Sa harap ng malawak na silid-aralan, nakasabit ang malaking pisara. Sa itaas nito ay nakapuwesto ang isang maliit na orasan. Walang masyadong dekorasyon ang klasrum. Hindi malilito ang mga mata mo kung saan unang titingin kapag pumunta ka rito.
Kaya naman sa sandaling magsimula ang klase, kusang makakukuha agad ng pansin ang gurong nagtuturo sa harap. Tuwid ang kaniyang tindig, maliwanag ang pananalita na tila kalkulado na kung paano sasabihin ang bawat konsepto ng mga aralin. Higit sa lahat, pinakakapansin-pansin ang pagwika ng kaniyang mga kamay.
Sa puntong iyon, siya na ang sentro ng atensyon sa apat na sulok ng silid. Nakasalalay na ang pagkatuto ng mga Deaf student sa bibig at kamay ng gurong si Tessa Olayres, 28.
Hindi sa pagtuturo ng mga Deaf student nagsimula ang unang kabanata ng buhay-guro ni Tessa. Sa kaniyang pagdating sa Bagong Ilog Elementary School (ES) sa Pasig, nagsilbi muna siyang guro ng mga regular student sa kinder.
Nagbukas ng bagong landas ang kaniyang buhay nang malaman ng kaniyang mga superior na marunong siyang mag-sign language. Kuwento niya, natuto siya sa pamamagitan ng pag-enroll sa mga interpreting class. Simula noon ay itinalaga na siya bilang isa sa mga guro ng mga Deaf student sa kanilang paaralan.
Sa kasalukuyan, siya ay nagsisilbing multi-grade level teacher — nagtuturo sa mga self-contained, na Deaf class mula Kinder hanggang Grade 3 at tumatayong resource teacher para sa mga Deaf student na nasa Grade 4 hanggang Grade 6.
Ang self-contained Deaf class ay tumutukoy sa isang classroom setting kung saan lahat ng mga estudyante ay Deaf at walang kasamang hearing students.
Hindi madali ang pagtuturo para kay Tessa. Para maging angkop ang kaniyang paraan ng pagtuturo sa pangangailangan ng kaniyang mga mag-aaral, kailangan niyang maging malikhain at matiyaga.
“Modified lessons lang palagi pagdating sa Deaf. Hindi laging mabilis ‘yong pacing ng lesson compared sa regular. Sa mga regular, ‘di ba everyday kasi may bagong lesson?” saad ni Tessa.
Aniya, palagi siyang gumagamit ng mga larawan sa pagtuturo.
“For example din sa [Araling Panlipunan], halimbawa ‘yong Martial Law, ‘yan ‘yong mga ganiyang klase ng [lesson]. Siyempre bilang teacher, Kailangan mong magpakita ng mga video clips, ano nangyari, mga key points during that time,” saad ni Tessa.
At upang mas mapadali ang pagsagot ng kaniyang mga mag-aaral sa mga pagsusulit, dalawang pagpipilian lamang — isang tama at isang mali — ang ibinibigay ni Tessa sa kanila sa bawat tanong.
Si Tessa na lamang ang natitirang guro para sa mga Deaf sa Bagong Ilog ES matapos na mangibang-bansa ang isa niyang kasamahan at pumanaw naman ang isa.
Kulang ang Pilipinas ng mga gurong marunong magturo ng sign language – tinatawag na “signing teachers” – at Filipino Sign Language (FSL) interpreters. Ayon sa isang report, tinatayang nasa 1:1,000 ang ratio ng mga FSL interpreters sa mga Deaf individuals.
Aminado si Tessa sa mga balakid na kinakaharap niya bilang isang guro. Pero kahit na siya na lamang ang nag-iisang nagtuturo sa mga self-contained class ng mga Deaf student, hindi aniya siya pinanghihinaan ng loob.
“What keeps me going is that I don’t feel alone naman. May mga community na pinaparamdam na mahalaga ‘yong Deaf community para sa lahat,” ani Tessa. “Although mag-isa ako, parang feeling ko hindi naman ako mag-isa.”
Nagbabagong klasrum
Pugad ng diskusyon ang mga klasrum. May mga ideyang ibinabato, may mga argumentong umuusbong. Sa bagong midya ngayon, nagkakaroon na ng bigat ang talakayan sa loob ng silid-aralan: ano na ang tama at ano ang maling impormasyon?
Bagaman umuunlad ang digital space bilang ekstensyon ng espasyo ng pagkatuto ng mga Deaf, hindi laging positibo ang mga epekto nito. Ayon kay Willy Chowoo, isang investigative journalist sa Uganda, partikular na “vulnerable” ang mga Deaf sa misinformation at disinformation sa internet dahil kulang sila ng akses sa tamang impormasyon.
