Sa madugong kasaysayan ng Pilipinas, libo-libong manunulat, mamamahayag at aktibista na ang dinakip at pinaslang dahil pilit na pinaninipis ang linya sa pagitan ng mga salitang “aktibista” at “terorista.”
Pinapatay ang mga nakikibaka bitbit ang mga karatula sa lansangan, habang pinapalakpakan naman ang mga nakaunipormeng utak-bala sa lahat ng kumukontra.
Sa panulat ni Bonifacio P. Ilagan at sa direksiyon ni Joel Lamangan, binigyang-buhay ng dulang “Spirit of the Glass” ang multo ng mga bayaning nakakubli sa dilim ng kasaysayan at walang-takot na nakipagdigma sa mga mapang-aping naghaharing-uri.
Mula pagkabata, itinuro sa atin na ang salitang bayani ay nakakabit sa pangalan nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gabriela Silang at iba pang nagtagumpay sa pagpapakilos ng mga Pilipino laban sa mga mananakop. Subalit, itinatak man ng ganitong sistema ng edukasyon ang kanilang danas sa ating isipan, nakapagtatakang inaantagonisa ngayon ang mga naglakas-loob sumunod sa kanilang yapak.
Mismong estado ang nangunguna upang supilin ang mga tumatangan ng armas upang palayain ang masang Pilipino mula sa mga kontemporaryong anyo ng paghaharing-uri tulad ng neokolonyalismo at burukrata-kapitalismo.
Sa panimula ng dula, matatanaw na payapang nagpapahinga ang kaluluwa ng dalawang matanda sa bahay na pinalalamutian ng mga makalumang gamit. Kalaunan, balisang pumasok sa eksena ang magbarkadang sina Rory (Barbara Miguel) at Badong (Edward Solon), kasama ang dalawang propesor na sina Bale (Carlos Dala) at Vivian (Elora Espano), matapos ma-red-tag ang “subersibong” aklat na kanilang isinulat.
Sinalamin ng pambungad na eksenang ito ang masalimuot na reyalidad na hinaharap ng mga mamamayang ipinaglalaban ang katotohanan sa ilalim ng kasalukuyan at nagdaang administrasyon.
Ang mga lapis ay binibiyak at pinupudpod, ang mga papel ay sinusunog, ang mga mikropono’y pinuputulan ng tinig, at ang Pilipino ay patuloy na pinatatahimik. Patunay ito na sa harap ng isang pasistang estado, sinusupil ang lahat ng porma ng pamamahayag, kabilang ang sining, lalo kung hindi nito pinagsisilbihan ang kanilang interes.
Lumobo ang tensyon sa dula nang dumating si Kapitan Franco (Edru Abraham) upang kausapin ang magkakaibigan. Binalaan nito ang kabataan na masama ang ‘di umano’y pagsusulsol sa taumbayan na magrebelde.
“Kung takot tayo sa aklat, sa literatura — may problema ang ating bayan,” matalim na tugon ni Bale.
Binalot ng pangamba ang dalawang propesor nang balikan nila ang mga alaala ng kapwa nilang aktibista na pinatahimik ng administrasyon. Si Jane, na ni-redtag, nilagay sa mga tarpaulin ang mukha, at biglang binaril ng riding-in-tandem. Si Chito na nanatili sa kaniyang bahay matapos ma-redtag, subalit dinakip pa rin at pinatay.
Sa pagtatago, napagtanto rin nina Vivian at Bale na napilitan silang iwan ang kanilang propesyon at pamilya. Ipinapakita nito ang dulot ng panunugis sa mga Pilipinong pinaratangan bilang kalaban ng estado. Na upang mabuhay, kailangan nilang iwan ang kanilang buhay.
Sa ganitong lente, hindi maikakaila na tinataniman din ng duda ang mga bumabaka sa pang-aapi. Sa halip na mas mapaigting pa ang kanilang pagpupursiging lumaban, sunod-sunod ang sampal at suntok sa kanilang mga paniniwala. Naiipit sila sa takot na iwanan ang pinaghirapan at takot na baka sila na ang susunod na biktima.
Bagaman taliwas ito sa karaniwang naratibo na ang takot ang nag-uudyok upang mas mapalakas ang tinig ng taumbayan, mahusay ang dula sa pagbabalanse ng samot-saring reyalidad ng maraming aktibista.
Gamit ang Ouija board, kinausap ng magkakaibigan ang mga pinatahimik mula sa iba’t ibang panahon: si Natalya (Angellie Sanoy), yaya at kalaro ni Rory na naging isang desaparecido sa administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo; isang mandirigmang nakipaglaban sa mga Kastila (Florencio De Guzman IV); isang dalagang binaka ang mga Amerikano (Cristiano Ponce); at isang aktibistang babaeng biktima ng extrajudicial killings (Bernadette Morales).
Sa isang eksenang binabalot ng hiwaga at pantasya, sinapian si Vivian upang malaman ang totoong nangyari kay Natalya – tinortyur, ginahasa at pinatay. Ang mga luhang tumulo sa pisngi ni Rory ang siyang nagdilig sa binhi ng katapangan ng apat na bumalik sa Metro at labanan ang mapaniil na estado.
Nagwakas ang dula sa pamamaalam sa tahanan at sa pagpapakita ng mga polyeto ng daan-daang dinukot ng mga nakaraang rehimen. Nagsisilbi itong paalala sa lahat ng manonood ng patuloy ang laban upang palitawin ang desaparecidos at hustisya.
Bilang aral, ipinakita ng dula na hindi limitado ang salitang “bayani” sa nakaraan sapagkat minamana ng rebolusyonaryong Pilipino ang katapangan at kagitingan sa pagtataguyod ng mga karapatan ng masa ngayon.
Sa halip na paratangan ng mga salitang pula’t terorista ang mga tumutuligsa sa bulok na sistema, nararapat lamang na sila rin ay gunitain at pagpugayan sa pagiging “bayani.”
Dahil ang kuwento ni Rizal ay kuwento rin ng isang mamamahayag sa likod ng dyaryo o mikropono. Ang kuwento ni Bonifacio ay kuwento rin ng isang rebolusyonaryo. Ang kuwento ni Gabriela Silang ay kuwento rin ng isang babaeng pilit binabaka ang patriyarka ng lipunan.