Bumaliktad na ang mundo ni Rodrigo Duterte.
Ang dating Kamara na di magkamayaw kung pumalakpak tuwing babanggitin ni Duterte na handa siyang pumatay para sa War on Drugs ay ang parehong bulwagang sumasakote sa kanya ngayon.
Isiniwalat kamakailan ni dating police colonel Royina Garma sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara na binabayaran ng malaking halaga ang bawat pulis kapalit ng pagpatay sa mga drug suspects. Tinaguriang “Davao Model,” direktang idinawit ni Garma sina Duterte, Senador Bong Go at mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group bilang mastermind ng proyektong ito.
Sa testimonya ni Garma, lumalabas na kapalit lamang ng P20,000 hanggang P1 milyon ang buhay nina Kian delos Santos at mga libo-libong nasawi dahil sa War on Drugs.
Ngunit hindi na nakakagulat ang rebelasyon ni Garma. Sapagkat kinukumpirma lamang nito ang natuklasan ni dating senadora Leila de Lima na sistematikong pagpatay sa mga drug suspects sa Davao City noong alkalde pa lamang si Duterte. Sa kabila nito, ipinagsawalang-bahala ng Kongreso noon ang mga namumuna sa War on Drugs upang makuha ang loob ng pangulo.
Sila na tahimik habang lumalangitngit sa dilim ang pagtangis ng bawat pamilyang namatayan ng mahal sa buhay ang siya ngayong nag-iingay at nagkukumahog agawin ang mikropono upang kastiguhin ang dating administrasyon. Naglilinis-linisan ang dating mga handang lumuhod sa lupa–maipakita lamang ang kanilang katapatan kay Duterte–kahit mamantsahan man ng dugo ang kanilang mamahaling barong.
Halang ang kaluluwa ng mga taong piniling pakinggan ang boses ng pinunong lango sa kapangyarihan kaysa katigin ang bulong ng kanilang konsensya. Marahil may ibang ngayon lamang minumulto ng kanilang katahimikan. Ngunit paniguradong ang karamihan ay sumusunod lamang sa kumpas ng administrasyon, lalo’t nailantad na ang huwad na pagkakaisa sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.
Dalawang bagay ang hindi napaghandaan ni Duterte sa kabila ng tagal niya sa pulitika. Una, pugad ng kaipokrituhan ang Kongreso. Pangalawa, ang tanging permanente sa mundo ng pulitika ay hindi kaaway o kaibigan, bagkus interes lamang—na kahit ang dati mong mga pinaka-pinagkakatiwalaang kaalyado ay hindi maasahan sa panahong bago na ang himnong kinakanta ng koro.
Sa katunayan, ang isa sa mga naglunsad ng mga pagdinig laban kay Duterte ngayon, si Rep. Ace Barbers, ang nangunguna sa pagsuporta ng giyera kontra droga sa mababang kapulungan noon. Kabilang si Barbers sa mga nagsampa ng panukalang batas na sintensiyahan ng kamatayan ang mga gumagamit ng droga.
Lantaran ding sinabi ni Barbers na pagtutuunan niya ng pansin ang tagumpay ng drug war sa kanyang ulat sa ASEAN kahit alam niyang may nangyayaring pang-aabuso sa karapatang pantao sa programang ito ng administrasyon.
Bagama’t hakbang patungo sa tamang direksyon ang mga pagdinig ng Quad Committee, hindi pa rin dapat malimutan kung sino-sino ang mga dating kasabwat sa giyera kontra droga ni Duterte. Lalo pa’t hindi na babalik muli ang mga nasayang na buhay dahil sa salapi. Mananatili na lamang silang alaala sa mga pamilyang hanggang ngayo’y nagluluksa dahil sa kawalan ng hustisya.
Kaya naman hamon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga susunod na buwan na panagutin sina Duterte para sa kanilang mga krimen dito man sa ating mga lokal na hukuman o sa International Criminal Court. Huwag sanang gamitin lamang ng liderato ng Kamara ang mga naratibo ng mga biktima ng drug war para lamang sa away-pulitika.
Ngunit ang malaking tanong ay kung handa ba ang administrasyong ipatupad ang sarili nitong kamay na bakal para kina Duterte?
Bagama’t nagpalit ng pinuno, pinaiiral pa rin ni Marcos Jr. ang istilo ng War on Drugs ni Duterte. Mahigit 820 na ang mga naitalang drug-related deaths mula Hunyo 2022 hanggang Oktubre 2024, ayon sa Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center. Ibig sabihin nito, isang tao ang pinapaslang bawat araw sa bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Malayo ang sinasabi ng datos sa ipinangalandakan ni Marcos Jr. na “bloodless” drug war sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hunyo.
Nagmimistulang pagbabalatkayo lamang ang mga imbestigasyon sa Kamara kina Duterte kung nakahalaw pa rin sa War on Drugs ng dating pangulo ang estratehiya ng kasalukuyang administrasyon ukol sa isyu ng iligal na droga.
Makakamit lamang ng mga biktima ang tunay na hustisya kung kikilalanin ng pamahalaan na hindi kailanman solusyon ang karahasan upang resolbahin ang paglaganap ng mga iligal na droga sa mga komunidad. Dahil sa huli, lumalala ang problemang ito buhat ng kakulangan ng kanilang suporta sa mga abuse treatment at rehabilitation centers. Hanggang hindi nakikita’t nauunawaan ng pamahalaan ang problema sa droga ay krisis pangkalusugan, patuloy na dadanak ang dugo sa bayan.
Darating din ang araw na babaliktad ang mundo para sa mga piniling panoorin lamang ang mga pulis na itrato tila basura ang halaga ng buhay. Tanda ng kasaysayan kung sino-sino ang nagbingi-bingihan habang umuulan ng bala pagkagat ng dilim. Di mahuhugasan ng kahit anong mamahaling sabon ang kadungisan ng mga kamay na pumatay sa libo-libong kababayan.
At kung umabot sa panahong ‘di mapapanagot ang mga salarin sa trahedya dulot ng War on Drugs, hindi lamang boses ng mga pamilya ng mga biktima nito ang maririnig. Taumbayan na mismo ang maniningil.