Isa sa mga hamong kinahaharap ng mga gurong tulad ni Tessa ang nagbabagong larangan ng midya kung saan laganap na ang pagkalat ng maling impormasyon at paglago ng Artificial Intelligence (AI).
Ibinahagi niya ang partikular na senaryo kung saan tuwing may anunsyo ng class suspension kapag masama ang panahon, nahihirapan ang Deaf community na tukuyin kung alin ang dapat na paniwalaan at alin ang hindi.
“Hindi naman sa lahat ng pagkakataon may nagsa-sign language sa mga ini-scroll nila sa Facebook. So ‘yong mga bata ko kasi kapag nadadaanan namin ‘yong about news, ganyan na topic sa English [class], lagi ko silang pinapaalalahanan na mag-ingat regarding fake news,” sabi ni Tessa.
Ikinababahala rin ng guro ang impluwensya ng AI sa kaniyang mga estudyante na karamihan ay nasa adolescent stage na.
“Minsan, baka may maka-chat sila na nagse-send ng mga picture na AI naman pala. So sabi ko sa kanila, be careful kapag nakakita kayo ng ganitong photos at videos,” aniya.
Sa mabilis na daloy ng mga impormasyon ngayon, isang pangmatagalang tungkulin ang paglaban sa mga mapanganib na content.
Nagulat si Tessa nang minsan niyang matuklasan na may nabuong group chat ang kaniyang mga estudyante na naging espasyo ng mga adult content kasama ang ilang tao na hindi mula sa Bagong Ilog ES.
“Malaki talaga ‘yong impluwensya ng social media or even ‘yong mga napapanood nila sa TV kung walang proper guidance,” idiniin ng guro.
Kaya para kay Olayres, lalong higit na mahalagang protektahan ang Deaf community na pangunahing nakadepende sa limitadong sign language sa bansa. Aniya, dapat silang magabayan dahil hindi naman lahat ng media platforms ay mayroong mga sumisenyas.
Sa ganitong hamon ng pagkatuto, kinikilala ni Tessa ang kahalagahan ng responsibilidad ng mga guro katuwang ang mga magulang ng mga mag-aaral.
“Nagkaroon kami ng progressive sign language seminar para sa parents. ‘Pag progressive, medyo conversational ‘yong mga tinuturo,” sabi ni Tessa.
Hindi tuwid na linya ang paggabay sa pagkatuto ng mga Deaf students, at lalo itong bumibigat dahil sa limitadong kakayahan ng kanilang mga tagapagturo.
Realidad ng paglaban sa katotohanan
Maraming beses nang nadadaanan ni Tessa sa kaniyang mga klase ang mga araling may kinalaman sa impormasyon. Gayunpaman, inamin niyang limitado lamang ang kaniyang kaalaman tungkol sa pagtuturo ng Media and Information Literacy (MIL).
Sa katunayan, isang beses pa lamang siyang nakadalo sa isang MIL training. Ito ay noong isinagawa sa University of the Philippines (UP) Diliman ang “Voices For Truth: A Fact-Checking Workshop for the Filipino Deaf Community” ng Union of Journalists of the Philippines-UP noong Setyembre 2025. Dinaluhan ito ng mga Filipino Deaf at mga guro para sa Deaf tulad ni Tessa.
“Kaming elementary teachers, we are not equipped enough regarding MIL. So sana magkaroon kami ng seminar regarding that,” sabi ni Tessa. “Siyempre bago matuto ang mga students, dapat teachers muna.”
Bilang guro, nais ni Tessa na matutuhan ang paggamit ng mga iba’t ibang tool para makapanuri ng mga AI-generated information.
KAUGNAY: Educators say UP MIL initiative fills gaps in ‘outdated’ DepEd curriculum
Mahaba-haba pa ang kailangang tahakin para maging ganap na inklusibo ang pagtuturo ng MIL sa mga paaralan. Marami ring kailangang isakatuparan para maging aktibong kalahok ang Deaf community sa nagbabagong midya.
Para kay Tessa, may isang pinakaimportanteng hakbang na dapat gawin – ang paglikha ng mga content na may kasamang sign language.
“The [Deaf community] will appreciate you more kapag you communicate with them through sign language,” sabi ni Tessa.
Sa loob ng silid, nagiging posible ang pagkatuto ng mga Deaf students dahil sa mga gurong tulad niya.
Magiging tiyak lalo ang pag-unlad ng kanilang kaalaman habang may mga gurong bukas sa pagkatuto at patuloy na naniniwala sa kakakayahan ng kaniyang mga mag-aaral. #
MULA SA PATNUGOT: Ang Tinig ng Plaridel ay opisyal na media partner ng Union of Journalists of the Philippines-UP para sa programang “Voices For Truth: A Fact-Checking Workshop for the Filipino Deaf Community.”

