Bagaman hindi pa nagbubukas ang DiliMall, dama na ang dilim ng anino nito para sa mga manininda at estudyanteng naghahanap ng abot-kayang mga bilihin.
Naging dahilan ito upang muling magkaisa ang tinig ng buong komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) sa kanilang panawagang huwag ipagpalit sa mga korporasyon ang serbisyo ng mga manininda na matagal nang pinagsisilbihan ang maraming henerasyon ng isko’t iska sa pamantasan.
Bahagi na ng kultura at kasaysayan ng UPD ang mga maninindang makikita sa bawat sulok ng kampus. At sa araw-araw na pakikihalubilo, sumibol ang mga espesyal na ugnayan sa pagitan nila at ng mga miyembro ng komunidad.
Para sa ilang mag-aaral, sa mga tindahang ito nila nahahanap ang pamilyar na pagkalinga ng isang magulang.
Si Nanay Cherry ng Pavillion 3
Noong 1986, minana ni Nanay Cherry mula sa kaniyang ama ang kanilang puwesto sa pagtitinda. Noon ay mayroon lamang silang isang malaking bilao na naglalaman ng mga kendi, biskwit, at sigarilyo.
Kilala ang 50 anyos na si Nanay Cherry hindi lamang sa kaniyang madaling matanaw na kainan at abot-kayang mga pagkain, kundi dahil na rin sa kaniyang mabuting pakikitungo.
Taos-pusong nagpapasalamat si Franchesca Duran, isang mag-aaral ng Departamento ng Heograpiya at malapit na suki, sa lahat ng serbisyo at sakripisyo ni Nanay Cherry para mapangalagaan ang mga tulad niyang mag-aaral na araw-araw naglilipat ng klase.
Sa kabila ng lahat ng hirap sa pagtitinda, hindi alintana ni Nanay Cherry ang sakit ng kaniyang mga balakang sapagkat iniisip umano niya ang kapakanan ng mga bata na magugutom at walang makakainan.
“Mahirap na talaga para sa edad ko yung babangon pa ng umaga, pero ang iniisip ko lang ang mga bata,” sambit ni Nanay Cherry.
Dagdag pa niya, inspirasyon niya upang magpatuloy ang kaniyang pangarap para sa pamilya. Aniya, nais niyang makita ang kaniyang anak na lumaki tulad ng mga estudyante ng UP, kaya naman naging iisa na rin ang turing niya sa mga bumibiling mag-aaral.
Bagaman nanganganib ang kanilang hanapbuhay sa pagpasok ng komersyalisasyon, inilahad ni Nanay Cherry na mananatili pa rin siya sa pagtitinda kahit mawalan ng permit.
“Magpapatuloy … para mapagsilbihan yung mga estudyante [at] ipagpatuloy nila ang pag-aaral nila nang maayos. Kasi hindi lahat ng nanay ng estudyante, mayaman,” saad ni Nanay Cherry.
Si Kuya Ramon ng CSSP
Hindi lamang kapamilya ang koneksiyon na sumibol sa pagitan ng mga manininda at mag-aaral. Para sa ilan, mas masidhi ang samahang nabubuo bilang “kasama” sa pagtindig at paghanay.
Magdadalawang dekada nang kabuhayan ni Kuya Ramon ang pagtitinda sa UP. Simula 2005, nagpalipat-lipat siya ng pwesto hanggang sa pinili niyang magtagal sa gilid ng Bulwagang Palma, kung saan ilang mga estudyante na ang napalapit sa kanyang loob.
Aniya, walang problema kung may mga estudyanteng kailangang ipagpaliban muna ang bayad para sa pagkain. Minsan nama’y tumutulong rin siya sa tuwing may nakakaiwan ng gamit sa kaniyang tindahan at agad itong ibinabalik.
