Sa isang bansang biniyayaan ng saganang yaman ng karagatan, isang kabalintunaan na kabilang ang mga mangingisda sa mga pinaka-naghihirap na sektor sa lipunan.
Tatlong dekada nang nangingisda si Tatay Alvin*, 43, sa Look ng Cancabato sa Tacloban. Matagal na ring tila nakasakay lamang siya sa isang maliit na bangka, nakalutang sa gitna ng malawak na karagatan. Hindi puwedeng mabagal at mahina ang kanyang pagsagwan, dahil kung hindi, lalamunin siya ng mga matitinding alon sa kanyang buhay.
Kakarampot lamang ang kanyang kinikita sa pangingisda habang patuloy na nagmamahal ang mga gastusin. Ang masaklap, gabutil lamang ng tubig ang pumapatak na tulong sa kanilang mga pamalakaya mula sa pamahalaan. Mahigit tatlo sa sampung mga mangingisda ang nakakaranas ng kahirapan, ayon sa Philippine Statistics Authority noong 2021.
Ngunit imbis na pondohan ang kanilang mga kabuhayan, dumaloy ang pera ng bayan sa mga imprastrakturang ipinatayo sa Tacloban sa ngalan ng “kaunlaran.” Para sa pamahalaan, ang mga proyektong ito ay nagsisilbing mukha ng pagbangon ng siyudad matapos tamaan ng Super Typhoon Yolanda ang lungsod noong 2013.
Humigit kumulang 14 milyong Pilipino ang malubhang naapektuhan ng Yolanda, ayon sa tala ng International Labour Organization. Higit sa pagkawala ng tirahan at mga ari-arian, nasawi rin ang 8,000 na indibidwal mula sa hagupit nito.
Nanantili pa ring bangungot sa mga mangingisda sa Brgy. Payapay, Tacloban City ang kanilang dinanas noon sa bagyo kahit mahigit isang dekada na ang lumipas. Inanod ng Yolanda ang buong buhay ni Tatay Alvin kabilang ang kaniyang mga ari-arian hanggang sa napilitan na lamang silang lumikas muna sa bahay ng kaniyang biyenan sa Bicol.
Makalipas ang tatlong taon, bumalik muli sina Tatay Alvin sa Tacloban. Laking gulat na lamang niya na ang dating tirahan at daungan ng kanilang mga bangka ay napalitan na ng kalsada at seawall.
Nagkakahalagang P7.9 bilyon, ang Tide Embankment Project ay isang seawall na inaasahang sasangga laban sa mga along dala ng matinding daluyong. Sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan, mahigit 62% na ng proyekto ang natapos noong Abril 2024.
Dagdag pasanin pa kina Tatay Alvin ang mga susunod pang mga proyektong nais at kasalukuyang ipinapatayo katulad na lamang ng Concabato Bay Bridge na naglalayong mapabilis ang biyahe mula at papuntang Tacloban Airport.
Kapalit ng kaginhawaan sa daan ay ang kalagayan ng kalikasan. Dala ng mga proyektong reklamasyon ay ang pagkasira ng biodiversity ng karagatan dahil sa polusyon at pagbara ng lupa at semento katulad ng nangyari sa kaparehong causeway project sa probinsya ng Bohol na nagdulot ng ilang buwang red tide, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Kung magpapatuloy ang ipinaplanong causeway ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mapipilitan si Tatay Alvin na bumalik sa pagpapadyak kahit na alam niyang hindi na magiging sapat ang kaniyang kikitain para sa kaniyang pamilya.
*Hindi totoong pangalan ng mangingisdang si Tatay Alvin ang ginamit para sa kaniyang proteksyon.
Karamihan ng nakatira sa Payapay, Tacloban ay pangingisda ang primaryang pinagkukunan ng pangkain sa pang-araw-araw.
Matiyagang naghihintay si Tatay Alvin, 43, ng mga mamimili ng kanyang bagong huling isda.
