Ang bawat numero ay may mukha at kuwento

Sa kulturang radyo ang unang takbuhan ng masa para sa maaasahang balita, ang pagputol sa tinig ng mikropono ng mga mamamahayag ay isang porma ng pagkitil sa karapatan ng mga Pilipino sa katotohanan.

Sa kabila ng araw-araw na pag-antabay ng mga Pilipino sa kritikal na komentaryo ng mga brodkaster, araw-araw ding nangangamba ang mga mamamahayag na baka bukas-makalawa, sila na mismo ang biktima sa loob ng mga balita.

Higit isang taon pa lamang namumuno si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngunit umakyat na agad sa apat ang bilang ng mga mamamahayag na pinaslang, simbolo na patuloy pa ring binabalot ng peligro ang industriya ng peryodismo sa ilalim ng kaniyang termino.

May mukha sa likod ng bawat numero, at sa bawat alagad ng midyang pinapatay, isang pamilya at kinabukasan din ang binabawian ng kapisan.

Renato Blanco (Setyembre 18, 2022)

Tubong Negros Oriental, si Renato “Rey” Blanco ay ang anchor ng kaniyang programang Rakrakan sa Hapon Bulls Eye with Rey Blanco sa Power 102.1 DYRY RFM Mabinay Radio Station.

Kilala bilang batikan at may malasakit na komentarista, kinagiliwan ng mga tagapakinig ng Bais City si Blanco dahil sa kaniyang paninidigan na ipagtanggol ang mga inaapi. Naging laman din ng kaniyang komentaryo ang mga paksang may kinalaman sa pulitika, gaya ng mga isyu sa kanilang komunidad at posibleng pandaraya noong Halalan 2022.

Pinatay si Blanco ng suspek na si Charles Amada dahil umano inulat ng brodkaster sa kaniyang programa ang pagkakasangkot ng pamilya nito sa korapsyon at isang overpricing scheme.

Bagaman sinabi ng awtoridad na hindi konektado sa trabaho ni Blanco ang pagpatay, lumilitaw pa rin sa mga ulat na posibleng may kinalaman ang matatalim na komentaryo ng mamamahayag sa personal na motibo ng suspek, ayon kay Len Olea ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

Percival Mabasa (Oktubre 3, 2022)

Si Percival Mabasa, 63, o mas kilala bilang Percy Lapid ay ang host ng programang Lapid Fire, kung saan kritikal niyang sinusuri at pinupuna ang mga polisiya ng pamahalaan mula pa sa administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. 

Nagtapos ng elementarya si Lapid sa Porac Central School noong 1968 at ng hayskul sa St Catherine’s Academy noong 1972. Bitbit ang mga prinsipyo’t pagpapahalaga ng isang mahusay na mamamahayag magmula pa noon, kilala siya ng publiko bilang matapang na komentarista.

Ngunit sa loob ng tahanan, inilarawang malambot ang puso ni Lapid pagdating sa kaniyang asawa, mga anak at apo.

Isang araw habang siya ay pauwi sa kaniyang bahay, bigla na lamang binaril si Lapid ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa BF Resort Village, Las Piñas City. 

Sa ginawang imbestigasyon, lumabas na sangkot ang ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang dating direktor ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag at ang kaniyang kinatawan na si Sr. Supt. Ricardo Zulueta sa pagpatay kay Cristito “Jun Villamor” Palaña, ang di umano’y middleman sa pagpatay kay Mabasa. 

Sa kasalukuyan, patuloy na hinahanap ang mga sangkot sa krimen ayon sa warrant of arrest na ibinaba ng Las Piñas RTC Branch 254.

Cresenciano Aldovino Bunduquin (Mayo 31, 2023) 

Si Cresenciano Aldovino Bunduquin, 50, ay ang host ng DWXR 101.7 Kalahi FM sa Calapan City, Oriental Mindoro. Dinadala niya sa radyo ang kaniyang mga suri at opinyon tungkol sa mga palasak na isyu sa Pilipinas, gaya ng naganap na oil spill sa kanilang probinsya. 

Pinatay si Bunduquin ng dalawang suspek sa harap ng kaniyang tindahan gamit ang baril. 

Ang isa sa mga suspek ay namatay matapos habulin at banggain ng anak ni Bunduquin ang motorsiklong sinasakyan ng mga may-sala. Nakatakas naman ang isa pang suspek na si Isabelo Lopez Bautista na patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad.

Hanggang sa ngayon, hindi pa rin natutukoy kung may kinalaman sa pagiging mamamahayag ni Bunduquin ang ginawang pagpatay.

Juan Jumalon (Nobyembre 5, 2023) 

Si Juan Jumalon, 57, o mas kilala bilang DJ Johnny Walker, ay ang host ng 94.7 Gold Mega Calamba FM kung saan niya tinatalakay ang iba’t ibang paksa mula sa pagbibigay ng payo sa mga relasyon hanggang sa mga isyu ng kaniyang komunidad. 

Bukod pa rito, naging kilala rin si Jumalon sa kaniyang pabirong komentaryo at paghatid ng katatawanan sa kaniyang mga tagapakinig sa Misamis Occidental.

Ngunit isang araw, sa gitna ng kaniyang programa, ay bigla na lamang pinasok ang kaniyang estasyon ng isang hindi kilalang lalaki bago siya barilin nang ilang beses, na siyang nakita pa sa livestream ng programa. 

Sa ngayon, nakakalap na ng detalye ang pulisya sa pangalan ng isa sa tatlong minamatang suspek at nagpangako ng P3.7 milyon para sa impormasyong makatutulong sa kanilang pagkaaresto.

Hustisyang naantala ay hustisyang pinagkait

Sa apat na pinatay na mamamahayag sa ilalim ni Marcos Jr., kahit isa ay wala pang nakakakuha ng ganap na hustisya. Lahat ng kaso ay patuloy pa ring nireresolba ng mga awtoridad, at nananatiling malaya ang ilang may-sala.

Ayon sa NUJP, 199 na mamamahayag na ang pinatay magmula nang mapatalsik ang diktador na ama ni Marcos Jr. Patunay ito na higit limang dekada man ang lumipas matapos ang Batas Militar, hindi natigil ang pag-atake sa larangan ng peryodismo.

Bukod sa ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura, ang midya ang tumatayong ikaapat na haligi at dapat bumubuhat sa ipinangakong demokrasya sa bansa. Kung patuloy na babalewalain ang midya, hindi mababantayan ang mga ganid sa kapangyarihan. 

Hangga’t hindi napananagot ang mga salarin sa kanilang krimen, patuloy na lalala ang pag-atake sa mga alagad ng midya at patuloy na dudulas palayo ang katotohanan sa kamay ng mga Pilipino.