Ang akdang ito ay kathang-isip lamang.
Tumigil ang traysikel na sinasakyan nina Lesley at Vianney sa labas ng tarangkahan ng isang malaking bahay. Kahit maraming beses na silang nakabisita rito, hindi pa rin mapigilan ng dalawa na mamangha sa magarbo nitong mga pader.
Tinitingala nilang tatlo ang bumungad sa kanilang halos dalawampung metrong pader. Kulay aspalto ang mga ito at may mga maliliit na nakausling pako sa itaas ngunit tinatago ng mayabong na mga morning glory.
Nang makaramdam kami ng mahinang pagyanig ng lapag, dali-daling umalis ang drayber ng traysikel. May isang higanteng nanlilisik na mata ang nagbukas ng gintong tarangkahan. Nabalot sina Vianney ng makapal na usok mula sa sigarilyo ng higante. Napatakip na lamang sila ng ilong habang lumalakad sa kahabaan ng daan patungo sa bahay ng lolo at lola ni Angelou.
Dalawang nilalang na may mahahabang puting buhok, itim na mga mata at ani mo’y umiilaw na balat ang gumabay sa kanila patungo sa bahay. Malawak ang hardin ng bahay. Matatayog ang mga balete sa paligid nito at pinamumugaran ng iba’t ibang mga bulaklak at baging na inaalagaan ng mga wangis-taong umiilaw ang pakpak at patusok na mga tainga. Dahan-dahang binaybay nina Vianney ang daan dahil baka masagi nila ang mga maliliit na nilalang na may mahahabang balbas at malalaking mata.
Nang malapit na sa mismong bahay ang magkasintahan, isang nilalang na tila buto’t balat ang pangangatawan at may mahabang nakalaylay na dila ang bumungad sa kanila. Ang dila nito ang nagbukas ng marmol na pinto ng bahay. Halong takot at pagkamangha ang mababakas sa mukha ng dalawa nang batiin sila ng isang matandang lalaking nakaupo sa isang wheelchair.
“Ano’t naparito kayo? Bakit hindi niyo kasama ang aming apo? Maayos naman ba siya?” Bitaw ng lolo ni Angelou.
“Iyon na nga ho ang ipinunta namin dito. Sa katunayan, si Angelou pa nga ho ang nag-abot ng ‘sorpresa’ niyo,” ani Vianney
“Ah, natanggap niyo na siguro ang liham ng Diwa Foundation?” hula ng matanda.
“Talagang nasorpresa naman ho kami. Akala ho namin eh tungkol na ‘yon sa pag-apruba ng Diwa sa pag-ampon namin sa kaniya,” ani Lesley. “Pero bakit naman ho ganoon?”
Sa pagkakataong ito, dumating naman ang isang matandang babaeng naka-walker at inaalalayan ng isa pababa ng hagdan.
“Sana naman ay naiintindihan ninyo kami at nalalabi na lamang ang oras namin dito sa mundo. Lumalaki na ang apo namin. Hindi naman puwedeng pabayaan na lang namin siya sa pangangalaga niyo,” sagot naman ng lola ni Angelou.
“Ano ho bang magiging problema kung ipauubaya niyo na sa amin ang pangangalaga sa bata? Eh mula naman ho mamatay ang ate — ang anak niyo — kami na ho ang nagpalaki sa bata. Hindi naman ho namin siya pinabayaan at pareho naman ho kaming may trabaho ni Vi,” paliwanag ni Lesley.
“Kami pa rin ang legal guardian ni Angelou. At ang gusto namin ay ang makabubuti lamang para sa aming apo,” pagtatanggol ng lolo ni Angelou.
“Apo? Apo niyo sa dugo, puwede pa. Pero pinabayaan niyo siya dahil hindi ninyo siya gustong alagaan. Ayaw niyo ng responsibilidad. Kayo lang ang guardian sa papel pero kami na ang kinasanayan niya,” sumbat ni Vianney. “Nawalan na ho siya ng magulang, ngayon pati kami ipinagkakait niyo pa ho sa kaniya?”
“Sinigurado ko na mabubuti at totoong mag-asawa ang aampon sa bata,” sumbat ng lola.
Nanikip ang dibdib ng magkasintahan sa itinuran ng lola ni Angelou. Hindi nakasagot ang dalawa at nagpagupo na lamang sa katahimikan.
“Malawak daw ang lupain sa kagubatan no’ng babae. Maraming nagtataasang mga puno ng balete. Tapos ‘yong lalaki, may bahay sa kabundukan. Tahimik pa ang buhay nila roon. Kaya nilang matustusan at matututukan ang pagpapalaki kay Angelou,” sagot naman ng lolo.
“Hindi naman sa nagkukumpara pero paano nalang kayo? Bukod sa walang lupa, ni hindi nga pa kayo puwedeng ikasal,” dagdag ng asawa nito.
