[EDITORYAL] Labis na ang sandaang pagkakataon

Isang daang araw na ang lumipas mula nang umupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang.

Palubog pa lang ang araw. Kung indikasyon ang nakaraang tatlong buwan sa magiging takbo ng kanyang administrasyon sa susunod na anim na taon, asahan nating magtatagal pa bago masilayan ang bukang-liwayway.

Dama sa pitaka ng mga ordinaryong Pilipino ang sakit na dinaranas ng pambansang ekonomiya. Pumalo ang inflation rate ng bansa sa 6.9% nitong Setyembre at lumagapak sa P59 ang halaga ng piso kontra dolyar. Hindi rin nakatulong ang pagtaas ng bilang ng mga walang hanapbuhay.

Dagdag pa rito ang kulang na suporta para sa ating mga magsasaka laban sa nagbabadyang krisis sa agrikultura. Kalakip pa nito ang bilyong pisong halaga ng pinsala sa mga sakahan sa Luzon dala ng bagyong Karding.

Kahit sa edukasyon, malinaw ang kanilang kawalan ng kongkretong plano. Nagawa pang ipagmalaki ng administrasyon ang di umano’y “matagumpay” na pagbubukas ng mga klase noong Agosto kahit na nagkaroon ng kakulangan ng mga silid-aralan at kaguruan.

Hindi pa nababanggit dito ang halos sabay-sabay na kamakailang pagbibitiw ng executive secretary, press secretary at pinuno ng Commission on Audit. Hindi pa rin pinapangalanan ng administrasyong Marcos ang permanenteng kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan sa gitna ng pandaigdigang krisis dulot ng COVID-19.

At higit sa lahat, masidhi pa rin ang pag-alingasaw ng nakaraan. Bukod sa  pagsasawalang bahala ni Marcos sa mga kasalanan ng kanyang ama ay tahasan pa niya itong pinagtatanggol.

Tunay ngang nanunumbalik ang mapapait na mga imahe ng kasaysayan noong pinaslang ang mga mamamahayag na sina Rey Blanco at Percy Lapid. Nitong Biyernes lamang, isa na namang brodkaster ang walang habas na inatake sa ilalim ng sikat ng araw. Patuloy pa rin ang kultura ng walang-pakundangang pagpapatahimik at pagpatay sa mga tagapagtaguyod ng katotohanan.

Ang unang sandaang araw ng isang administrasyon ang siyang makapagtatakda ng direksyon at ambisyon nito sa susunod na anim na taon. Naging tanyag ang konseptong ito sa Estados Unidos bilang panukat ng paunang pagsasakatuparan ng mga adhikain ng pangulo, mula pa sa panahon ni Franklin Roosevelt.

Arbitraryo ang pagpapahalagang binibigay natin sa unang sandaang araw ng isang pangulo. Talagang masalimuot ang mga suliraning kinakaharap ng bansa upang ganap na malutas ang mga ito sa loob ng maikling panahon.

Ngunit, hindi ba nararapat lamang na gugulin ni Marcos ang kanyang buong lakas at oras sa tapat na paglilingkod at hindi sa labis na paglilibang? Hindi ba nararapat na matugunan muna ang mga pangangailangan ng sambayanang Pilipino sa lalong madaling panahon?

Hindi na dapat nakapagtataka na ganito kawalang-laman ang listahan ng mga konkretong plano ng administrasyon dahil bakanteng plataporma lang din naman ang kanyang iniharap sa taumbayan noong panahon ng kampanya.

Sa halip ng makamasang pagtugon sa mga isyu ang kanyang isagawa, tila prayoridad pa niya ang pagpapaliban ng halalan sa mga barangay, pagkokompromiso ng seguridad ng mga mamamayan sa SIM Registration Act at paglalaan ng bilyong piso mula sa kaban ng bayan bilang “confidential funds.”

Ito na nga ba ang ginintuang panahon na kay tagal nang ipinangako sa ating mga Pilipino?

Nabigyan na si Marcos ng isang daang pagkakataon, ngunit sa bawat dapithapon at takipsilim na lilipas ay lalo pang titindi ang nakatakdang paniningil.