Nang Natutong Lumikha ang Bata

Mula sa Patnugot: Ang likhang ito ay kathang-isip lamang.

 

Naging makulay ang mundo mo nang ako ay iyong nakilala.

Naaalala mo pa ba kung paano tayo unang nagtagpo? Nagsimula ang lahat noong nasa elementarya ka.

Unang araw ng klase at may ihinanda nang gawain ang iyong guro. Hawak-hawak ang ilang pirasong papel, ipinamahagi niya ito sa bawat isa. Kalakip nito ang isang munting paanyaya.

“Ano ang gusto mong maging pagtanda?”

Sa harap mo, nakalatag ang isang set ng walong pirasong krayolang nakabigkis sa kahong hindi mo pa nabubuksan.

Bagaman kumpleto ang dala-dala mong materyales, mayroon pa rin palang kulang. Nakahanda man ang mga pangguhit, ngunit ang iyong isipan ay isang malawak na espasyong walang anumang nakaukit. Wari nito’y mas blangko pa kaysa sa papel sa iyong harapan.

Hinalughog mo ang bawat sulok ng iyong isipan upang hanapin ang mga ideyang tila nakikipaglaro sa’yo ng tagu-taguan. Ilang sandali ang nakalipas nang nabaling ang atensyon mo sa mahinang pagsitsit na umalingawngaw sa’yong pandinig.

Psst. Psst!

Pinakinggan mo itong maigi at agad na napatingin sa paligid. Subalit, hindi mo mawari kung sino sa kanila ang tumatawag. Tahimik na nagbabantay ang iyong guro, habang abala naman ang iyong mga kamag-aral sa pagkulay ng kanilang mga pangarap. 

Huy! Yohoo!

Paglingon mo sa’yong kanan, doon mo natagpuan ang kasagutan. Masigla kang kinakawayan ng isang stick man, suot-suot ang kaniyang lab coat, asul na panloob, puting sapatos at stethoscope. Gusot-gusot man ang papel na kinalalagyan, naging malinaw pa rin sa’yo ang katauhan niya bilang doktor.

Pansinin mo naman ako!

Pagbaling mo sa kaliwa, ibang katauhan naman ang bumungad. Sa ilalim ng asul na kalangitan at araw na nakasiksik sa sulok ng papel, may malaking eroplano sa tabi ng lalaking matikas ang tindig at pormal ang kasuotan. Putol man ang kaniyang krayola, agad mong napagtanto ang hangarin niyang maging isang piloto.

Nang ibinalik mo ang iyong tingin sa’yong papel, sa isang kisapmata, bigla kang nahulog sa kawalan. 

Madilim. Mabilis ang kabog ng dibdib. Ngunit hindi ka kinakabahan.

Hinayaan mong tangayin ka ng hangin hanggang sa madama mo ang banayad na haplos ng lamig sa paligid. Natagpuan mo ang iyong sarili sa kalawakan ng iyong imahinasyon.

Maya-maya pa’y pinalibutan ka ng mga ulap na nag-uumapaw sa hiwaga. Isang milagro na ang mga bituing noo’y kay layong abutin, sa sandaling iyon ay kaya mo nang abutin.

Matapos ang makulay mong paglalakbay, idinuyan ka ng mga ulap pabalik sa iyong upuan. At sa wakas, may nabuo ka nang obra sa’yong harapan.

Ikaw man ang pinakahuling nakapagpasa, naging kalugod-lugod pa rin ang iyong gawa. Katulad ng iba, kinaya mo ring makalikha ng isa pang bersyon ng iyong sarili. 

Doon mo unang nalaman kung paano lumikha ng pangarap. At doon mo rin unang napagtantong ang matagal nang tumatawag sa’yo ay yaong stick na nasa harapan mo. 

Sining — iyan ang aking pangalan. 

Ako ang unang nagturo sa’yo na ang buhay, kaakibat ang mga pangarap at hangarin, ay hindi perpekto at nagmamadali. Kahit na putol-putol na krayola ang ipangkulay at gusot-gusot na papel ang gamitin, mahusay at makulay pa rin ang kinalabasan.

