Marami akong oras tuwing Biyernes. Isa lang ang klase ko at alas-kwatro pa ito ng hapon. Pero ngayong linggo, iba ang naging takbo ng Biyernes ko.
Gumising ako nang maaga para ituloy ang transcript ng isang panayam na ginagawa ko mula pa kagabi. Ngayon, balak ko sanang tapusin na agad ito para makaabot sa pagbaha ng kulay itim.
Napagdesisyunan kong manatili na lang sa bahay, dahil masakit ang aking paa. Ang gawain ko para sa klaseng Panitikan at Karapatang Pantao (Pan Pil 197) na binalak ko sanang tapusin na sa campus ay dito ko na lang trinabaho.
Sa asignaturang ito, natapat sa akin ang usapin ng dignidad ng manggagawang ipinakita sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus. Tumatak sa akin ang isang bahagi ng tula:
“Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang.”
Nakita ko ang repleksyon ng tula sa nangyayari sa kasalukuyan — mga manggagawang nagtitiyaga sa kabila ng hirap ng trabaho para sa kanilang mga pamilya. Ang mga sakripisyong ito ang pinagpupugayan ng tula. Ibinibida rito ang kanilang mga ambag sa lipunan.
Pero sa reyalidad, hindi naman ganap na napupugayan ang mga manggagawa. Si Puhunan lang kasi ang laging kumukuha ng mas maraming benepisyo at mas nakikinabang sa pinagtrabahuan ng mas maraming Pilipino.
Habang sinusulat ko ang aking iskrip para sa pag-uulat, sinusubaybayan ko sa social media ang pagkilos ng buong komunidad ng UP Diliman sa nangyaring Black Friday walkout.
Nagtungo sa AS steps ang mga estudyante, mga guro at iba pang sektor ng pamantasan. Ramdam na ramdam ko ang bigat ng kanilang panawagang mapanagot ang mga taong sakim na naging dahilan ng pagkalunod ng maraming Pilipino sa baha. Kasabay ng agos ng martsa ng mga naka-itim, nanggilid din ang luha sa mga mata ko.
Sanay na akong makakita ng bahang itim. Magmula pa noong bata ako, bahain na talaga sa lugar namin dahil kapitbahay lang namin ang creek. Tila pumasok ang basurahan sa bahay namin — salo-salong kalat na hindi naman namin tinapon kasama ng mga nagsilutang na mga lumang gamit na hindi naman amin. Lumalangoy sa ilong ko ang masangsang na amoy ng nabubulok na basurang kumapit na sa tubig. Nakaupo ang nangingitim na tubig-kanal sa aming sahig.
Sanay na rin akong lumusong sa bahang itim. Wala naman akong magagawa, nasa loob na ng bahay ang ragasa. Sa kaunting ulan, ang bawat sulok at butas ng aming bahay ay agad na pinapasukan ng tubig.
Pamilyar na sa akin na makaramdaman ng lamig at lagkit ng tubig na kumakapit sa balat. Marka ito ng hirap na hindi mahuhugasan.
Nakasanayan ko na ang eksena tuwing bumabaha: mga gamit na inaakyat, mga upuan at mesang nagsisilbing bangka sa gitna ng nanggigitatang tubig.
Sawa na akong makita muli iyon. Kinamumuhian ko ang pakiramdam na nilulubog ang dignidad namin lalo ngayong sumisiwalat na ang pangkakamal ng iilan sa bilyon-bilyong pisong proyektong sana’y nag-ahon sa amin.
Nang matapos ako sa aking isinusulat, isa-isa naman kaming kumain ng mga kapatid ko. Hindi kami nagsabay-sabay dahil hindi nagkakasya ang limang plato sa mesa. Sa loob ng aming bahay, tanging ang mesang ito lang ang ginagamit namin sa pagkain, pag-aaral at bilang patungan na rin ng mga gamit sa tuwing binabaha kami kahit sa mahinang pag-ulan.
Isinisisi ko ang mga paghihirap na nararanasan ko sa mga sakim na nasa pwesto. Habang marami ang walang maayos at ligtas na tahanan, komportableng nakatira sa mga mansyon ang mga gahamang mga Discaya, mga Marcos at mga Duterte.
Sanay na akong makakita ng bahang itim. Pero sa lahat ng itim na bahang nakita ko, sa pagbaha ng mga tao sa AS steps lang ako naantig. Malakas ang naging pwersa ng pagtitipon . Lahat sila, iisa ang sigaw: “Ikulong na ‘yang mga kurakot!”
Mas lumakas ang loob kong tumindig pa laban sa mapang-abusong sistema sa lipunan. Mas lumakas ang pagtutol ko sa mababang pagtingin sa mga manggagawa, at higit sa lahat, sa pagkamkam ng mga buwaya sa pera ng taumbayan.
Tama nga si de Jesus. Anumang pagpupugay ang gawin para sa mga manggagawa, nariyan pa rin si Puhunan para angkinin ang pagpupuri at ang mga pinaghirapan nila. Hangga’t hindi nakukulong si Puhunan, mananatiling lubog sa baha at inhustisya ang mga masa. Hangga’t hindi tuluyang hinaharap ni Puhunan ang pananagutan, mananatili ang pagbaha ng katiwalian at patuloy nitong lulunurin sa kahirapan ang mga tulad naming lumulubog agad kahit sa saglit lang na pag-ulan.
Alas-kwatro na ng hapon ngayon. Katatapos lang ng malakas na pag-ulan. Umabot hanggang tuhod ang baha. Hindi ko sinubukang lumusong dahil natatakot ako ngayong mayroon akong sugat sa paa.
Mula Hunyo ngayong taon, 4,859 kaso na ng leptospirosis ang naitala ng Department of Health. Isa sa mga namatay dulot ng sakit na ito ang 20 taong gulang na si Dion Angelo Dela Rosa, isang estudyante mula sa Malabon. Pumanaw siya matapos lumusong sa baha mahanap lamang ang amang iligal na inaresto dahil umano sa paglalaro ng kara y krus. Itinanggi ng pamilya ang paratang na ito.
Nakagagalit.
Habang ang mga kurakot ay malayang nagbabatuhan ng limpak-limpak na pera, dinadakip ang mga simpleng Pilipino sa mga bintang ng gabaryang pagsusugal.
At habang ang marami ay naghihikahos sa pagtatrabaho para may maipambili ng gamit sa eskwela, may mga anak pa ng mga korap na lumalangoy sa pera at walang hiya-hiya itong ibinabalandra sa social media.
Hindi na ito laban lamang ng isang manggagawa o ng isang pamilya. Laban na ito ng buong bayan at ng mga lumalaban nang patas sa buhay — walang ni pisong nakaw, malinis ang konsensya.
Marami akong oras tuwing Biyernes dahil alas kuwatro pa ng hapon ang nag-iisang klase ko. Pero iba ang Biyernes na ito. Ika-12 ng Setyembre — nag-walk out ang buong unibersidad.
Ngunit nagsisimula pa lang ang laban. Pananagutin natin ang dapat managot. Babawiin ang perang nagmula sa hirap ng mga manggagawa. Aangkining muli ang dangal na matagal nang ipinagkakait.
Sa susunod, hindi na lamang AS steps ang babahain ng pwersang kulay itim. Dahil sa mga panahong ito, hindi na tayo muling lulubog.

