Kilalang-kilala ko si Joy—Marie—Si Marie pala.
Mula pagkabata, ipinaramdam na sa akin ang buhay ng paglisan. Pawang mga Overseas Filipino Workers kasi ang mga tita ko. Mayroong nurse sa United Kingdom, server sa isang coffee shop sa Canada, at cashier sa maliit na grocery sa parehong bansa. May isa pa ngang nag-asawa ng foreign citizen dahil binansagang illegal immigrant. TNT. Tago raw nang tago.
Sinusundan ng Hello, Love, Again (2024) ang kwento ng paglalakbay nina Joy Marie Fabregas (Kathryn Bernardo) at Ethan del Rosario (Alden Richards) mula sa Hong Kong at Canada, tungo sa isa’t isa. Sa paglabas nila sa puting tabing ay ang kusang paghuhubad ng mga sarili–mapanumbat ang mga mata dahil sa mga dinanas sa panahon ng pag-iisa.
Yakap ng isang lumang kaibigan ang sequel na ito. Tila kasabay kong lumaki at nagmahal sina Joy at Ethan sa Hello, Love, Goodbye (2019). Itinuro sa akin ng naunang pelikula na maaaring magmahal nang walang hanggan, kahit dumadagundong na ang tawag ng oras. Isinabuhay nito na ang pag-ibig ay matatagpuan din sa pagpapalaya at pagsasabi ng paalam—o ng hanggang sa muli.
Maraming nagbago sa pagdating ng muli. Ibang-iba na si Joy sa ikalawang pelikula. Iba na ang buhok nito, bago ang pangalan, at mayroon nang sumisilip na Canadian accent. Lahat ng ito, matapos ang paghihiwalay nila ni Ethan. Tatak Direk Cathy Garcia-Sampana ang ganitong uri ng pagbabagong-anyo, a la Basha ng One More Chance (2007) o Laida Magtalas 2.0 ng It Takes a Man and a Woman (2013).
Sa likod ng maskara ni Marie nakatago ang noon ni Joy. Ang sangsang ng basurahan sa Hong Kong kung saan sila unang nagtagpo ni Ethan; ang mga araw ng pangangarap at pagkabigo; ang mga inosenteng alaala ng isang umiibig. Nakabinbin ito sa pusong pinatigas na ng mga hamon ng mundo. O ng tao.
Hindi rin matumal ang emosyon sa bawat sandali ng palabas. Paluan sa kilig, tawanan, at hikbi ang naranasan ng mga manonood sa bawat balikwas ng eksena. Salamat sa mga biro ni Jhim (Joross Gamboa) at pagpapansin ni Baby (Jennica Garcia), napapawi kahit papaano ang mga nagbabadyang pagtulo ng luha.
Sa takbo ng pelikula, patuloy ang tema ng paghahanap nina Joy at Ethan sa kanilang tahanan. Mula sa mga lugar na bago lang nilang napuntahan, hanggang sa mga taong bago lang nila nakilala. Sa mahaba nilang paglalakbay, kailan ma’y hindi dumapo sa isipan nila ang Pilipinas. Alam nilang hindi na ito ang lugar ng kanilang pahinga.
”Paglaki mo, mag-abroad ka ha,” bilin sa akin ito palagi ng lola ko mula pagkabata.
Para kasi sa nakararami, katumbas ng pangingibang-bansa ang magandang buhay. Malayong-malayo ang kalagayan doon kumpara sa Pilipinas. ‘Di hamak na mas mataas ang katas ng paggawa kahit sa mga blue collar na uri ng trabaho. Swerte pa kung mataas ang palitan ng piso kontra dolyar.
Pinipilit ng mga kundisyong ito na hugutin ang talampakan ng mga Pilipino papunta sa ibang nayon–sa lugar ng mga puti, sa lugar ng mga asul ang mata. Sa lugar ng mga benepisyo at karapatang halos hindi tinatangkang wariin ng ating mga panaginip.
Gayunpaman, iba pa rin ang turing sa mga Pilipinong hindi pa ganap na mamamayan sa ibang bansa. Ipinakita ng pelikulang ito na hindi uunahin ng anumang gobyerno ang mga dayuhan sa kanilang lupa. Hindi lang pera, ngunit pasensya sa isa’t isa ang inubos ng krisis kina Joy at Ethan. Pag-ibig na lang sana ang natira. Nanatili nga lang itong sana.
“In that future…”
Kapansin-pansing palaging panghinaharap ang pandiwang ginagamit ng mga karakter. Lalo na sa mga panahon ng nagbabadyang paglisan. Palaging nagpapahiwatig ng mga hangad para bukas, sa susunod pa, o sa mas malayo pang mga bukas. Pinapalagay nitong anuman ang mangyari, parating magkasama sina Joy at Ethan. Magkahawak pa rin ang mga kamay, kontinente man ang distansya mula sa isa’t isa.
Ngunit may mga eroplanong naaantala ang paglipad. Gaya ng may mga planong hindi nagkakatotoo. At sa mga panahong ito, bumibitaw ang wangis ng hinaharap. Pumipitlag ang mga pusong walang ibang kasalanan kun’di ang umasa.
Walang kakaiba sa pelikulang ito. Marami nang naisulat na mas malikhain at mas malikot ang takbo ng kwento. Ngunit hindi naman ito ang pangako ng pelikula. Kusa nitong tinutuklap ang mensaheng gusto nitong palabasin. Hindi ito nagmamakaawang mag-isip nang malalim ang mga manonood. Bagkus, humihiling itong magbalik-tanaw sila sa mga sari-sariling nakaraan.
Sa huling bahagi ng pelikula, napagtanto ni Joy na walang ibang daan sa noon at muli kun’di ang pagpapatawad. Hindi lang kay Ethan, ngunit sa sarili para sa mga pangarap na hindi lumipad–pagtanggap na hindi niya kasalanan kung kulang ang hangin sa ilalim ng kaniyang pakpak.
Hello, Love, Again. Pag-ibig man ang gitna ng pelikula ay hindi ito rito natatapos.
Sumasaklaw ito sa kwento ng mga babaeng palaging pasan ang responsibilidad ng pagpapatawad. Kwento ito ng mga taong patuloy na naglalakbay upang marating ang muli. Kwento rin ito ng mga taong, sa haba ng daang tinahak, sa sarili lang din nahanap ang tahanan.
Joy is here. Again. Hindi na niya kailangang magtago kay Marie. Hindi na siya TNT.

