Bitbit ng daan-daang kataong nagmula sa iba’t ibang sektor ang apoy na masidhing kumokondena sa inisyatibang Pax Silica kasama ang mga katutubong Aeta ng Gitnang Luzon na pangunahing dinarambong at winawasak nito.
Sa pagsibol ng Pax Silica, inaasahang libu-libong pamilya, magsasaka at katutubo mula sa Capas, Tarlac ang masisiraan ng kabuhayan at mananakawan ng tirahan.
Tinatayang nasa 20,000 na Aeta at katutubo ang binabantaang palalayasin nito, ayon kay Kalikasan National Coordinator Cathleen De Guzman.
Taliwas sa mga mabubulaklak na pangako ng administrasyon at ng Estados Unidos, nagbabalatkayo lamang ang inisyatibang Pax Silica bilang proyektong pangkaunlaran.
Saad ni Bagong Alyansang Makabayan Chairperson Teddy Casiño, isang mekanismo lamang ng imperyalistang U.S. ang pagtatayo ng mga industrial hub upang gawing makinarya ng mga kasangkapang pandigma ang Pilipinas.
Ani Casiño, nagpapakatuta lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pasistang administrasyon ni US President Donald Trump kapalit ng kabuhayan ng mga katutubo sa Gitnang Luzon.
Sa kabila ng panghihimasok at pangangamkam ng mga dayuhan, nanatiling masugid ang mga Aeta ng Gitnang Luzon sa pagtutol sa Pax Silica.
Malinaw ang prayoridad ng administrasyon at malinaw din na lalo lamang nitong nilulubog ang mga katutubo sa kahirapan.
Dala-dala rin nila ang mga panawagan laban sa matinding epekto ng isang artificial intelligence hub sa kapaligiran.
Kasama rito ang matinding pagsakmal sa tubig, malawakang pagkonsumo ng enerhiya at masaklaw na pagwasak ng kalikasan.
Kaya naman kaisa ng mga katutubo ang iba’t ibang sektor, lalo na ang kabataan, sa pagkondena ng inisyatibang Pax Silica na anila’y nagpapahirap lamang sa bansa.
Ayon sa mga katutubo, malaking tulong ang pakikibaka at ang pagtatayo ng isang network ng sama-samang pagkilos laban sa artificial intelligence hub.

Sama-samang dadambahan ng malawak na hanay ng maralitang taga-lungsod ng bayan ang puwersa ng estadong nagbubulag-bulagan.
Giit ni Ka Lardo, isang Aeta mula sa Brgy. Sta. Lucia, bigla lamang silang pinalayas ng Bases Conversion and Development Authority. Dagdag pa niya, wala umano silang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan.
“Sa totoo lang, tutulong lang [si Pangulong Marcos nang] panandalian lang, pero ‘yong pangmatagalan, wala siyang [natutulungan] na katutubo,” ani Ka Lardo.

Saad ni Kalipunan ng Damayang Mahihirap secretary-general Ka Mimi Doringo, nakagagalit na ang mga taong nangangalaga at nagpoprotekta ng lupang ninuno ang siyang aagawan nito.
Nakapagtataka na ang mga Aeta mismo ang hirap na hirap at walang paraan upang makamtan ang mga batayang serbisyo tulad ng tubig, kuryente at kabahayan na kinatitirikan ng lupang mismong aagawin ng gobyerno.
“Kakalbuhin ang mga bundok mula rito hanggang sa Zambales at Bataan. Mawawalan na ng lupa, mawawalan [pa] ng kabuhayan,” giit ni Ka Lardo.
Sa kolektibong pagkilos ng komunidad ng mga Aeta, inaanyayahan pa nila na mas marami pa ang sumama sa kanilang panawagang tanggihan ang artificial intelligence hub.
Hangga’t patuloy na sinusulong ang inisyatibang mapanira at mapangwasak, patuloy din ang paglaban, pakikiisa at pakikibaka kasama ang ating mga kapatid sa lansangan.
Para kay Ka Mimi, simula pa lamang ito. Giit niya na ito’y maglulungdok sa inaasahang pagdating ni US President Donald Trump sa darating na Association of Southeast Asian Nations Summit sa Nobyembre.
“Harap-harap natin[g] ipamumukha sa kaniya [Trump] na hindi siya welcome sa Pilipinas dahil ang bansa natin ay hindi kailangang ibenta,” aniya.



