, Bulacan.
SA ILALIM NG BUGHAW NA KALANGITAN—Sa gitna ng nakapapasong panahon, muling ipinako sa krus si Ruben “Ka Ruben” Enaje, 64, sa ika-36 na pagkakataong pagganap bilang Kristo sa dinarayong senakulo o mas kilala sa tawag na “Maleldo” tuwing Biyernes Santo ng Kuwaresma, Abril 18. Cutud, San Fernando, Pampanga.
Bagama’t magkakaiba ang paraan ng paggunita sa Semana Santa, iisa ang layunin ng sambayanan; ang pag-alala sa naging sakripisyo ni Hesukristo at pagsasabuhay nito sa kasalukuyang lipunan.
Gaya ng pagligtas ni Hesukristo sa sangkatauhan mula sa kasalanan, ang masa naman ang nagsisilbing Mesiyas ng bayang humihiling ng tunay na katarungan at kalayaan.