UP Naming Pamahal Nang Pamahal

Mula sa patnugot: Ang tauhang nagsasalaysay sa unang panauhang pananaw ay kathang-isip lamang.

Tawanan, kwentuhan at sunod-sunod na mga yabag. Palubog na ang araw pero buhay na buhay pa rin ang Bulwagang Palma pagdaan ko rito — malayo sa nararamdaman ko pagkatapos ng sunod-sunod na klase.

Sa buong maghapon, nagpalipat-lipat ako sa magkakalayong mga gusali ng bawat kolehiyo dahil sa magkakaibang kursong kinukuha ko. Kaya hindi na rin ako nagulat nang maramdaman ang pagkalam ng aking tiyan ngayong pauwi.

Mula Palma ay napagdesisyunan kong pumunta ng Area 2 para bumili ng hapunan. Hawak ko ang iniingatang P100 para sa una at tanging pagkain ko ngayong araw. Ano kaya ang bibilhin ko? Tusok-tusok? Shawarma? Kung rice meal, anong ulam? Makakayanan pa bang punan ng halagang ito ang pagkagutom ko sa maghapon?

Mahigit isang kilometro rin ang layo ng aking lalakarin. Nakapapagod siya lalo na para sa katulad kong kanina pa naubusan ng lakas.

Sa aking pagbaybay, may isang grupong mabilis ang lakad na lumagpas sa akin. Itim na itim ang kanilang kasuotan. May bata, may matanda. Ang nangunguna ay may bitbit na watawat at ang mga kasunod ay may hawak na mga karatula. Hindi ko man nabasa ang nakasulat, karaniwan na ang ganitong senaryo sa loob ng pamantasan.

Ang paninindigang bakas sa kanilang bawat hakbang, patungo sa parehong direksyong tinatahak ko ay nagsasabing may malinaw silang pakay. Hindi ko na ito gaanong pinansin nang tuluyan silang lumayo dahil nakatuon na rin ang aking atensyon sa bawat tapak ko sa mainit na sementong bumibigat dahil sa unti-unting paghina ng aking katawan.

Nang malagpasan ko ang Kalayaan Residence Hall ay nagsimulang lamunin ng ingay sa kalye ang mga bumabagabag sa isip ko. Isang matinis at kumakalabog na sigaw mula sa megaphone ang umalingawngaw sa pagitan ng mga gusali — tumatama sa mga pader, sinasalo at ibinabalik ang bawat pantig.

Pagkatapos ng unang sigaw ay sumunod ang mabigat at sabayang tugon ng maraming tinig. Isang chant na dumadaloy sa hangin: “UP, not for sale! We are not for sale!”

Hinabol ng tainga ko ang tunog hanggang sa matunton ko ang pinanggagalingan nito. Agad kong namataan ang malaking pagtitipon-tipon sa tapat ng magarbong gusaling kilala ng lahat. 

Naroon ang iba’t ibang sektor: mga estudyanteng hindi pa naghuhubad ng kani-kanilang backpack, mga maninindang may bitbit pang pamaypay at tuwalya at ilang empleyado ng pamantasan na silang may tangan ng mga naglalakihang megaphone. Lahat, nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa. Pare-parehong nakakunot ang kanilang noo at bawat hiyaw ay puno ng pagod, poot at tapang.

Sa kanilang mga kamay ay mga plakard na gawa sa kupas na karton, tinta ng marker na kumalat at mga linyang isinulat nang may gigil at sigasig.

Sa bawat titik na nakasulat sa balatengga ay dama ko ang bigat at pighati ng kanilang panawagan.

“Serbisyo sa tao, ‘wag gawing negosyo!
No to commercialization of academic spaces!
Pamantasang makamasa, hindi makabulsa!”

Sa kanilang sigaw, ramdam ko ang init at galit na tumatagos. Galit sa pagpapakitang-tao ng administrasyon. Galit sa pag-uuna ng interes ng kapital.

Nang mahigitan ng hiyawan ng taumbayan ang kulog ng aking tiyan, doon ko lamang napagtanto na isang taon na pala ang nakalilipas mula nang buksan ang DiliMall. 

Maaaring isang karaniwang araw lamang ito para sa iilan, ngunit para sa mga estudyante at manininda ay isa itong malagim na paalala ng tahasang panghihimasok ng komersyalisasyon sa mga espasyong pangkomunidad.

Bagong simula..?

Malinaw pa sa aking alaala ang unang beses kong makita ang mga kalkuladong guhit na bumuo ng floor plan para sa panibagong proyektong binansagang DiliMall.

