Sidhi’t Silakbo: Nang hubarin ang saplot ng patriyarka

Sa pagdampi ng mga ilaw sa mga nakakalat na kamiseta at hiwa-hiwalay na maletang tila may alitan sa isa’t isa, binigyang mukha ng Sidhi’t Silakbo ang katauhan ng mga kababaihan na may iba’t ibang danas sa ilalim ng mapaniil na patriyarka.

Sa panulat ni Maynard Manansala, inilapat ng ika-46 na produksyon ng Dulaang UP ang mga mitolohiyang Griyego sa reyalidad ng mga kababaihang Pilipino. Patunay itong kahit sa magkaibang panahon at magkalayong lugar, sadyang matulis ang mga karayom na tumutusok sa damit ng kababaihan araw-araw.

Gayunpaman, hindi espesyal ang mga babaeng binuo ng manunulat katuwang ang dalawang babaeng direktor na sina Issa Manalo Lopez at Tess Jamias. At marapat lamang ito. 

Ipinarating ng dula na kadikit nating namumuhay ang karanasan ng mga kababaihan; na sa bawat paglingon o pananalamin ay may isang babaeng may sariling danas ng opresyon sa patriyarkal na lipunan. 

Nagsimula ang isang oras at dalawampung minutong palabas sa pag-akyat ng mga bida sa entabladong disenyo ni Carlo Pagunaling. Kasabay ng pagbuhay nila sa mga kamisetang nakasalampak ang pagdikta ng kanilang katauhan.

Sa pagdilim at muling pagbukas ng ilaw, nakalatag ang isang manipis at maliit na banig sa gitna ng tahimik, delikado at malagim na gubat. Tampok dito ang isang tulog na Ismene (Wenah Angeles) na mapupulikat ang pagdating ng kapatid na si Antigone (Uzziel Delamide). 

Dalawang magkaibang babae ang ipinakikita sa eksena: isang babaeng napilitang sukuan na ang inhustisyang dinanas ng kanilang kapatid at isang batang babaeng may masidhing pagkilala rito. 

Biktima ang kapatid nina Antigone at Ismene ng mga halimaw sa gubat ng probinsiyang Negros— mga sundalong nakasuot ng luntian at may tangan-tangang armas.

Gaya ng marami sa atin, naniniwala si Antigone na kaya pang baguhin ang mundo kung may angking tapang at katwiran lamang ang lahat.

Samantala, gaya ng matang hindi na pumipikit, maaaring tinuyo na ang pag-asa kay Ismene at binulag na ng pagkasawa sa paulit-ulit na karahasang nasaksihan. Walang ibang sinasabi ang dalawang bintana sa mukha nito kundi pagsuko.

Sa ganang dito rin ipinakilala ang isa pang karakter ni Angeles. Makikita ang paralelismo sa naunang tauhan bilang parehong mga babaeng hinulma at napasailalim sa kasalukuyang pamumuno ng patriyarka.

Ngayon, ang bagong karakter ay may berdeng unipormeng nabahiran ng pula, ang kulay ng dugo ng mga taong pinatay matapos paratangang terorista. 

Tinawid ng sinulid ng pagkababae ang mga manonood sa kwento ni Medea (Chic De Guzman), na kaharap ang lamesang lutuan, may hawak-hawak na kutsilyo at tila kinakausap ang mga kapwa babae sa online live kung paano hulihin ang asawang nangangaliwa. 

Sa huli, napagtanto niyang siya ang nararapat maging tagapakinig sa kaniyang mga payo. Sinasalamin ng istorya ang inaasahang papel ng kababaihan na manatili sa isang masalimuot at mapait na relasyon, gaya ng lasa ng mga gulay na hindi pa nakararamdam ng pagyakap ng apoy. 

Hindi gaya ng mapagtimping paggampan ni de Guzman, iba ang tabas ng sinulid ng Medea na tinampukan ni Adrienne Vergara.

Bilang isang OFW, nakabinbin sa maleta niya ang mga damit ng isang mapagpoot na ina. Hindi mabasa ang takbo ng kaniyang isip at kaluluwa nang gusto niyang bawiin ang buhay ng mga batang siya mismo ang nagdala sa mundo. 

Ipinarating ng karakter ang kakaibang hirap na kaakibat ng isang ina. Patuloy ang sagutan sa utak ng mga manonood kung sino ang sisisihin, siya ba o ang mas malaking sistemang hindi kumikilala sa danas ng kababaihan. 

Samantala, malalim ang pagkakabinbin sa mga kamiseta ni Andromache (Shamaine Buencamino). Sanay sa pagiging kimi at burgis, inilathala niya ang mga kwento ng mga babaeng pilit ikinukubli sa supot ng kahihiyan. 

Magkasamang inggit at paghanga ang mayroon siya para sa mga babaeng sanay libutin ang kama, dala ng pag-iimpi niya sa sariling seksuwalidad. 

Kinekwestiyon din ng karakter ni Andromache ang kasalukuyang pagtingin sa sex work bilang masama, nakadidiri at mapanggamit. 

Sa kasalukuyang pagkakahon sa mga kababaihan, pinatunayan ni Andromache na maaaring maging lugar ng paglipad ang pagsisid sa sekswalidad.

Ang pagsalungat dito ay pag-aambag sa mas malaking diskurso ng kasalukuyang pag-iral, kung saan hindi napakikinggan ang kababaihan sa kung ano ang tama at nararapat para sa kanila. 

Bumabalik tayo sa dahilan kung bakit monologo ang napiling uri ng pagkukwento ng palabas. Para babae naman ang tutukan ng mga malalakas na ilaw. Para babae naman ang bigyan ng espasyo sa entablado. Para babae naman ang boses na mangibabaw sa mga tinig ng panghuhusga, pang-aapi at panunupil. 

Sa iba’t ibang bag, maleta at imbakan nakasalansan ang mga kamisetang pilit nagkukumawala sa pagkakatago. Gumegewang-gewang ang tahi, hindi pantay-pantay ang gupit at magkakaiba ang disenyo. 

Kababaihan. Babae. Kakaiba. 

Kalakip ng bawat tupi, himulmol at gusot ang kwento ng isang babaeng malamang ay kilala ng bawat manonood ng palabas. Marahil siya mismo ang nanonood, nakaupo siya sa kabilang panig, sinasaksihang mahubaran ang sarili sa entablado.

Hindi na lamang iilan ang kinakausap ng ilaw matapos ang dula. Hindi na lang ang mga maleta’t kamiseta. Sa huli, tinututukan na ng liwanag ang mga kababaihang nakasaplot. May mga damit pa rin, ngunit sila na mismo ang pumili.