Ilan ito sa mga paraan ng pagkalinga ni Kuya Ramon kaya’t maraming mag-aaral ang nakakakilala sa kanya. Isa si Erin Patawaran mula sa Departamento ng Sosyolohiya, sa mga mag-aaral na nagpapahalaga sa serbisyo ni Kuya Ramon.
“Nagiging kabiruan na namin, kumbaga palagay na ang loob namin bilang manininda at estudyante, ‘yung support ba ng bawat isa ay nandoon,” ani Kuya Ramon.
Ang pagiging malapit ni Erin kay Kuya Ramon ay nag-umpisa noong kasagsagan ng mga pagkilos upang tutulan ang jeepney phaseout. Sa kanilang pagbili kay Kuya Ramon ng pakain para sa mga tsuper, naipakitang nagsisilbing tulay ang mga manininda sa pagitan ng mga mag-aaral at iba pang miyembro ng komunidad ng UPD.
Sa tinagal ni Kuya Ramon sa unibersidad, sinubukan niyang lumahok sa mga pagkilos para sa mga karapatan ng maninindang katulad niya. Para sa kaniya, ang pagtutol sa komersyalisasyon ay katumbas ng pakikipaglaban para sa kanilang ikinabubuhay.
Noong Nobyembre, isinapubliko ng Konseho ng Mga Mag-aaral ng UP Diliman ang ‘di umano’y floor plan ng DiliMall na nagpapakita ng mga malalaking korporasyon gaya ng Mary Grace, KFC, Army Navy, Pancake House at iba pa.
Kumpara sa mga ito, sa halagang P75 lamang ay maaari nang mabusog ang mga mag-aaral sa mga paninda ni Kuya Ramon gaya ng pasta at iced coffee.
Ayon kay Erin, ang patuloy na komersyalisasyon sa unibersidad ay atake hindi lamang sa mga manininda bagkus pati na rin sa mga mag-aaral ng UP.
“Talagang klaro na yung prayoridad nila ay nandoon sa malalaking korporasyon,” saad ni Erin.
Hinding-hindi masusunog ang tulay na pinagtibay ng tiwala at tapat na serbisyo sa pagitan ng mga manininda at ang komunidad na tumatangkilik sa kanilang mga serbisyo.
Gayunpaman, nanatili ang pangamba na posibleng maglaho ang kulturang ito kasabay ng lumalalang pagsasapribado ng mga espasyo sa kampus.
Kalinga sa Kampus
Malaking ginhawa ang pagkakaroon ng murang mga pagkain lalo na sa mga mag-aaral na malayo sa kanilang tahanan. Ayon kay Allyana Barquira, isang bagong dormer, madalas siyang bumibili sa mga karinderya at nagtutungo sa Area 2 upang makatipid.
Bukod sa mura, inilahad din ni Allyana na espesyal para sa kanya ang mga lutong-bahay sa Area 2 dahil pinapaalala ng mga ito ang luto ng kanyang nanay na pansamantala niyang iniwan para mag-aral sa pamantasan.
“May mga pagkain ako do’n na nabibili na lutong-bahay ta’s parang nagre-remind ‘yun sakin na hindi ako malayo sa bahay namin, nakakakain pa rin ako ng mga lutong-bahay na parang ginagawa sa‘min ng mother ko.”
Ang kanilang mga kuwento ay patunay lamang na bahagi na ng kasaysayan ng pag-unlad ng pamantasan ang mga manininda.
Kasabay ng pagkawala ng mga espasyong maaaring bilhan ng mga murang produkto at serbisyo, nanganaganib din na tuluyang anurin ng komersyalisasyon ang diwa ng pakikipagkapwang nabuo sa pagitan ng mga manininda at komunidad ng UP.
Habang hindi natitiyak ang abot-kayang serbisyo at espasyo sa pamantasan, patuloy na lumalabo ang panata ng unibersidad na pagsilbihan ang masa.
Nanatili ang tanong ng buong komunidad na nakapaskil mismo sa barikada ng Dilimall: para kanino ba talaga ang UP?