Mula sa labas, kumikislap ang tatlong palapag ng gusali na parang bagong bituin sa gitna ng pamantasan: matingkad, makintab at nakasisilaw.

Sa sobrang taas nito ay tila nalulusaw sa kalangitan ang dulo ng gusali, isang paglalantad ng distansyang naghihiwalay dito sa komunidad. Sa loob, nariyan ang mga establisimyentong dati’y tanging sa malalaking mall lamang matatagpuan: Robinsons Easymart, Power Mac Center at kung anu-ano pang serbisyong pang-ginhawang kapalit ang malaking presyo.

Sa orihinal na plano, ilulugar sa itaas ng mall ang mga lokal na manininda, habang sa unang palapag pupuwesto ang mga negosyo ng naglalakihang korporasyon.

Mula rito ay malinaw na agad kung sino ang pinapaboran ng liwanag at sino ang itinataboy sa dilim. Sa pagsiksik ng mga manininda sa mga matataas na palapag ay ramdam ang puwersang nagtutulak sa kanila palayo sa komunidad; isang kalagayang malayo sa diwang taglay ng lumang Shopping Center. 

Taong 2023 nang magdilim ang kalangitan sa Diliman dala ng alikabok ng konstraksyon. Marahil, isa na namang senyales ng paparating na unos. Ang bawat ugong ng makina ay parang pintig ng puso ng gusali na unti-unting binubuhay rito. Sa kabilang banda, namumuo naman ang takot at pagkabahala ng mga nakapuwesto sa katabi nitong Area 2 dala ng mga biglaang clearing operation na naganap nang walang abiso.

Ayon sa administrasyon, kinakailangang isagawa ang proyekto upang mapunan ang kakulangan sa pondo ng pamantasan.

Ngunit ang pangangatwirang ito ay tila isang gusaling pininturahan bago matuyo ang semento: pinipilit pagandahin ang labas kahit lantad ang mga bitak sa pundasyon na sumisigaw ng katotohanan sa ilalim.

Paanong naging kaakibat ng komersyalisasyon ang unibersidad na itinatag para sa bayan? Sa likod ng “kaunlaran” ay ang unti-unting paglimot sa prinsipyong dapat ay walang mapag-iiwanan.

Matapos kong sandaling pagmasdan ang nagaganap na pagkilos, naglakad na ako papasok ng Area 2. Habang binabagtas ko ang masikip na kalye, iniisip ko pa rin kung saan gagastusin ang iniingatang isang daang piso.

Ilang ulit akong tumigil bago tuluyang nauwi sa isang combo meal ng karinderya: adobo na may kaunting sabaw, chopsuey na malamlam ang kulay at isang mainit na sandok ng kanin — at sa halagang P80 lamang. Muling kumalam ang aking tiyan sa nakita.

Kahit na gusto ko ipagdiwang ang maliliit kong tagumpay matapos ang mahabang araw sa pamamagitan ng simpleng pagbili ng masarap na pagkain para sa sarili, hindi ko maalis sa aking isipan ang mga nag-proprotesta. Kahit na malayo na ako sa DiliMall ay rinig ko pa rin ang hinihiyaw nilang mga panawagan. 

Saglit lang ako sa karinderya dahil wala akong oras na pwedeng sayangin. Bukod sa takdang-aralin ay marami pang bumabagabag sa isip ko, responsibilidad na naghihintay pag-uwi at ang paulit-ulit na problema sa pera. 

Paglampas kong muli sa harapan ng post office, napansin kong wala nang masyadong tao sa harap ng DiliMall.

Ngunit matapos man ang pagkilos at muling balutin ng katahimikan ang paligid, lumulutang pa rin sa hangin ang mga katanungang walang tiyak na kasagutan.

Hanggang kailan tayo kawawawain ng mga patakarang
nakadistansya sa kapakanan ng komunidad?

Hanggang kailan ang panlilinlang na
ang mall ay para sa “kaunlaran”?

At marahil dulot ng kuryosidad, unti-unti akong hinila ng aking mga paa patungong DiliMall upang makita kung ang liwanag ba nito ay isa lamang mapagsamantalang kislap na nagkukubli ng dilim.

Hindi kailanman magiging totoo ang sinasabi nilang kapalit ng lumang Shopping Center ang DiliMall hangga’t hindi natutupad ang pangakong bibigyan ng espasyo ang mga lokal na manininda. Kung ginawa sana ito, marahil ay nabawasan ang mga nawalan ng puwang at ang gusali mismo ay mas masigla, puno ng kabuhayan at naglalaman ng mas maraming abot-kayang opsyon para sa pagkain at pang-akademikong pangangailangan.

