Pagsibol ng Tradisyong Mirasol

Sinasalamin ang maliwanag na sinag ng haring araw, isang mahabang hagod ng dilaw ang matatagpuan sa gitna ng University Avenue sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman tuwing nalalapit ang pagtatapos ng isang panuruang taon.

Tila isang obra maestra ang kahabaan ng kalsada dahil sa libo-libong mga mirasol na siyang palatandaan ng mga mag-aaral upang humayo at harapin ang kanilang nakatakdang gampanin sa lipunan.

Ugat ng tradisyong ito ang pangarap at mga aral na dala-dala ng sangkaestudyantehan hanggang sila’y mamulaklak at buong tapang at dalisay na harapin ang kinabukasan.

Ngunit para sa mga taong ang gampanin ay ang pagbunga ng mga ito, ang mirasol ay isang hudyat ng simula ng kanilang trabaho.

Sa dalawang taong pamamalagi ni Jefferson “Jeff” Guiao sa unibersidad bilang agricultural technician ay gamay na niya ang pagtatanim ng mirasol. Aniya, mayroong tatlong proseso ng pagtatanim upang maging maganda ang bunga: cultivation, planting, at fertilizing.

Nagsisimula ang kanilang kalbaryo halos 100 araw bago ang mismong seremonya ng pagtatapos. Mula sa pagbubungkal ng lupa hanggang sa pagtatanim ng mga punla at paglalagay ng pataba, bilang ang bawat araw upang sumakto ang pagsibol ng mga mirasol. Ang bawat araw ay sagrado, ang bawat galaw ay kalkulado.

Ngayong taon, humigit kumulang 25,000 na punla ang itinanim sa University Avenue, hindi pa kasama ang 500 paso ng mirasol na ipapamigay sa bawat kolehiyo at ginamit na pang-disenyo ng entablado.

Taon din ang inialay ng pamantasan para pag-aralan ang wastong tubo ng mga halaman. Ika nga ni Emiliano Sotalbo, isa sa mga ugat ng mabulaklak na tradisyon, nagsimula ito bilang isang eksperimento noong 1970s.

Sinsigurado ng Campus Maintenance Office (CMO) na laging maayos ang pagbunga ng mga mirasol anumang unos ang kanilang harapin. 

Maaraw man o umulan, bumagyo man o masunog sa ilalim ng tirik na araw, kahit pa dumaan ang pandemya ay palaging nariyan sina Kuya Jeff upang pangalagaan ang kanilang mga pananim.

Pinamunga ng kanilang mga kamay ang daan na nagsisilbing gabay ng mga iskolar ng bayan palabas ng pamantasan at tungo sa lipunang kanilang pagsisilbihan.

Pinakamasaya namin yung [masaksihan] sa graduation mismo [ang pagsibol ng mga mirasol],” saad ni Kuya Jeff.

Larawang-sanaysay ni Richardson Tubo, katuwang sina Patricia Fontilar at Trisha Nasam