At magmula nang nabighani ka sa hiwaga kong taglay, mas naging makulay na ang iyong mundo. Hindi ka na tumitingin sa iginuguhit ng iyong mga katabi dahil natutuhan mong tumingin nang deretso at palawakin ang imahinasyon mo.

Naroon ako sa bawat yugto ng iyong pagkabata. Hinele kita — at ang iyong mga pangarap — hanggang sa makatulog ka nang mahimbing at masabik sa bawat araw na darating.

Sa pagkahumaling mo’y nagpatuloy ka sa pagbuo ng pangarap at nakalikha ka pa ng mas maraming bersyon ng iyong sarili. Sa rami, hindi mo na namalayang nagmistulang museo na ang kwarto mo. Isa-isa mong ipinaskil sa pader ang iyong mga obra. Naging makulay ang mga ito pati na ang mismong pag-iral mo.

Matatanaw mo sa pader ang iba’t ibang anyo ng sarili na minsang naniwala sa lahat ng posibilidad. Magkaiba man ang hugis, kulay at estilo, iisa ang ideyang nangibabaw: lahat sila ay repleksiyon ng iyong pagkakakilanlan at kinabukasan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, marami ang nagbago. Ang buhay mo’y naging malayo na sa ipinakikita ng iyong museo. Sa iyong pagtanda, hindi mo na maiiwasan ang tawag ng responsibilidad sa labas ng apat na sulok ng iyong kwarto. 

Kalauna’y kinailangan mo ring harapin ang reyalidad ng mundo. Ang dating maaayos at tuwid na linyang bumubuo sa iyong mga pangarap ay napadpad na sa gitna ng kalsadang dinadaanan ng iyong bus papuntang trabahong pinapasukan.

Bitbit ang maraming hamon ng buhay, nalimutan mo nang hawakan ang iyong lapis at mga pangkulay. Hindi na ikaw ang batang minsang nahumaling sa pagguhit. Unti-unting lumamya ang iyong pagtanaw sa kinabukasan. 

Kumupas ang pananabik mo at nagbuhol-buhol na ang mga hangaring hindi mo maunawaan. Sa paglisan ng nawawalang bahagi ng iyong puso, dama mo ang pagmumulto ng sarili mong pagkatao.

Yakap-yakap ng mapanlinlang na pangungulila, inakala mong naglaho na ako ‘pagkat kay tagal mo nang hindi naramdaman ang aking presensiya. 

Ngunit ang hindi mo napagtanto, hindi mo kailanman ako maililibing. Natutuhan ko lamang kung paano tumahimik at mamayapa. Iwanan man, itapon o sirain, mabubuhay pa rin ako sa’yong puso’t isipan. 

Ang sining ay mapagpalaya. Sa aking pag-iral, hindi ko hangaring isiksik ang iyong mga pinangarap sa puso mong naubusan na ng puwang para sa mga ito. Hindi ako nananatili sa iisang anyo at lalong hindi ako nakakulong sa mga pader ng kwarto mo. Hindi mo kinakailangang buhayin isa-isa ang mga drawing na ipinaskil mo noon. 

Malaya kang lumikha ng panibago — sa paraang akma sa kung sino ka ngayon.

Kaya kung ngayo’y naguguluhan ka, gunitain mo kung paano ka nangarap noong bata. Marahil kailangan mo lang muling magmunimuni sa harap ng blangkong papel. Baka kailangan mo munang tasahan ang iyong lapis o kaya nama’y palitan ang mga krayola. Lahat ng ito ay maaari mong gawin kapag ika’y handa na.

Gaano man kalaki ang iyong pinagbago, palagi kang may kasama. Katulad ng itinuro ko noong bata ka, hindi mo kailangang makipag-unahan sa iba. Malaya kang bumalik sa umpisa kahit gaano pa kalayo ang iyong naabot.

At kahit hindi na natin parehas mabilang ang mga taon na nakalipas matapos mo akong makalimutan, hindi kita kailanman susukuan.

Maaari ba ulit tayong maging magkaibigan?