Hindi ako nakapagtagal sa loob ng mall. Sa paglabas ko sa kabilang dulo nito, sinalubong ako ng malagkit na hangin at alikabok, ang realidad na iniikutan ng komunidad na malayong-malayo sa gawa-gawang kaginhawaan ng mga komersyal na espasyo. 

Habang naghihintay ng ikot jeep ay hindi mabura sa aking isipan na para akong naliligaw na bisita sa sarili kong tahanan. Minsan ko na ring naitanong sa aking sarili kung anong problema nga ba talaga ang nalulutas ng DiliMall. Ang matugunan ang pangangailangan ng tunay na serbisyo, o ang paigtingin ang walang-katapusang gutom ng kapital?

Nang magtakipsilim ay sa wakas, nakasakay na ako pabalik sa aking dormitoryo. Kahit sa mga ganitong pagkakataon ay ramdam pa rin ang kakulangan dahil sa mahabang pagitan ng pagdating ng jeep sa mga sakayan. 

Habang papalayo ang jeep sa mall, tanaw ko pa rin ang dambuhalang parol na nagngangalang DiliMall sa gitna ng dilim na nakapalibot dito. 

Nakakakilabot, at higit sa lahat, nakakagalit. Tila ilusyon lamang ang hungkag na aninong natatanaw kong nagmumula sa gusali. Dahil ang katotohanan ay nasa mga imaheng araw-araw kong nasasaksihan: ang mga silid-aralang nangongolekta ng alikabok, mga kisameng tumutulo sa kakaunting ulan, mga dormitoryong siksikan, mga mag-aaral na nagtatrabaho sa mga pasilyo dulot ng kakulangan sa mga espasyo, at mga maninindang pinapaalis sa pwesto — mga realidad na nananatiling itinatago sa dilim.

Sa pagdaan ng jeep sa harap ni Oble, napatawa na lamang ako dahil sa kabalintunaan ng kasalukuyang estado ng pamantasan. Simbolo nito ang hubad at malayang pag-aalay ng sarili sa bayan, isang pagkakakilanlan na inaasahan sa parehong pamantasan at mga iskolar ng bayan. Ngunit ngayon, sa pamumuno ng administrasyon, sinasapawan na ng liwanag ng naglalakihang komersiyalisadong gusali ang komunidad na minsang kumapit dito, hanggang sa anino na lamang ang natira.

Marahil, pagkalipas ng isang taong panghihimasok sa kalupaan ng Diliman, ito na rin ang tunay na tagumpay ng DiliMall: nagkaroon na ng mall at matagumpay na ring ibinenta ang ideya na ang liwanag ay laging mabuti.

Sa salamin ng jeep ay natanaw ko ang isang lumang sticker: UP Not For Sale. Kupas na ang pula, ngunit buo pa rin ang mga letra. Naalala ko ang mga pulang bandilang binabaybay ang parehong kataga sa harap ng Oblation noong nakaraang taon.

Sa isang iglap ay parang bumalik sa akin ang mga tinig ng komunidad: mga tinig na pumupuna, kumekuwestiyon at humihingi ng lunas sa mga problema.

Sa bawat ikot ng jeep sa araw-araw nitong ruta, dala ng sticker ang paalala na hindi kailanman naglalaho ang diwa ng paninindigan at pakikibaka ng komunidad sa loob ng unibersidad.

Sa katahimikan ng biyahe, marahan kong naisip na freshman pa lamang ako at marami pang taon ang aking bubunuin sa pamantasan. Ngunit sa bawat kuwento ng paglaban na naririnig ko at sa bawat araw na pinipili ng komunidad na manindigan, nabubuo sa akin ang tiyak na paniniwalang hindi permanente ang komersyalisasyong ito — sana nga.

Hindi kailanman magiging kasagutan ang komersyalisasyon sa pagpupunan ng kakulangan ng pondo sa pamantasan. Hindi kailanman magiging tunay ang pag-unlad kung nagpapabusog lamang ito sa iilan.

Tunay ngang sumasalamin ang UP sa bansang hinahati ng pribilehiyo at dilim ng pagpapabaya.

Sa ngayon, pinanghahawakan ko pa rin ang pag-asang darating din ang panahon na mawawakasan ang dilim ng kapitalismo dahil sa puwersa ng nag-iisang paghahanay ng komunidad.

Dahil ang tunay na kaunlaran ay nakasalalay sa kolektibong lakas ng nagkakaisang komunidad.

Ang UP ay mananatiling UP hangga’t ipinaglalaban ito ng mga tunay na bumubuo rito.