Bilang tradisyon, itinatanim sa University Avenue ang punla ng mga mirasol halos dalawang buwan bago ang itinakdang pagtatapos ng mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD).
Tinatayang halos 25,000 na punla ang itinanim noong Mayo 14.
Sa pangunguna ni Jefferson Guiao, sinimulan ang pagbubungkal ng lupa sa University Avenue noong Abril 11.
Ayon kay Kuya Jeff, binubungkal ang lupa para magkaroon ng mas malalim na ugat ang mga itatanim na mga punla.
Isang trabahador ng Campus Maintenance Office (CMO) ang patapos na sa pagbubungkal ng lupa noong Mayo 14, nang dumaan ang lalaking nagjo-jogging patungong Academic Oval.
Nagbigay babala ang CMO sa mga dumadayo sa University Avenue patungkol sa pagtapak at pagputol ng mga itinanim na mga mirasol.
Makalipas ang ilang buwang paghahanda, nagsibol na ang mga mirasol noong Hunyo 17 sa University Avenue, Diliman sa harapan ng Oblation.
Bago magsimula ang pagtatanim ng mga mirasol, una munang tinanggal ang mga bato sa lupa at nagbawas ng mga damo noong Abril 11. Mahalaga ang parteng ito upang tumubo ng maayos ang mga ugat ng mirasol at mabawasan ang kanilang kompetisyon sa sustansya ng lupa.
Pawisang sinalubong ni Domingo Judavar ang pagsikat ng araw sa University Avenue. Dahil sa patuloy na pag-init sa Pilipinas, inagahan na nila Kuya Domingo ang pagbubungkal ng lupa upang hindi abutin ng nakalulusaw na tirik ng araw. Kadalasang nagsisimula ng 6 n.u. at nagtatapos ng 7 n.u. ang kanilang trabaho.
Isang buwan matapos ihanda ang lupa, nagsimula na ang pagtatanim ng mga punla ng mirasol noong Mayo 14.
Hindi katulad ng mga nakaraang taon kung saan ang buong kahabaan ng University Avenue ang tinataniman, mula guard house na lamang hanggang harapan ng Oblation ang pinagtaniman ngayong taon. Ito ay dulot ng kawalan ng taga-bantay mula sa mga bumubunot ng mirasol lampas ng checkpoint.
Gamit ang asarol, muling binubungkal ang lupa bago magtanim ng punla para mas malaki ang espasyo na pagtutubuan ng ugat ng mirasol.
Tig-apat na punlang binili pa mula Japan ang sinisigurong itinatanim kada butas upang matiyak na lahat ng tinaniman ay mayroong tutubong mirasol.
Buhat-buhat ni Domingo Judavar ang isang asarol sa kaniyang balikat habang tumatawid papuntang kabilang banda ng kalsada para magbungkal pa ng lupa.
Binibilinan ni Monica Gonzales ang mga mag-aaral mula sa kolehiyo ng arkitektura na nagkusang loob na tumulong sa pagtatanim ng mirasol.
Tig-iisang dakot ng pinatabang lupa ang itinatapal sa mga tinanim na punla ng mirasol. Sa pamamagitan ng pinatabang lupa na hinaluan na ng iba’t ibang compost, mas mapapabilis ang pagtubo ng mga mirasol dahil sa sustansyang dala nito.
Upang maiwasang matapakan ang mga halaman, hinahagis na lamang ni Stephen Rowel Regunton ang patabang lupa upang maabot ang pinakaloob ng pinagtaniman.
Inabutan na ng tirik na araw si Joey Cableros dahil kailangan matapos ng isang araw ang pagtatanim sa buong University Avenue. Hindi katulad ng pagbubungkal ng lupa na pwedeng gawin sa iba’t ibang araw, dapat isahan lang ang pagtatanim ng mirasol para sabay-sabay ang kanilang pagsibol.
Matapos ang labing-isang araw mula sa pagkatanim, namunga na ng mga dahon ang mga mirasol sa University Avenue noong Mayo 23. Saad ni Kuya Jeff, bahagyang mabagal ang pagtubo ng mga mirasol ngayong taon dulot ng makulimlim na panahon at naantalang pagtatanim dahil sa eleksyon noong Mayo 12.
Gamit ang arag-arag, sako-sakong mga tulagay na pataba ang dala ni Kuya Sonny, isang reliever ng CMO, habang binabaybay ang gilid ng University Avenue noong Hunyo 2.
Ang paglalagay ng pataba ay kadalasang ginagawa tatlong araw hanggang isang linggo mula sa pagtubo ng halaman.
Isa-isang nilalagyan ng pataba ang mga halaman upang mas mapabilis ang pagtubo ng mirasol. Lingguhan ang paglalagay ng pataba ngayong taon upang mahabol ang pagsibol ng mga mirasol sa araw ng pagtatapos ng mga mag-aaral.
Hindi alintana ang nakapapasong tirik ng araw, ngunit patuloy lamang si Laurence Bayani sa pangangalaga ng pagtubo ng mga mirasol para sa nararating na araw ng pagtatapos.
Upang mapadali ang trabaho, bitbit nila ang mga baldeng pinaglalagyan ng Urea. Dala ng Urea, isang patabang kemikal, ang nitrogen na nakatutulong sa photosynthesis ng mga halaman.
Sa kalagitnaan ng pagtatanim, nagpahinga muna sila Kuya Jeff sa gilid ng kalsada sa University Avenue bago tapusin ang paglalagay ng pataba.
Mahigit kumulang 500 na mirasol na nakatanim sa paso ang pinangalagaan nina Administrative III Virgie Buereo, 54, sa planting nursery ng CMO. Ayon kay Kuya Jeff, kalahati ng mga mirasol na nakapaso ay ipinamimigay sa mga kolehiyo habang ang natitirang kalahati naman ay ginagamit ng CMO pangdisenyo.
Matatagpuan sa planting nursery ng CMO noong Abril 11 ang iba’t ibang halamang nakatanim sa paso na pinangangalagaan nina Agency Personnel Arlyn Loreto, 46. Ani Ate Arlyn, ang mga nakapasong halaman ay ginagamit din bilang pangdisenyo sa buong pamantasan, kasama na ang mga mirasol.
Sa kabila ng makulimlim na kalangitan, naging matagumpay ang pagsibol ng mga mirasol sa University Avenue, kahit na mas maliit ito kumpara sa mga tubo noong mga nakaraang taon. Kadalasang umaabot ng anim hanggang pitong talampakan ang mga mirasol ayon kay Emilio Sotalbo, dating direktor ng CMO.
Kumukuha ng litrato noong Hulyo 17 ang isang mag-aaral na nagtapos sa UPD, ilang linggo na ang nakalipas mula sa araw ng pagtatapos.
Umulan man at umaraw, sinalubong ng mga nagsipagtapos ang sinag ng hile-hilerang mirasol sa University Avenue noong araw ng kanilang pagtatapos, Hunyo 6, ng panuruang taong 2024-2025.