Isang araw na lang bago sumapit ang araw na pinakahihintay ng mga bata. Ang panahon ng kasiyahan, pagbibigayan at pagmamahalan. Ngunit sa halip na tuwa, pangungulila ang aking tanging nararamdaman.
Bata pa lamang ako nang iwan ako ng aking ama. Sa mahabang panahong iyon, inaruga at minahal ako ng aking mga tiyuhin at tiyahin kasama ang aking lolo at lola. Sila ang nagbibigay gabay sa akin sa tuwing sasapit nang muli ang malamig na Pasko. Maraming kapaskuhan na ang lumipas na hindi ko kapiling ang aking ama. Mahigit labing-anim na taon na rin ang aking pamamalagi sa mundong ito nang hindi siya nakasasálo sa isang mesa.
Pasko man ang simbolo ng pagbibigayan, para sa akin, ito ang simbolo ng panibagong taon ng pangungulila. Ang paulit-ulit na panahon ng pag-alala sa kaniya.
Tanda ko pa noon, may tradisyon sa amin sa tuwing darating na ang bisperas ng kapaskuhan. Kailangang magsabit ng medyas para mapunan ng mga regalo mula kay Santa.
Masaya akong namili ng malaking medyas para naman malaki rin ang matatanggap kong mga aginaldo. At kailangan kong matulog nang maaga, para kapag sumapit na ang alas dose ng gabi, makakapiling ko na ang matagal ko nang hinahangad. Ngunit ilang taon na ang lumilipas. Ilang medyas na ang aking isinabit. Ilang pasko na rin ang nagdaan, ngunit hindi ko pa rin nakakamit ang laging hiling na regalo.
Sa paglipas ng maraming pasko, maraming bagay ang hindi nasaksihan ng aking ama. Ang pag-indak ko sa entablado sa tuwing magtatanghal ng awiting pamasko sa eskuwelahan. Ang pagbabalot ko ng ihahandog na regalo sa aking kamag-aral sa tuwing may christmas party. At ang pangungulila ko sa kaniya tuwing nakasasaksi ng mga batang buo ang pamilya. Ang mga bagay na hanggang ngayon ay walang kasiguraduhang katuparan.
Sa katotohanan, mas mailap pa sa puting uwak ang pagkikita namin ng aking ama. Bumibisita ngunit mas madalas ay nasa ikalawang pamilya ang kaniyang atensiyon, bagay na siyang nagtanim ng karagdagang pagkamuhi sa akin.
Wala akong magawa dahil musmos pa lamang ako. Kailangan kong tanggapin ang mga bagay na iniatang sa akin ng tadhana. Maraming tanong sa sarili, maraming gustong kasagutan. Ngunit walang kayang magbigay nito kung hindi ang hangarin kong mahagip ako ng pagmamahal at kalinga ng aking ama, kung kaya ba niya akong tanggapin sa kaniyang bisig kung sakaling humingi ako ng munting regalo sa kaniya.
Ano ba ang dahilan? May kailangan ba akong patunayan? Ano ba ang kailangan kong gawin para lamang tanggapin akong muli ng aking ama?
Paulit-ulit inilalako sa atin ang ideyang ang pasko ang simbolismo ng kasiyahan, pagbibigayan at pagmamahalan. Ngunit kaiba sa akin. Tumataon lang ang hiwaga ng kapaskuhan sa aming buhay kapag nakaramdam na kami ng kapayapaan. Umabot sa puntong wala na kaming maihanda sa mesa. Walang regalong maibabalot. At wala nang mga batang patuloy na umaasa. Hindi gaya ko, na patuloy na umaasang babalik ang tunay na hiwaga ng kapaskuhang hindi ko pa makita sa liwanag ng mga bumbilya. Hindi marinig sa himig ng mga musika. At hindi maanino sa rikit ng mga palamuti. Bagkus sa akin, ang tunay na hiwaga ng kapaskuhan ay ang patuloy na pagsasama-sama sa puso, isip, diwa, sa pagkalinga at pag-aruga.
Kaya hindi ako sumukong mangarap at humiling tuwing pasko. Sa pag-asang masusuklian ang mistulang pangangatok at pangangaroling ko sa tadhana habang humihingi ng kusing na pag-apuhap sa puso kong uhaw sa pag-ibig ng isang haligi ng tahanan.
Sadyang lulan ng maraming pagkabigo ang aking buhay. Tumuntong ako sa edad ng pagkamulat na kailangan kong tahakin mag-isa ang bawat paskong nagdaraan. Sa lungsod kung saan ako napadpad para hamuning muli ang sarili na patuloy gunitain ang papalapit na namang kapaskuhan. Kung saan malayo ako ngayon, sa kinagisnang salo-salong kasama ang ibang pamilya, ngayon ay yumayakap sa akin ang tunay na himig ng pag-iisa. Ang lamig ng panahon. Ang bisa ng pangungulila. Ang kabalintunaan ng pagmamahalan at kasiyahan. Kapiling ko nang muli ang kalungkutan. Dahil ngayon dito sa Maynila, hindi ko pa rin kapiling ang nais kong mabigyan ng regalo. Tanging ang busina ng mga sasakyan ang maririnig. Ang huni ng mga batang lansangan na naghahanap din, marahil gaya ko, ng tunay na hiwaga ng kapaskuhan.
Ngunit dahil malabo pa rin ang bisperas ng pasko, gaya ng paniniwalang totoo si Santa, marahil hindi rin totoo ang simbolo ng kapaskuhan. Dahil kahit paulit-ulit akong nananabik sa araw ng Disyembre 25, hindi galak ang aking buong nadarama. Panibagong araw na naman ng pagkamuhi. Panibagong tanim ng pangungulila. At panibagong pagbabalot ng regalo buhat ng kadalamhatian.
Kaya ngayon, sa darating na Pasko, wala na akong tanging hihilingin pa. Mahal ko ang bisa ng awiting pampasko, pagkain sa mesa, regalo ni Santa at ang medyas na nakasabit sa bintana. Ito ang salalayan ng aking pag-alala ngayong Pasko. Ito rin ang araw ng aking pag-alala sa aking ama at sa kaniyang mga bisig na minsan ko ring pinangarap na paglagakan ng aking nanlalamig na katawan sa tuwing iihip at magpaparamdam ang lungkot ng gabing hindi natin kayang iwasan ang kalungkutan.
Kaya sa mga gaya kong anak na nangungulila sa pagmamahal ng kanilang ama sa tuwing darating ang araw ng pasko, sana ay matanggap na natin ang regalong na siyang papawi sa luha ng kalangitan, sa nagbabadyang kalungkutan; ang luha na minsang naging lunan natin sa tuwing tayo ay iiyak, luluha, malulungkot, magagalak, matutuwa at mangungulila.
Sa bawat paskong darating, ang tanging hiling ko lang palagi, buhaying muli ang diwa ng pasko sa mga batang nangungulila gaya ko.