Walang makapipigil sa pakikibaka ng babae sa ‘Lakambini’

Parang bogus lang sa umpisa ang porma ng Lakambini: Gregoria de Jesus. “Meta-documentary film,” bansag nila. Isang pelikulang tungkol daw sa pelikula. Nagsimula sa aktingan. Lumundag sa behind-the-scenes ng producer. Sumulyap sa hinaharap. Sinawsawan ng mga eksperto. At siningitan ng mga apu-apuhan ng bida. 

Tipong tinamad magtahi kaya pinagtagpi-tagpi na lang ang mga retaso. 

Pero bago pa man rumolyo ang closing credits, may biglang tatama sa’yo: Hindi lang isinasalaysay ng Lakambini ang militanteng buhay ni de Jesus. Binabaklas din nito ang tradisyunal at machong istilo ng historical biopics na kadalasang lalaking bayani ang isinasapelikula. 

At wala nang pormang mas swak pa kay de Jesus, mas kilala bilang “Ka Oriang,” na hinamak ng kasaysayan sa anino ni Andres Bonifacio, tagapagtatag at supremo ng rebolusyonaryong Katipunan.

Sumubsob ang Lakambini sa landas na ‘yan matapos tumiklop ang sponsors ng pelikula noong 2015 at huminto ang produksyon sa ika-siyam na araw pa lang ng taping. Naunang tanggihan ng Metro Manila Film Festival ang pelikula dahil kulang daw sa combat scenes, ani Lakambini producer na si Ellen Marfil. 

As if ‘yon lang ang requirement ng heroism,” saad ni Marfil sa isang talkback ng pelikula noong Nobyembre 15 sa Cubao, Quezon City. 

Makalipas ang isang dekadang pagpupumilit nina Marfil na buoin ang pelikula, naipalabas na rin sa wakas ang Lakambini sa mga sinehan. Kaba-kabanata nitong binabakas ang aktibong papel ni Oriang sa himagsikan mula pagsapi sa kilusan hanggang pagtanda nang wala ang unang asawang si Bonifacio.

Sa direksyon ni Arjanmar Rebeta, hindi nasayang ang mga eksena nina Lovi Poe (bilang de Jesus) at Rocco Nacino (bilang Bonifacio) sa paunang direksyon ni Jeffrey Jeturian noong 2015. Humalo ‘yan sa mga bagong kuha kina Elora Españo at Gina Pareño bilang Oriang, panayam sa mga historyador, mga kaanak ng bayani at mga liham na sulat mismo ng Lakambini ng Katipunan.

Ngunit wala pa rin namang combat scenes si Oriang sa pelikula. “She really did combat, but that wasn’t the important thing for me,” ani Marfil. 

Sa Lakambini, rebolusyonaryo si Oriang hindi lang dahil nangabayo siya o nagsuksok ng baril sa lupi ng paldang abaca alinsunod sa makalalaking batayan ng kagitingan. Rebolusyonaryo siya dahil niyakap niya ang kakayahang mag-alaga ng mga rebeldeng sugatan at mamuno ng kababaihan sa kilusan. 

Inaruga ni Oriang ang himagsikan. At hindi ito kabawasan sa kaniyang militansya bilang babae. Ganiyan tinatanggihan ng Lakambini na tasahin ang ambag ni Oriang sa Katipunan mula sa punto de vista ng lalaki. 

Sa una’y naging makalat ang datíng ng pelikula bunsod ng pagpapalit-palit ng mukha ni Oriang sa screen. Naghahalinhinan kasi si Poe at Españo sa pagganap bilang dalagang Lakambini, maliban pa kay Pareño na gumanap naman bilang nakatatandang Oriang. 

Pero kalauna’y matatanto mong angkop lang ito para sa bayaning mahigit isang siglong tinanggalan ng mukha at isinilong ng kasaysayan sa bantog ng pagiging byuda ni Bonifacio. 

Ipinamumukha ng Lakambini na walang iisang itsura si Oriang at ang sinumang babaeng nakikibaka. Binuhay ng maamong mukha ni Poe ang dalagang Lakambining hindi nagpapigil sumanib sa Katipunan. Sinalamin naman ng nanggagalaiting mga mata ni Españo ang Oriang na tatlumpung araw nanggalugad ng kabundukan habang humihiyaw-hiyaw ng “Andreees!” upang makita ang iwinalang bangkay ng kaniyang kabiyak. At kinatawan ng inugat na mga kamay ni Pareño ang bayaning nagsatitik sa “Mga Tala ng Aking Buhay” upang ipamana ang kaniyang militansya sa kabataan. 

Iba’t ibang hugis. Parehong militansya.

Mahirap sabihing palusot lang ang casting na ito para maigpawan ng Lakambini ang isang dekada nitong production nightmare. Sa halip, kasangkapan ‘yan ng pelikula upang ipamahagi ang spotlight ng sinehan sa iba pang militanteng babaeng binura sa kasaysayan gaya nina Josephine Bracken, Gabriela Silang o Tandang Sora. 

Hindi makasarili ang Lakambini. At sa pagsisikap nitong ibulgar ang lakas ng kolektiba ng kababaihan sa loob ng Katipunan, hinamon ng pelikula ang mga tanyag na historical period dramas na nagpahintulot sa mga lalaking bayani na sarilihin ang kadakilaan ng himagsikan.

Nagtapos ang Lakambini sa malapanaginip na pagsalubong ni Oriang (Pareño) sa mga historyador, organisasyon ng kababaihan, production team ng pelikula at mga apu-apuhan niyang nagsanib-puwersa sa pagbuo ng pelikula. 

Umuugong ang hangin sa bawat tipa ng kulintang sa awiting “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na isinulat ni Bonifacio noong 1896. Lumuluha ang buong teatro. Mahigit 82 taon nang patay si Oriang pero ngayo’y tumatagos ang bawat hikbi niya sa screen. Kinakamayan niya ang producers ng pelikula. Parang nagpapasalamat na tinapos sa wakas ang kaniyang kwento. 

Usually, the victors write the story. But this time, it is her,” saad ni Marfil. 

Pero ang totoo, malayo pa sa dulo ang paghihimagsik ni Oriang, dagdag ng producer.

Mitsa pa lamang ang Lakambini ng mas malawak na rebolusyon ng pamemelikulang hindi makakalimot sa lugar ng babae sa pakikibaka. Pamemelikulang hindi pipigil sa pagkababae ng kolektiba maging sa antas ng porma.

“Dahil walang bayang iniluluwal nang wala ang kababaihan,” ani Marfil.

Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersyon ng artikulong ito ay ipinasa sa kursong Feature Writing (J111) ni Kat. Prop. Adelle Chua.