Marcos-Duterte admin, pangunahing red-tagger — UP student councils

Pangunahing sangkot ang administrasyong Marcos-Duterte sa malawakang terror-tagging, panggigipit at pagmamanman laban sa mga mag-aaral at guro, ayon sa mga konseho ng mag-aaral mula sa iba’t ibang kampus ng University of the Philippines (UP) System.

Nagpasa ang mga lider-estudyante ng isang resolusyong kinokondena ang sistematikong political violence ng administrasyon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte sa ika-60 na General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Diliman mula Pebrero 5 hanggang 7.

PANUORIN: Ano ang GASC?

“Mariin naming ginigiit na ang academic freedom at democratic spaces ay pundasyon ng isang malayang lipunan. Ang takot at pananakot ay walang lugar sa mga institusyong pang-edukasyon,” saad ng UP Mindanao University Student Council (USC). “Ang terror-tagging ay hindi lamang pag-atake sa mga indibidwal kundi sa mismong diwa ng kritikal na edukasyon at karapatang magpahayag.” 

Ayon sa mga konseho, ang sari-saring kaso ng panggigipit sa mga estudyante at ibang kawani ng pamantasan ay bunga ng sistematikong terror-tagging o pag-uugnay ng isang indibidwal sa “terorismo” nang walang batayan.

Kabilang sina UP Diliman USC Chairperson Joaquin Buenaflor at iba pang lider-estudyante sa mga sinampahan ng estado ng mga gawa-gawang kaso ng sedition at inciting to sedition dahil sa pakikilahok nila sa protesta kontra-korapsyon sa Mendiola noong Setyembre 21, 2025.

BASAHIN: USC chair Buenaflor subpoenaed by PNP for organizing anti-corruption protests — OSR

Nagkalat naman ang mga terror-tagging poster sa loob ng UP Los Baños (UPLB) noong Pebrero 9 na naglalaman ng mga mukha ng mga lider-estudyante — karamihan ay organizer ng taunang February Fair sa UPLB.

Mga terror-tagging flyer na natagpuan sa loob ng UPLB campus noong Pebrero 9, isang araw bago ang 2026 February Fair. Larawan ni Geraldine Balingit

Sa UP Cebu naman, dalawang kandidato para sa konseho ng mga mag-aaral ang umatras sa kandidatura noong Mayo 2025 kasunod ng red-tagging attacks laban sa partidong Nagkahiusang Kusog sa Estudyante.

Ang terror-tagging, na anila’y pinangungunahan ng administrasyong Marcos-Duterte, ay nakaugat sa RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, giit ng mga konseho. 

Patuloy ring tinutuligsa ng mga lokal at internasyonal na human rights groups ang nasabing batas dahil sa malabo nitong depinisyon ng terorismo at pananamantala ng estado upang supilin ang mga kritiko ng pamahalaan kagaya ng red-tagging. 

Ayon sa tala ng Ateneo Human Rights Center (AHRC), mahigit 60% ng 456 na kaso ng red-tagging online noong 2024 ay pinalaganap ng administrasyong Marcos-Duterte.

Pumapangalawa naman ang kabataan sa mga biktima ng red-tagging, kasunod ng civil society groups kagaya ng mga non-governmental organizations, dagdag ng AHRC.

Sa pagtalakay ng resolusyon sa GASC, idiniin ni UP Visayas USC Chairperson Aljo Benedicto na patuloy ang pag-atake ng estado sa mga aktibista at mag-aaral dahil banta sila sa mga “pinagtatakpan” ng pamahalaan.

“May gustong pagtakpan ang estado. Gusto nila pagtakpan ang kanilang korapsyon,” ani Benedicto. “Gusto nilang pagtakpan ang kanilang mga dinastiya kaya nagkakaroon ng terror-tagging. Tayong mga aktibista, tayong mga nage-expose sa kanila ay banta sa kanila.”

Sinusulong din sa resolusyon ang panawagang ibasura ang Anti-Terrorism Act at agarang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na patuloy na nakatatanggap ng malaking pondo sa kabila ng kasaysayan nito ng red-tagging sa mga mag-aaral. 

Tinatayang nasa P8.08 bilyon ang inilaang pondo para sa NTF-ELCAC sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act. Tumaas ito nang 314% mula sa 2025 budget nito na ?1.95 bilyong piso. May kaakibat ding P1 bilyong line item ang programa sa badyet ng Department of the Interior and Local Government ngayong taon.

‘Ugnayan ng UP at AFP-PNP, buwagin’

Kasama rin sa panawagan ng mga konseho ang pagbuwag sa UP-Armed Forces of the Philippines (AFP) Declaration of Cooperation na pinirmahan ng administrasyon noong 2024. 

“Pinapaslang at patuloy na inaaresto ang mga aktibista dito sa Pilipinas at hanggang ngayon ay hindi sila nabibigyan ng hustisya,” ayon sa UP Diliman University Student Council. “Sa kabila nito, wala pa ring suporta na binibigay ang administration ng UP Diliman at nakikita pa natin silang nakikipag-partner sa PNP (Philippine National Police), katulad na lamang noong pinaka-recent na partnership nila with CHK.”

Para sa mga konseho ng mga mag-aaral, nagagawang makipagkasundo ng administrasyon ng pamantasan sa mga pwersa ng estado sa kabila ng kawalan nito ng pangmatagalang suporta at aksyon sa maraming banta sa seguridad at pagpapatahimik sa mga estudyante.

Noong Enero lamang, pinirmahan ng UP at College of Human Kinetics (CHK) ang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang PNP-Special Action Force (SAF) para sa umano’y preparasyon nito sa United Arab Emirates SWAT Challenge, isang taunang kompetisyon ng iba’t ibang police units sa buong mundo. 

BASAHIN: UP, CHK urged to revoke partnership with PNP-SAF 

Matapos mapawalang-bisa ang 1989 UP-Department of National Defense (DND) Accord sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021, tumaas din ang bilang ng nabuong partnerships sa pagitan ng UP at mga pwersa ng estado, ayon sa ulat ng Tinig ng Plaridel noong 2025

BASAHIN: UP’s partnerships with state forces intensify since UP-DND Accord termination

Giit ng mga nag-akda ng resolusyon ng GASC na muling ibalik ang 1989 UP-DND Accord dahil tinataguyod anila ng kasunduan ang pagbabawal sa pagpasok ng mga militar at kapulisan sa pamantasan nang walang abiso. 

Ang pagkakaroon ng militar at kapulisan sa loob ng unibersidad ay banta sa komunidad ng UP  dahil sa mga operasyon nitong nauuwi sa harassment, intimidasyon at karahasan sa mga mag-aaral at guro. 

Kaugnay nito, naghain naman ng hiwalay na resolusyon ang konseho ng mga mag-aaral na palakasin ang alyansa ng mga lider-estudyante sa unibersidad upang panagutin ang rehimeng Marcos-Duterte at patuloy na isulong ang mga kampanya kontra-korapsyon sa bansa. 

Ang mga konseho ng mag-aaral ng UP Manila College of Arts and Sciences, UP Cebu, UP Open University at UP Pharmaceutical Association ang may akda ng naturang resolusyon. 

Umabot sa 16 na resolusyon ang inaprubahan sa GASC upang tugunan ang iba’t ibang isyu sa loob at labas ng unibersidad. 

BASAHIN: UP student councils approve 16 resolutions at 60th GASC