Sa pagpoprotesta ni Vianney laban sa pagpapaampon kay Angelou sa ibang mag-asawa, ipinakita niya ang retrato ng mga ito sa lolo at lola ni Angelou na hindi ata alam kung anong mga nilalang ang naaprubahang umampon sa kanilang apo.
Laking gulat nila nang makita ang katawan ng mga mag-aampon kay Angelou. Mga anyong kabayo ngunit ang tindig ay parang sa tao. Mayroon silang patusok na tainga, malalaking nguso, gintong mata at mahabang buhok.
Sa loob ng anim na buwan, pansamantalang titira si Angelou sa puder ng mag-asawang ito.
“Gusto lang naman namin na magkaroon ng kumpletong pamilya ang bata — may nanay at may tatay. Ano naman kung hindi sila kagaya natin? Nakita ninyo, kaya nilang mamuhay nang parang mga tao. Kung kayo ang mag-aampon sa apo namin, hindi ba’t isa lamang sa inyo ang puwedeng maging magulang niya sa papel? Paano na lamang kung may mangyari sa iyo na nag-ampon sa kaniya?”
Nalugmok sina Lesley at Vianney sa mga mapapait na katotohanang binitawan ng mag-asawa. Gaano man kasapat ang kakayahan nilang matustusan ang pangangailangan ng bata, hindi nila maikakaila na iisa lamang sa kanila ang pinapayagan ng batas na mag-ampon sa bata. At kahit pareho silang kinikilala ng kanilang anak bilang kaniyang mga magulang, estranghero pa rin ang tingin ng batas sa isa sa kanila. Sa papel, iisa lang ang magulang ng kanilang anak.
Sa kanilang daan pauwi, nanumbalik sa magkasintahan ang panahon matapos mamatay ang mga magulang ni Angelou at naiatas sa kanilang dalawa ang pag-aalaga sa anghel na maagang naulila. Dalawang taong gulang lamang si Angelou noong mga panahon na iyon at masiyadong bata upang maintindihan ang nangyari sa kaniyang mga magulang. Ngunit siniguro nina Lesley at Vianney na hindi mararamdaman ng bata na may kulang at iba sa kaniyang buhay habang siya ay lumalaki. Sina Lesley at Vianney ang tumayo niyang magulang sa nagdaang limang taon. Kinasanayan na ni Angelou na sinusundo siya ng mommy at mama niya sa paaralan. Ang mga ito ang nakakasama niya sa bahay, ang nagpapakain, nagpapaligo at nagtuturo sa kaniya ng mga aralin sa paaralan. Sa loob ng limang taong ito, minarapat ng magkasintahan na lahat ng kailangan ni Angelou bilang bata ay naibibigay nila rito, bagkus ay higit pa nga.
Lahat ng pangangailangan at kahilingan ni Angelou ay ibinigay naman ng kaniyang mommy at mama. Ang kulang na lamang dito ay ang respeto at pagkilala ng lipunan sa kinalakihan niyang mga magulang.
Sa panahon ngayon, maging ang mga dati’y kinatatakutang nilalang ay nakapamumuhay na nang matiwasay kasama ng mga tao. Ngunit ang pagmamahalan at pamumuhay ng mga magkatipan na pareho ang kasarian ay hindi pa rin kinikilala ng lipunan.
Sa pagkulimlim ng kalangitan habang nasa daan ang magkasintahang balot pa rin ng lungkot at pagkabahalang mawawala na sa kanila ang kanilang anak, sumisilip ang araw sa gilid ng itim na ulap. Kasabay nito ang kanilang pagdating sa kanilang tahanan kung saan binati sila ng marahang ambon at ng sabik na ngiti ni Angelou mula sa pintuan.
Niyakap nang mahigpit ni Lesley ang bata. Hindi na nito naitago ang kaniyang mga luha.
Habang hinahawi ni Lesley ang buhok ni Angelou, pinupunasan naman ng maliliit na mga kamay nito ang luha ng kaniyang mommy. Napabuntong-hininga na lamang si Vianney at dumiretso sa hapag-kainan upang ilagak ang kanilang pagkain. Hindi na rin nito napigilan ang kaniyang mga luha.
“Mommy bakit ka po umiiyak? Inaway ka po ba nila lolo?” Tanong ni Angelou. Binuhat ni Lesley ang bata at niyakap nang mas mahigpit. “Kain na lang muna tayo anak, ha? Mamaya na ikuwento sa iyo nila Mommy, okay?” Ika ni Lesley. Tumango naman ang bata at pumunta sa hapag upang kumain. Nagsalo-salo ang mag-anak sa nalalabing sandali sa kanilang munting mundo kung saan buo at magkakasama ang kanilang munting pamilya — si mommy, si mama at si Angelou.