Naghahanda ang mga mangingisda na pumalaot sa Look ng Cancabato.
Karaniwang pumapalaot sina Tatay Alvin ng madaling araw. Alas tres ng umaga pa lamang ay nagsisimula na silang sumuong at tumatagal sila ng dalawa hanggang tatlong oras para manghuli ng isda.
Matatagpuan sa tabi ng kalsada ang isang kubo na ginagamit ni Tatay Alvin bilang puwesto upang magtinda ng mga isda.
Sinasalansan ni Tatay Alvin ang mga nahuling isda sa kaniyang lamesa bago ibenta.
Pinaghihiwalay ni Tatay Alvin ang mga isda ayon sa kanilang uri.
Dati siyang naglalako ng alamasag ngunit dahil sa paiba-ibang dami ng huli dulot ng panahon, kalaunan ay mga isda tulad ng tamban, dalagdang bukid at sapsap na ang kaniyang mga itinitinda.
Sandamakmak pa ring mga isda ang kailangan maibenta ni Tatay Alvin kahit na labing-isang oras na siyang nagtitinda.
Bakas sa talampakan ni Tatay Alvin ang pagod matapos pumalaot ng madaling araw, maghanda ng mga paninda ng umaga, at magbenta hanggang tanghali.
Nakatengga lamang ang mga isdang nahuli ni Tatay Alvin.
Matapos maiinitan ng ilang oras, nagpapakita na ng senyales ng pagkasira ang mga isda sa pamamagitan ng kanilang tuyong mga mata at balat.
Itinabi ni Tatay Alvin ang isang panis na isda dahil hindi na ito maaaring mapakinabangan pa.
Nakadaong ang sirang bangka ng kasamahan ni Tatay Alvin sa tabi ng sea wall.
Ayon kay Tatay Alvin, hindi sila basta-bastang nakakabili ng bagong bangkang pampalaot dahil umaabot ng P25,000 hanggang P30,000 ang presyo nito.
Ang kasalukuyang bangkang ginagamit niya ay kaniyang binili ng secondhand sa halagang P16,000.
Mayroong dumaan na motorista sa harap ng kubo ni Tatay Alvin at nagtanong ng presyo ng kaniyang mga paninda.
Inabot na ng tanghaling tapat nang may motorista na ring huminto sa kubo ni Tatay Alvin upang bumili ng isda.
Kinilo ni Tatay Alvin ang bulto ng mga isdang nais bilhin ng motorista.
Kumukunsumo ang bawat Filipino ng katampatang 34.28 kg ng isda kada taon kalakip na ang mga produktong gawa rin dito, ayon sa Southeast Asian Development Center noong 2021.
Binalot ni Tatay Alvin ang apat na kilong isdang binili ng motorista.
Naibenta ni Tatay Alvin ang dalawang kilo ng Tamban sa halagang P250, isang kilo ng Dalagang Bukid ng P200, at isang kilong Sapsap kapalit ang P50 lamang.
Kumita lamang si Tatay Alvin ng P750 buong araw dahil sa napakalaking tawad na kaniyang ibinigay sa mamimili.
Sapat naman na raw ito para sa pangkain ng kaniyang pamilya. Ang natatanging binibili nina Tatay Alvin ay bigas na nagkakahalagang P50-P60dahil ang kanilang uulamin ay ang mga hindi naibentang isda.
Maraming pamilya ang binubuhay ng dagat dito sa Tacloban. Sa kabilang dako ng daan ay matatagpuan ang iba pang mga manininda na nagpapatuloy lamang kabila ng init ng panahon.
Patuloy pa rin ang pagkilos ng mga naglalakihang makinarya para sa construction na isinasagawa sa tabi ng sea wall sa Payapay.
Isa sa mga kasalukuyang proyekto ng Pamahalaan sa Tacloban ay ang Concabato Bridge na naglalayong magkaroon ng diretsong daan mula Cancabato Bay city hall complex patungong Tacloban airport.